top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 17, 2023


ree

Mga laro ngayon – INC Central Recreation

9 AM AMA vs. Enderun

10 AM OLFU vs. MLQU

12:30 PM UMak vs. St. Clare

2 PM HAU vs. CUP


Nabawi ng defending champion St. Clare College of Caloocan ang liderato ng 21st National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Men’s Basketball matapos itapal sa dating perpekto at numero unong Our Lady of Fatima University ang una nilang talo, 56-51, sa Novadeci Convention Center sa Novaliches noong Miyerkules. Tabla ang dalawang paaralan sa 7-1 subalit hawak ng Saints ang bentahe sa Phoenix.


Bumuhos ng 10 sunod na puntos ang St. Clare nang maaga sa 4th quarter upang maagaw ang lamang at lumayo, 55-46, at hindi na nila pinapuntos ang Fatima sa huling 3 minuto. Best Player si Ahron Estacio na tumira ng 26 puntos na pinakamataas na naitala ng isang Saint ngayong taon.


Pinatibay ng mainit na City University of Pasay ang kapit sa ikatlong puwesto sa bisa ng 65-57 tagumpay sa Enderun Colleges. Sumandal ang Eagles kay Best Player John Palomares na may 17 puntos habang 20 si Warren Sienes para sa kanilang ikatlong sunod at umakyat sa 6-2 panalo-talo.


Sa ibang laro, naitala ng University of Makati ang kanilang unang tagumpay ng torneo kontra Manuel L. Quezon University, 93-71. Nag-ambag ng tig-16 puntos sina Best Player Christian Jake Agoncillo at Kenz Diokno upang wakasan ang pitong sunod na talo ng Hardy Herons habang 0-7 na ang Stallions.


Samantala, gaganapin ang nalalabing tatlong laro ng Philippine Christian University (3-3) sa susunod na linggo. Kasalukuyang nasa Thailand ang Dolphins para sa isang torneo laban sa mga paaralan mula sa Asya. ntos.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 16, 2023


ree

Mga laro ngayong Sabado – Araneta

9 AM UST vs. ADMU (W)

11 AM UP vs. NU (W)

2 PM FEU vs. UST (M)

6 PM DLSU vs. ADMU (M)


Madaling dinaig ng nangungunang University of the Philippines ang kulelat na University of Santo Tomas, 86-61, sa pagpapatuloy ng 86th UAAP Men’s Basketball kahapon sa MOA Arena. Dahil dito, bumuti ang pag-asa ng Fighting Maroons na masungkit ang bentaheng twice-to-beat sa Final Four sa kartadang 11-2 at pansamantalang solong liderato.


Hindi nagpahuli ang defending champion Ateneo de Manila University lumapit sa huling upuan sa Final Four sa bisa ng 80-74 tagumpay sa host University of the East. Lumaki ang agwat ng Blue Eagles na 7-6 sa humahabol na Adamson University (5-7) sabay pagsara ng pinto sa Final 4 sa Warriors na bumaba sa 4-9.


Malaking problema sa UE ang biglang pagkawala ni sentro Precious Momowei na pinatawan ng isang larong suspensiyon bunga ng kanyang ikalawang unsportsmanlike foul ng torneo laban sa laro kontra De La Salle University noong nakaraang Linggo.


Kahit kulang, lumaban pa rin ang Warriors at hinawakan ang 21-18 lamang matapos ang first quarter subalit nanaig ang pagiging kampeon ng Blue Eagles.


Namuno sa atake si Jared Brown na nagtala ng 21 puntos na siyang pinakamarami niya ngayong taon. Sumuporta sina Kai Ballungay na may 15 at Joseph Obasa na may 13 puntos.


Samantala, kahit tanggal na sa karera para sa Women’s Final 4, nakuha ng DLSU Lady Archers ang huling halakhak at tinalo ang matinding karibal Ateneo, 67-61, sa Araneta Coliseum. Namuno sina Lee Sario at Bernice Paraiso na parehong may tig-15 puntos.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 15, 2023


ree

Humabol mula sa pagkalugmok sa 23 puntos ang Toronto Raptors upang masilat ang bisitang Washington Wizards, 111-107 sa NBA kahapon mula sa Scotiabank Arena.


Patuloy din ang paghabol ng Boston Celtics sa liderato ng liga at ibinaon ang karibal na New York Knicks, 114-98.


Lumamang ang Wizards sa third quarter, 71-48, subalit ayaw mapahiya ang Raptors sa sariling tahanan. Unti-unti nilang tinapyas ang lamang hanggang tuluyang makuha ang bentahe sa buslo ni Pascal Siakam na may 8 segundo sa orasan.


Itinapon ng Washington ang bola at napilitan nilang bigyan ng foul si Dennis Schroder at walang kaba niyang ipinasok ang dalawang free throw para sa huling talaan. Gumawa ng 29 ng kanyang 39 puntos sa second half si Siakam na may kasamang 11 rebound.


Pumantay ang Toronto sa 5-5 at bumaba sa 2-8 ang Washington.


Biglang naubusan ng lakas ang Knicks sa 4th quarter at iyan ang pagkakataon para sa Celtics na ayusin ng maaga ang resulta. Gumawa ng 17 ng kanyang kabuuang 35 puntos sa nasabing quarter si Jayson Tatum at 8-2 na ang Boston o kalahating laro ang agwat sa numero unong Philadelphia 76ers na 8-1.


Sa ibang mga laro, pumorma ng husto si Giannis Antetokounmpo at tinulak ang Milwaukee Bucks kontra Chicago Bulls, 118-109. Nagtapos ang “Greek Freak” na may 35 puntos at 11 rebound sa gitna ng pagtala ng 12 puntos lang ni Damian Lillard.


Umapaw ang puntos sa 132-120 tagumpay ng Sacramento Kings sa Cleveland Cavaliers.


Matalas ang shooting ni De’Aaron Fox patungo sa 28 puntos. Magkakaroon ng 10 laro ngayong araw sa NBA In-Season Tournament o NBA Cup. Isa rito ang pagdalaw ng Portland Trail Blazers kay kabayan Jordan Clarkson at Utah Jazz.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page