top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 5, 2022



Pinirmahan na ng Department of Transportation (DOTr) at ng Tokyu-Tobishima Megawide Joint Venture (TTM-JV) ang Contract Package 104 (CP104) na bahagi ng Metro Manila Subway Project (MMSP) Phase 1, na naglalayong makapagtayo ng 23,000 sqm underground Ortigas station at 17,900 sqm underground Shaw station.


Sa pangunguna ni DOTr Sec. Arthur Tugade, naisagawa sa EDSA Shangri-La, Mandaluyong ang contract signing kasama si Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa at mga kinatawan ng napiling contractor.


Bukod sa mga underground station sa Ortigas at Shaw, saklaw din umano ng naturang kontrata ang konstruksiyon ng 3.4 kilometrong tunnel mula sa Ortigas patungong Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.


Pagmamalaki ng Department of Transportation (DOTr), ang malaking proyekto ay makapagbibigay ng 5,000 trabaho sa mga Pinoy workers.


Samantala, pirmado na rin ang Right-of-Way Usage Agreements (ROWUA) sa pagitan ng DOTr at ng iba’t ibang korporasyon upang mapabilis ang konstruksiyon ng Metro Manila Subway.


Nauna nang ibinahagi ng DOTr ang paglalarawan sa bilis, accessibility, lawak, advanced at state-of-the-art technology, at disaster-resilient features ng bubuuing Metro Manila Subway, na kinikilalang “Project of the Century” dahil sa pagsasakatuparan umano ng “50-year dream” ng transportasyon sa Pilipinas.


Sa iba pang detalye mula sa DOTr, ang Metro Manila Subway ay tinatayang mayroong haba na 33 kilometers; 17 istasyon, at magpapabilis umano ng biyahe mula Quezon City patungong NAIA, kung saan ang dating isang oras at 10 minutong biyahe ay magiging 35 minuto na lamang.


 
 

ni Lolet Abania | June 16, 2021




Pinaplano ng Department of Transportation (DOTr) ang dahan-dahang pagdaragdag ng public transport capacity, matapos ang pagbabawas ng quarantine restrictions ng gobyerno.


Sa isang virtual briefing ngayong Miyerkules, ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, pinag-aaralan na nila kung paanong madaragdagan ang public transport capacity na hindi makokompromiso ang health safety standards.


“Naumpisahan na ‘yan, meron na kaming tinatawag na pag-aaral at a-approach kami sa IATF na kung puwede, dagdagan, say 5%, 10%, and we make it gradual,” ani Tugade. Ayon kay Tugade, nakahanda na ang mga nasa public transport para sa gagawing pagdaragdag ng kapasidad nito, subalit ang pinal na desisyon ay mula pa rin sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).


Sa ngayon, ang mga public transport ay may kapasidad na 50% habang ang NCR Plus bubble -- Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan – ay nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ).


Ang NCR Plus bubble ay mananatiling nasa GCQ hanggang June 30 kahit na may “ilang restriksiyon” na lamang simula June 15, na dating “with heightened restrictions” nitong nakalipas namang araw.


Nitong nakaraang Biyernes, nagkaroon ng mahabang pila sa EDSA Bus Carousel Stations, na ayon sa DOTr ay dahil sa masamang panahon nu'ng araw na iyon.


Bilang tugon, sinabi ni Tugade na bibisitahin nila ang kasalukuyang sistema ng free ride upang pag-aralan kung kinakailangan pang palawakin sa iba pang platforms ang transportasyon maliban sa EDSA Busway.


Gayunman, nakipag-usap na ang DOTr sa EDSA Busway Consortium upang makapag-deploy ng additional units, kasabay ng pagdagdag ng mga transport marshals at marami pang rescue skip buses. “Be assured that we are on our toes in order to address those causes of inconveniences,” sabi ni Tugade.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page