top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | March 5, 2024


ree


Inuwi ni Welfred Esporma ng Adidas Runners Manila ang kampeonato sa 2024 TCS Clark Animo International Marathon noong Linggo na nagsimula at nagtapos sa Clark Global City sa oras na 2:49:48. Dinaig niya ng 7 minuto sina Albert Omboga ng Kenya (2:56:48) at Jonathan Espiritu (3:02:46).

       

Ang 42.195 kilometrong karera ay dalawang ikot sa loob ng Clark Freeport Zone at sertipikado ng IAAF-AIMS. Dahil dito, ang oras na makakamit ay maaaring gamiting batayan upang makapasok sa Abbott World Marathon Majors sa Boston, New York, Chicago, Tokyo, Berlin o London Marathon. 

       

Nagbantayan ang tatlo hanggang tuluyang kumalas si Esporma matapos ang unang ikot. Mula roon ay unti-unti siyang lumayo at walang duda ang resulta. 

     

Sa panig ng kababaihan, wagi si Lady Madonna Soliman na pangkalahatang ika-10 na nagtapos sa 3:37:15. Sinamahan siya sa entablado nina Vanilyn Baguis (3:49:30) at Jennifer Uy (3:57:01). 

       

Ang iba pang kampeon ay sina John Paul Carreon at Kana Antonio sa 21.1 km Half-Marathon, Jefferson Buyan at Babes Danao sa 10 km  at Jethro Callanga at Elaine Tasay sa 5 km. Nagkaroon din ng espesyal na karera sa 2.5 km. 

      

Ang taunang karera ay nasa kanyang ika-14 edisyon at proyekto ng De La Salle Alumni Association-Pampanga Chapter. Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa La Salle Botanical Gardens at Angeles City Watershed Project. 

      

Tinatayang 5,000 ang tumakbo sa 42, 21, 10, lima at 2.5 km. Matapos ang kampeonato sa Clark, tatakbo ang tubong-Bukidnon na si Esporma sa Seoul Marathon sa Marso 17 sa Timog Korea. Matatandaan na nagtapos siya ng pangatlo sa 2024 Philippine Airlines Manila International Marathon noong Pebrero 24 kung saan ang BULGAR ay opisyal na media partner.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | March 5, 2024



ree


Laro ngayong Miyerkules – Duenas Gym


6:30 p.m. Cam Sur vs. Taguig



Nakamit ng defending champion Taguig Generals ang napakahalagang tagumpay sa Game 1 ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup Finals laban sa bisitang Cam Sur Express, 88-81 sa punong Duenas Gym Linggo ng gabi.


Sisikapin ng Generals na lumapit sa kampeonato sa Game 2 ng seryeng best-of-five sa Miyerkules sa parehong palaruan simula 6:30 p.m.  

      

Biglang humataw ang Taguig sa 4th quarter at nagsama sina Dan Anthony Natividad, Mark John Gabiran, Mike Jefferson Sampurna, Zuharto Mamaluba at tinuldukan ng buslo ni Edziel Galoy para sa kanilang pinakamalaking lamang, 82-65, at 5 minuto sa orasan.  Pumalag ang Express at bahagyang lumapit sa likod nina Pete Andrei Rito, Verman Magpantay at Kyle Philip Domagtoy subalit bumira ng dalawang 3-points si Mark Edison Ordonez upang masigurado ang panalo para sa Generals, 88-79, papasok sa huling minuto. 

      

Napiling Best Player si Lerry John Mayo na gumawa ng 20 puntos at 9 na rebound.  Sumunod si Ordonez na may 13 bilang reserba.  “Sana maging totoo na ang nananalo sa Game One ang laging nagiging kampeon,” wika ni Taguig Coach Bing Victoria.  “Magaling ang Cam Sur, kumpleto sila at maganda ang suporta kaya dapat lalong pagtrabahuhin namin ang Game 2.” 

      

Nabitin ang 19 ni Rito para sa Cam Sur na naputol ang walong sunod na panalo ngayong 2024.  Nag-ambag ng 16 si Domagtoy habang 11 ang kay Magpantay subalit kinulang ng tulong sa mga kakampi. 

      

Samantala, pararangalan ang MVP at iba pang mga mahusay na manlalaro ng Chairman’s Cup bago ang Game 2.  Ang Game 3 ay nakatakda sa Marso 13 at kung kailangan ang Game 4 sa 15 pareho sa Fuerte Cam Sur Sports Complex.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | March 3, 2024


ree


Laro ngayong Linggo – Jun Duenas Gym


6:30 p.m. Taguig vs. Cam Sur


Pantay na pantay ang mga numero at mahirap pumili ng paborito sa pagsisimula ng seryeng best-of-5 para sa 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa pagitan ng defending champion Taguig Generals at naghahamon Cam Sur Express.  Ang Game 1 ay ngayon simula 6:30 sa Duenas Gym sa Signal Village, Taguig. 

       

Hindi pa natatalo ang Generals sa kanilang tahanan ngayong torneo at nais nilang panatilihin ito.   Sa maikling kasaysayan ng liga, lahat ng mga nagwawagi ng Game 1 sa pitong finals ay siyang tuluyang nagiging kampeon. 

       

Sasandal muli ang Taguig kay Mike Jefferson Sampurna, Lerry John Mayo at numero unong reserba Dan Anthony Natividad.  Maliban sa tatlo, malalim talaga ang koponan ni Coach Bing Victoria at kahit sino na ipasok niya ay handang gumawa tulad nina Noel Santos, Fidel Castro, Jonathan Lontoc at Mark Edison Ordonez. 

      

Ang Cam Sur ang may karangalan na nagbigay ng nag-iisang talo ng Generals, 99-88, noong  Enero 19 sa Fuerte Cam Sur Sports Complex sa Pili.  Itatapat ni Coach Genesius Molto Jr. ang mga matinik na shooter Fredson Hermonio at Verman Magpantay at ang masipag na si Jayson Orada kasama ang suporta nina Joshua Irvin Ayo, Kyle Philip Domagtoy, Neil Justine dela Cruz at Pete Andrei Rito. 

       

Winalis ng Express ang Zambales Eruption sa best-of-3 semis, 84-71 at 100-74.  Sa kabilang serye, nakapasok agad ang Taguig matapos umatras ang Muntinlupa Chiefs. 

       

Papasok sa finals ang Cam Sur na bitbit ang walong sunod na panalo at hindi pa nabibigo ngayong 2024.  Ang huli nilang talo ay noong Dis.  17 laban sa Zambales, 90-94, sa elimination round. Ang Game 2 ay gaganapin sa Miyerkules, Marso 6 sa parehong palaruan at oras.  Lilipat ang serye sa Cam Sur para sa Game 3 at kung kailangan ang Game 4. 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page