top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 13, 2023


ree

Mga laro sa Miyerkules – MOA


11 AM UE vs. ADMU

1 PM UP vs. UST

4 PM DLSU vs. FEU

6 PM NU vs. AdU


Tinulungan ng defending champion Ateneo de Manila University ang sarili at inukit ang 62-58 panalo sa Adamson University at lumapit sa Final Four ng 86th UAAP Men’s Basketball kahapon sa Araneta Coliseum. Isinalba ang Blue Eagles ng kanilang depensa sa 4th quarter at pansamantalang umakyat mag-isa sa pang-apat na puwesto sa 6-6 panalo-talo.


Nilimitahan ng Blue Eagles ang Soaring Falcons sa 9 na puntos lang at epektibong humabol mula 42-49 pagkalugmok sa simula ng huling quarter. Napigil ng depensa ang mga banta ng Adamson sa huling minuto at sinigurado nina Sean Quitevis at Joseph Obasa ang resulta sa mga free throw.


Nagtapos si Quitevis na may 12 puntos at 8 rebound habang pareho ang numero nina Obasa at Kai Ballungay na 10 at 8 rebound. Dalawang sunod na ang panalo ng Ateneo matapos matalo ng tatlo na nagpalutang ng tanong kung kaya nilang mapanatili ang korona sa paaralan.


Hindi pa sigurado ang Blue Eagles at may dalawa pa silang laro kontra host University of the East sa Miyerkules at karibal na De La Salle University sa Sabado. Para sa 5-7 Adamson, mahalaga na walisin ang mga laban sa National University sa Miyerkules at UE sa Linggo.


Samantala, nakakasa na ang Women’s Final Four at ang titiyakin na lang ay ang kanilang huling posisyon matapos kunin ng Ateneo ang huling upuan sa bisa ng 79-66 panalo sa Far Eastern University. Biglang nabura ang pag-asa ng humahabol na DLSU at kahit walisin ng 5-7 Lady Archers ang nalalabing dalawang laro ay hindi na nila maabot ang 8-4 Blue Eagles.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 13, 2023


ree

Nakabalik na galing NBA Mexico City Game 2023 ang Orlando Magic at hindi nag-aksaya ng panahon at tinalo ang bisitang Milwaukee Bucks, 112-97, kahapon sa Amway Center.


Hindi pinalad ang isa pang galing-Mexico Atlanta Hawks at pinayuko sila ng bisitang Miami Heat, 117-109.


Kinailangang tulungan ng buong koponan at nagbagsak si 2023 Rookie of the Year Paolo Banchero ng 26 puntos at 12 rebound at umani ng suporta kay Franz Wagner na may 24 at kanyang kuya Moritz Wagner na may 19 bilang reserba. Tinapos din ng Magic ang 14 magkasunod na panalo sa kanila ng Bucks kung saan huling tinalo nila ito, 103-83, noong Pebrero 9, 2019.


Apat na ang sunod na tagumpay ng Heat at kabayan Coach Erik Spoelstra. Binuhay ang Miami ni Bam Adebayo na may halimaw na 26 puntos at 17 rebound habang tumulong ang rookie na Mexicano Jaime Jaquez na may 20.


Sa ibang laro, winalis ng bisitang Cleveland Cavaliers ang dalawa nilang laro sa Golden State Warriors ngayong taon, 118-110, sa 21 puntos si Donovan Mitchell. Inulit ang 115-104 tagumpay noong nakaraang Lunes at magkikita muli ang dalawang koponan kung sila ang papasok sa 2024 NBA Finals.


Nagising ang Boston Celtics mula sa dalawang sunod na pagkabigo at ibinuhos ang sama ng loob sa Toronto Raptors, 117-94. Umapoy ang “The Jays” Jaylen Brown para sa 29 at Jayson Tatum para sa 27 habang tumulong si Kristaps Porzingis sa kanyang 21.


Samantala, ligtas na sa peligro si Kelly Oubre ng Philadelphia 76ers matapos masagasaan habang tumatawid ng kalsada malapit sa kanyang tahanan. Hindi nagpahayag ang koponan tungkol sa lawak ng pinsala ng inabot ng manlalaro at kung kailan siya maaaring bumalik aksiyon.


 
 

ni Anthony E. Servinio / Clyde Mariano @Sports | November 12, 2023


ree

Kahit pasok na sa Final 4 ay tinambakan ng University of the Philippines at National University ang mga kalaro sa 86th UAAP Men’s Basketball kahapon sa Araneta Coliseum.


Parehong umakyat sila sa 10-2 matapos manalo ang UP sa FEU 81-64 at Bulldogs sa UST, 76-65.


Sa gitna ng dominasyon ng Fighting Maroons ay nagkaraon sila ng pagkakataon na bigyan ng minuto ang kanilang mga bihirang gamitin na manlalaro. Bumanat si forward Sean Aldous Torculas ng 13 puntos sa 18 minuto na pinakamataas niya ngayong torneo.


Sinuportahan siya nina Francis Lopez na may 12 puntos at 9 na rebound at Harold Alarcon na may 11. Dalawang sunod na ang panalo ng UP at naalis ang FEU sa kontensiyon para sa Final 4.


Walang nakapigil kay Kean Baclaan na may 13 puntos para pantayan ng NU ang UP sa pangalawang laro. Sumuporta ng malaki ang mga reserba Patrick Wilson Yu na may 12 at PJ Palacielo na may 10 puntos.


Samantala, sa PBA muli na namang gumawa si Nigerian import Suleiman Braimoh Jr. ng double-double 40 points at 16 rebounds at dalhin ang Meralco sa pangalawang sunod na panalo at kinuryente ang kapwa opening day winner Blackwater, 91-84, kinuha ang solo lead sa kartada 2-0 at humiwalay sa five-way logjam sa Magnolia, North Port, Bossing at Phoenix sa Commissioner’s Cup sa 2023-24 PBA sa Ynares Center sa Antipolo, Rizal.


Pinamunuan ng 34 -year-old, 6-foot-8 Nigerian import na pinanganak sa Benin City malapit sa capital Lagos ang mainit na opensiba ng Bolts na tinalo ang kanyang Puerto Rican counterpart at FIBA World Cup veteran Chris Ortiz sa una nilang pagharap sa PBA pinanood ng mga PBA fans sa Antipolo at sa karatig-bayan sa lalawigan ng Rizal.


Ang panalo ay pangalawang sunod na panalo matapos talunin ang Rain or Shine, 107-102 noong Miyerkules.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page