top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | February 15, 2024



ree

Pinarangalan si Shaquille O’Neal ng Orlando Magic bilang pinakaunang manlalaro ng prangkisa na retirado ang numero ng uniporme.  Itinaas ang #32 sa kisame ng KIA Center kahapon sa seremonya na bahagi ng selebrasyon ng kanilang ika-35 taon sa NBA.


Pinili ng Magic si Shaq na numero uno sa 1992 Draft at agad nagwagi na Rookie of the Year noong 1993.  Nakapasok ang Orlando sa 1995 Finals ngunit natalo sa Houston Rockets at lumipat siya sa Los Angeles Lakers noong 1996. 


Maliban sa Magic at Lakers, naglaro rin si O’Neal sa Miami Heat, Phoenix Suns at Cleveland Cavaliers bago magretiro sa Boston Celtics noong 2011.  Ang kanyang uniporme ay nairetiro na ng Heat (32) at Lakers (34), mga koponan na inihatid niya sa kampeonato. 


Sa gitna ng kasiyahan ay binahiran ng bisitang Oklahoma City Thunder ang okasyon at tinambakan ang Magic, 127-113.  Uminit ng todo sina Jalen Williams para 33 at Shai Gilgeous-Alexander para sa 32 puntos. 


Naging mabuti naman ang kapalaran ng iba pang mga dating koponan ni Shaq.  Dinurog ng Miami ang Milwaukee Bucks, 123-97, sa likod ng triple double ni Bam Adebayo na 16 puntos, 12 rebound at 11 assist habang nanguna sina Nikola Jovic na may 24 at Duncan Robinson na may 23. 


Nanatiling numero uno sa buong NBA ang Boston sa 118-110 tagumpay sa Brooklyn Nets.  Halimaw si Jayson Tatum na nagbagsak ng 41 at 14 rebound para sa kartadang 42-12. 


Wagi ang Lakers sa kulelat na Detroit Pistons, 125-111.  Nagtala ng 25 si LeBron James at first half pa lang ay umarangkada agad ang LA, 71-48. Tinakasan ng Phoenix ang Sacramento Kings, 130-125, salamat sa double-double ni Kevin Durant na 28 at 11 rebound. 


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 15, 2024



ree

Kasado na ang pagiging punong-abala ng Pilipinas at Philippine Aquatics Inc. (PAI) sa 11th Asian Age Group Championships, ang unang malaking pandaigdigang palaro sa bansa mula Pebrero 26 hanggang Marso 9 sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.  Asahan na lalong hihigpit ang languyan sa desisyon kamakailan ng World Aquatics na gawin itong continental qualifier para sa Paris 2024 Olympics. 


Sa ngayon ay 29 bansa at lampas 1,000 atleta ang nagpahiwatig ng kanilang paglahok subalit tiyak na darami ito matapos ang anunsiyo. Kakatawanin ang Pilipinas ng 44 sa swimming, apat sa diving at dalawa sa artistic swimming habang hindi lalahok sa Water Polo. 


Malaking hamon ang torneo sa bagong-tatag na PAI na kinatawanan ng kanilang Secretary-General at alamat ng Swimming Rep. Eric Buhain ng Batangas sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex noong Martes.  Sinamahan siya ng mga opisyal ng Local Organizing Committee Jojit Alcazar at Dave Carter. 


Nagdaos ng masinsinang try-out noong Oktubre para sa kategoryang 13-Under, 14-17 at 18-above sa Rizal Memorial.  Ayon kay Buhain, ang pinakamalakas na may tsansang lumangoy sa Paris ay sina Kayla Sanchez at Xandi Chua ngunit magiging masaya na sila sa tanso na maaaring katumbas ng tiyak na ginto sa 2025 Southeast Asian Games Thailand. 


Maliban sa mga atleta, malaking oportunidad ang naghihintay para sa mga Pinoy Technical Officials na ipamalas ang kanilang kakayahan upang maimbita silang humawak sa ibang mga kompetisyon. Unang sasalang ang Swimming kasabay ng Diving sa Pebrero 26 hanggang 29 subalit may isa pang araw ang Diving sa Marso 1. Susunod agad ang Artistic Swimming sa Marso 2 hanggang 6 at Water Polo mula Marso 3 hanggang 9.



 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 13, 2024



ree

Nagluluksa ang mundo ng Athletics sa biglang pagpanaw ni Kelvin Kiptum sa edad na 24, ang may-ari ng World record sa Marathon, bunga ng aksidente sa pagmamaneho sa Kenya kahapon ng madaling araw, oras sa Pilipinas.  Nasawi rin ang kanyang coach Gervais Hakizimina habang malubhang nasugatan ang isa pang kasama na si Sharon Kosgey. 


Naitala ni Kiptum ang markang  2:00:35 sa 2023 Chicago Marathon.  Mas mabilis ito sa 2:01:09 ng isa pang Kenyan Eliud Kipchoge na naabot noong 2022 Berlin Marathon.

 

Mabigat na paborito sana si Kiptum na magwagi ng medalya sa Paris 2024 Olympics.  Siya rin ang napipisil na susunod dapat sa higanteng yapak ng alamat na si Kipchoge na sa edad na 39 ay baka lalahok na sa kanyang huling Olympics at sisikaping maging unang atleta na magwawagi ng tatlong ginto para sa 42.195 km karera kasunod ang Rio 2016 at Tokyo 2020. 


Samantala, gaganapin ang unang yugto ng serye ng tatlong karera ngayong taon, ang MNL City Run: Past Legacy Lane ngayong Marso 17 sa Filinvest City, Alabang.  Tampok ang kategoryang 21, 16, 10 at limang kilometro. 


Hatid ng Rule & Rich Events Management, bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa Anawim Lay Missions Foundation na may layunin na tulungan ang mga senior citizen, Pagkatapos ng unang yugto ay susundan ito ng “Present Pursuit” sa Hunyo 16 at “Futuristic Frenzy Finale” sa Oktubre 13.  Magkakaroon ng 32 km sa Hunyo at 42.195 km sa Oktubre at maaaring idugtong ang mga medalya sa tatlong yugto upang makabuo ng isang malaki. 


Kasalukuyang ginaganap ang pagpapalista sa sangay ng Decathlon sa Festival Mall at SM Santa Rosa.  May diskuwento ang lalahok na agad sa tatlong karera.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page