top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | February 10, 2024


ree

Naitakas ng Sweden ang pangatlong puwesto sa 2024 MIMA Cup matapos ang pinaghirapang 1-0 tagumpay sa Under-17 Philippine Women’s Football National Team Biyernes ng madaling araw sa Pinatar Arena sa Espanya.  Kahit bigo muli ay maituturing itong isa pang kagalang-galang na resulta para sa Batang Filipinas. 


Bitbit ang karanasan mula sa 1-0 talo sa Inglatera, naglabas ang mga Pinay ng mas mahigpit na depensa at nanatiling walang goal ang parehong panig paubos ng oras.  Biglang inararo ni reserba Nova Rolfsson ang kanyang mga bantay at pinalipad ang bola lampas sa nakataas na kamay ni goalkeeper Leah Bradley sa ika-88 minuto. 


Kumpara sa laban sa mga Ingles, mas maraming pagkakataon ang Pilipinas na kontrolado ang bola at umatake.  May higanteng pagkakataon ang Filipinas na itabla ang talaan subalit napalakas ang sipa ni Alexa Marie Pino sa ika-91 at lumampas ito sa baras. 


Binago ni Coach Sinisa Cohadzic ang kanyang unang 11 manlalaro at inilista ngayon sina Francesca Alberto kapalit ni Lauren Villasin at goalkeeper Bradley para kay Samantha Hughes.  Tinambakan ng Inglatera ang Scotland, 5-0, upang mauwi ang tropeo sa likod ng tig-dalawang goal nina Denny Draper at Erica Parkinson at isa kay kapitana Laila Harbert. 


Handang rumesbak ang mga ate at sasabak ang Senior Filipinas sa 2024 Pinatar Cup.  Haharapin nila ang Scotland sa Pebrero 24 at kung papalarin ay sunod ang magwawagi sa pagitan ng Slovenia at Finland sa Pebrero 27 para sa kampeonato. 


Sa gitna ng mga torneo ay magkakaroon ng kampo ang Filipinas sa parehong lugar kung saan kikilatisin nina Coach Mark Torcaso at kanyang staff ang mga aplikante mula sa Europa.  Umaasa na may matutuklas na bagong talento para sa Under-17 hanggang Seniors. 


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 9, 2024


ree

Mga laro ngayong Biyernes – Alonte Sports Arena


5 p.m. Santa Rosa vs. Muntinlupa


7 p.m. Binan vs. Makati


Hahanapin ng Tatak GEL Binan ang una sa dalawang huling hakbang patungong semifinals ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup laban sa bisita Circus Music Festival Makati sa Alonte Sports Arena ng Binan City simula 7 p.m.   Semifinals din ang layunin ng Eridanus Santa Rosa sa muling paghaharap nila sa Muntinlupa Chiefs sa 5:00 ng hapon. 


Kahit nasa pang-apat na puwesto at kartadang 4-3 sa Grupo B ay buhay pa rin ang pag-asa ng Tatak GEL lalo na kung wawalisin ang nalalabing dalawang laro.  Malaking paborito na ulitin ng Binan ang 114-91 panalo sa Makati noong Enero 12. 


Ilan sa mga bumida noon ay sina Allan Bernard Papa, Jazzele Oliver Cardeno at Wendel Attas habang umaasa na naghilom na ang pilay ni Art Patrick Aquino.  Sa panig ng Makati, nais nilang wakasan ng positibo ang torneo at maihabol ang una nilang tagumpay matapos ang siyam na talo. 


Sariwa pa ang 99-96 pagtakas ng Santa Rosa sa Muntinlupa noong Pebrero 2.  Lamang ng pito ang Chiefs, 94-87, subalit humabol ang Eridanus sa huling minuto upang manatiling pangalawa sa Grupo B. 


Asahan ang patuloy na mahusay na laro nina Alex Junsay, Michael Bisbe at Best Player Roolfo Alota para sa Eridanus.  Pasok na ang Muntinlupa sa semifinals subalit gusto nilang makaganti, magtala ng panalo at wakasan ang kanilang pitong sunod na talo. 


Numero uno ang defending champion Taguig Generals (6-1) sa Grupo B.  Mahalaga na magwagi ang Santa Rosa (5-1) upang pumantay sa Generals at lumayo sa humahabol at pumapangatlong Cam Sur Express (6-2). 



 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 9, 2023


ree

Iwinagayway nina Avegail Rombaon at  Mathilda Krogg ang bandila ng Team Philippine Navy-Standard Insurance nang walisin ang women’s road race titles sa PhilCycling National Championships for Road 2024 sa Cavite at Batangas kahapon ng umaga.


Nakasolo breakaway si Rombaon matapos ang unang 50 kms at nanatiling matibay ang pedal lalo na sa akyatan sa sa  Sampaloc climb saLaurel at solong matapos makaraan ang oras na 4 hours, 22 minutes at 03.69 seconds.


Ang  multi-medalist na cyclist—kung saan naka-MTB bronze sa 2019 SEA Games ay nasungkit din sa Laurel town at naagawan ng korona ni Rombaon si Jermyn Prado at nanatiling solo sa pinal na 30kms ng  134-km Women Elite na nagsimula at nagtapos sa Praying Hands sa Tagaytay City.


Naorasan si Prado ng 4:23:21.83 para mauna kay Maura de los Reyes, na kumumpleto sa 1-3 Standard Insurance finish sa bisa ng  bronze medal sa oras na  4:28:33.77 sa karera na inorganisa ng PhilCycling at isinaayos ng UCI.


Nagawa ring makasungkit ni Krogg sa Women Under-23 ng korona sa  4:24:22.40 clocking sa kampeonato na inihanda ng Standard Insurance. Sumegunda pagdating sa meta si Wenizah Claire Vinoya matapos ang 26 segundo at si Raven Joy Valdez ay higit 1 minutong bumuntot para sa medal ceremony na iginawad ni Philippine Olympic Committee at PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino at Standard Insurance Group chairman Ernesto “Judes” Echauz.


Samantala, dinomina ni Kim Bonilla ang Women Junior race noong Miyerkules, para sa kanyang ikatlong gold medal sa criterium at time trial sa 1:08.73. Kinumpleto rin nina Rosalie de la Cruz (1:12:31.73) at Jazmine Kaye Vinoya (1:27:57.97) ang podium.


Nagwagi si Mark Baruelo (2:02:23.13) sa Men Junior road race, kasunod ni Carl Ivan Alagano (2:02:32.76) at Charles Ferrer (2:02:44.73).  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page