top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | March 23, 2024



ree


Laro ngayong Martes – Rizal Memorial Stadium


7 p.m. Pilipinas vs. Iraq 


       

Nabitin ang Philippine Men’s Football National Team at itinakas ng Iraq ang pinaghirapang 1-0 tagumpay Biyernes ng madaling araw sa pagpapatuloy ng pinagsabay na 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup Qualifiers Grupo F sa Basra International Stadium.  Maghaharap muli ang dalawang bansa ngayong Martes sa Rizal Memorial Stadium simula 7 p.m.  

       

Tumanggap ng eksaktong pasa ang tumatakbong forward Mohanad Ali galing kay midfielder Amir Al-Ammari at isinipa ang bola ng harap-harapan sa sumugod na goalkeeper Neil Etheridge para sa nag-iisang goal sa ika-84 minuto. Masaklap ang resulta sa gitna ng matibay na depensa ng #139 Pilipinas at anim na minuto na lang ang bubunuin upang makamit ang tabla laban sa #59 bansa sa FIFA World Ranking.

 

       

Nagwakas ang first half na walang goal salamat sa mahusay na pagbantay ni Etheridge at mga defender Amani Aguinaldo, Simen Lyngbo, Christian Rontini at ang baguhan Paul Tabinas na kapatid ng hindi naglarong si Jefferson Tabinas. Pagsapit ng 2nd half ay gumawa ng paraan ang Pilipinas na mahanap ang mailap na goal at nagbalasa ng manlalaro subalit hindi ito dumating. 

      

Matapos ang kanyang unang opisyal na laro bilang head coach, inamin ni Coach Tom Saintfiet na hindi siya masaya dahil ayaw niya talaga ang matalo subalit maipagmamalaki niya ang ipinamalas ng koponan na tatlong araw lang ang preparasyon.  Mayroon pa silang limang araw upang maghanda at nananatiling positibo si Coach Saintfiet na maaari nilang gulatin ang mga Iraqi sa rebanse. 

       

Sa pag-uwi ng mga Pinoy ay magdadaos sila muli ng isang pampublikong ensayo sa Rizal Memorial ngayong Sabado simula 7:30 ng gabi.  Ito ay bahagi ng kampanya ng Philippine Football Federation na mapuno ng mahigit 10,000 tagahanga ang palaruan para sa mahalagang laro kontra sa mga Iraqi.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | March 21, 2024



ree


Laro ngayong Biyernes – Basra International Stadium, Iraq


3 a.m. Iraq vs. Pilipinas 


Malalaman na ang epekto ng maikli subalit masinsinang ensayo ng Philippine Men’s Football National Team sa pagsalang nila laban sa Iraq sa pagpapatuloy ng pinagsabay na qualifier para sa 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC  Asian Cup ngayong araw ng Biyernes sa Basra International Stadium simula 3 a.m.  Titingnan din kung tumalab ng maaga ang sistema ni bagong head coach Tom Saintfiet sa kanyang unang pagsubok buhat noong itinalaga siya ng Philippine Football Federation.

       

Kasalukuyang ika-139 ang Pilipinas sa FIFA World Ranking at 80 baytang ang layo sa ika-59 Iraq o mga “Leon ng Mesopotamia”.  Numero uno ang Iraq sa Grupo F sa bisa ng mga tagumpay sa Indonesia (5-1) at Vietnam (1-0) noong Nobyembre para sa perpektong 6 na puntos.

        

Pumapangalawa ang Vietnam na may tatlong puntos habang tabla ang mga Pinoy at Indonesia na may tig-isang puntos.  Tanging ang unang dalawa sa 9 na grupo ang tutuloy sa sunod na yugto patungong World Cup at makakatiyak sa Asian Cup habang sisikapin ng huling dalawa na makamit ang mga nalalabing anim na upuan sa Asian Cup.

        

Maliban sa mga atleta, tututukan din si Coach Saintfiet na nakilala sa kanyang panahon sa Gambia kung saan inahon niya ang bansa mula kulelat hanggang nakakasabay na ito sa mga higante ng Aprika.   

        

Magkikita muli ang dalawang bansa sa Marso 26 sa Rizal Memorial Stadium.  Nais ng PFF na mapuno muli ang makasaysayang palaruan ng lampas 10,000 tagahanga gaya noong dumalaw ang Vietnam at Indonesia noong Nobyembre.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | March 21, 2024



ree


Kung makapasok ang Gilas Pilipinas sa Paris 2024 Olympics ay tiyak na malaking hamon ang haharapin nila matapos ang opisyal na bunutan na ginanap din kahapon.   Ang kampeon ng Olympic Qualifying Tournament na lalahukan ng mga Pinoy sa Latvia ay ilalagay sa Grupo B kasama ang host Pransiya, 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya at Japan. 

      

Ang Grupo A ay binubuo ng Australia, Canada at mga kampeon ng OQT sa Espanya at Gresya.  Ang Tokyo 2020 gold medalist Estados Unidos ang mangunguna sa Grupo C kasama ang Serbia, Timog Sudan at kampeon ng OQT sa Puerto Rico. 

       

Napipisil na lalahok na ang mga malaking bituin ng NBA para sa kanilang mga pambansang koponan na kabaligtaran ng World Cup kung saan marami sa kanila ang humingi ng liban.  Lalong naging determinado na bumawi ang mga Amerikano sa kanilang pagtapos ng pang-apat.


Samantala, isang araw matapos mahirang na NBA Western Conference Player of the Week, napantayan ni NBTC Philippines graduate Jalen Green ang kanyang personal na marka 42 puntos upang itulak ang Houston Rockets sa 137-114 panalo kontra sa kulelat na Washington Wizards kahapon sa Capital One Arena.  Ito na ang ika-anim na sunod na tagumpay ng Houston at umangat sa 33-35 para ika-11 puwesto sa West at kumatok sa pinto ng Play-In Tournament. 

      

Naabot ang 42 matapos ang three-point play bago ang last 2 minutes, 126-109, at iyan ang hudyat para magpahinga na si Green.  Tumulong si rookie Amen Thompson na may 25. 

    

Unang gumawa ng 42 si Green noong Enero 23, 2023 sa 119-114 tagumpay kontra Minnesota Timberwolves.  Nagtala rin siya ng 41 noong Abril 10, 2022 sa 114-130 talo sa Atlanta Hawks sa kanyang unang taon sa liga.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page