top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 12, 2021





Posibleng manatiling mataas ang inflation rate sa mga susunod na buwan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil sa limitadong suplay ng karne ng baboy.


Ayon pa sa Philippine Statistic Authority (PSA), bumagsak sa 24% ang imbentaryo ng baboy noong Enero at maraming babuyan ang sumailalim sa sapilitang pagpatay sa mga baboy dulot ng African Swine Flu (ASF).


Kabilang sa mga lugar sa bansa na lubhang naaapektuhan ang supply ng baboy ay ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Gitnang Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Central Visayas, Davao Region, SOCCSKSARGEN (dating Central Mindanao), Caraga Region, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindano.


Kaugnay nito, maging ang presyo ng litson ay nagsitaasan na rin dulot ng kakulangan sa suplay ng baboy.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 11, 2021




Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na African swine fever (ASF) ang ikinamatay ng mga baboy sa ilang lugar sa Misamis Oriental.


Ayon kay DA Regional Executive Director Carlene Collado, isinailalim sa test ang blood samples ng mga baboy mula sa Barangay Hampason, Pagawan, Manticao at Initao, Misamis Oriental at nagpositibo ang mga ito sa ASF.


Samantala, mabilis namang inaksiyunan ng awtoridad ang insidente at kaagad na isinailalim sa isolation ang mga apektadong lugar at inihiwalay ang mga infected na hayop.


Saad ni Collado, "Rest assured that the Regional ASF Task Force, concerned LGUs (local government units), hog industry and other stakeholders are doing its best to isolate, eliminate and compensate; manage, contain and control this viral disease.”


 
 

ni Lolet Abania | February 1, 2021




Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price cap para sa baboy at manok sa loob ng 60 araw sa National Capital Region, batay sa isang report na inilabas ng PTV-4 na istasyon ng gobyerno.


Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 124 matapos ang naging kahilingan ng Department of Agriculture (DA).


Matatandaang iminungkahi ng DA kay P-Duterte na magpatupad ng price freeze sa mga nasabing produkto gaya ng P270 kada kilo para sa kasim at pigue, P300 kada kilo sa liempo, at P160 kada kilo para naman sa karne ng manok.


Sinisi naman ni DA Secretary William Dar ang mga mapagsamantalang traders at wholesalers sa pagtaas ng presyo ng baboy sa gitna ng pagkalat ng African swine fever (ASF).


Ayon kay Dar, ilang mga traders at wholesalers ang nagkakaroon ng malaking profit margin ng mahigit sa P200 kada kilo sa pagitan ng farmgate price ng buhay na baboy at sa retail price ng karneng baboy sa mga palengke at pamilihan.


Noong nakaraang linggo, naiulat na ang COVID-19 task force ng gobyerno ay sinuportahan ang hindi pagluluwas at pagbibiyahe ng mga baboy mula sa Visayas at Mindanao.


Gayunman, ayon sa DA, ang mga imported na baboy ay inaasahang darating nitong February mula sa mga ASF-free na bansa na umabot sa kabuuang 54,000 metric tons.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page