top of page
Search

ni Lolet Abania | November 17, 2022



Umabot na sa 8 ang nasawi habang nasa 362 kaso ng acute gastroenteritis na naitala sa lalawigan ng Antique.


Batay sa report ng integrated provincial health office (IPHO), hinihinalang kontaminado ang mga pinagkukuhanan ng tubig-inumin ng mga residente na tinamaan ng gastroenteritis.


Ayon kay IPHO information officer Irene Dulduco, sa kanilang monitoring, tig-3 ang namatay sa bayan ng Hamtic at Valderrama, habang 2 naman mula sa bayan ng San Remigio.


Ang gastroenteritis na tinatawag ring “stomach flu” ay inflammation o pamamaga ng bituka kung saan nakararanas ang isang indibidwal ng pananakit ng tiyan, lagnat, pagdudumi o diarrhea at pagsusuka.


Noong Nobyembre 11, na-monitor umano nila ang mga kaso ng naturang sakit, ilang linggo lamang matapos ang hagupit ng Super Typhoon Paeng sa lalawigan. Sinabi rin ni Duduco na sa ginawang pagsusuri, lumabas na ang water sampling mula sa pinanggalingan ng tubig ay positibo sa e. coli bacteria.


Aniya pa, posibleng nakontamina ang tubig dahil sa lumubog sa baha ang mga pipeline o tubo nito. Pinayuhan na rin umano ang mga residente na gumamit muna ng mga mineral water habang agad na i-report sakaling makaranas sila ng matinding sakit ng tiyan, diarrhea o pagtatae, at pagsusuka.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 18, 2021



Patay ang isang 31-anyos na ina matapos matamaan ng kidlat na lumusot sa kanilang tahanan sa Antique.


Batay sa ulat, dakong 6:30 pm noong Lunes nangyari ang trahedya sa bahay ng biktimang si Lordeliza Trogo, sa Barangay Jaguikican, Laua-an sa Antique.


Naghahanda umano ng hapunan si Trogo nang lumusot sa loob ng kanilang bahay na gawa sa kawayan at yero ang kidlat.


Tinamaan ang ginang na nagtamo ng sugat sa leeg at nasawi habang nakaligtas pero nasugatan naman ang dalawa niyang anak na edad isa at apat, na nagtamo ng galos at paso sa katawan.


Wala naman sa bahay ang live-in partner ni Trogo na napag-alaman na kaluluwas pa lang ng Maynila para maghanap ng trabaho.


Nananawagan ngayon ng tulong ang mga kaanak ng biktima dahil mga bata pa ang naiwan nitong mga anak.


 
 
  • BULGAR
  • Jun 18, 2021

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 18, 2021



Nasunog ang isang mall sa Bgy. 8, Bagumbayan Bridge, San Jose, Antique noong Huwebes nang hapon.


Ayon sa imbestigasyon ng San Jose Bureau of Fire Protection (BFP), sa ikalawang palapag ng Gaisano Grand Mall nagsimula ang apoy at mabilis na kumalat sa unang palapag.


Umabot sa general alarm o pinakamataas na alarma ang sunog at mahigit dalawang oras ang nakalipas bago ito nakontrol.


Wala naman umanong naitalang namatay o nasugatan sa insidente at patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon sa sanhi ng sunog at halaga ng mga napinsala sa insidente.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page