top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 18, 2024



ree

Pasok na ang Philadelphia 76ers sa 2024 NBA Eastern Conference Playoffs sa ika-pitong puwesto matapos takasan ang bisitang Miami Heat, 105-104, sa SoFi Play-In Tournament kahapon sa Wells Fargo Center. Sa isa pang laro ay nagwagi ang Chicago Bulls sa Atlanta Hawks, 131-116, upang manatiling buhay sa torneo.


Galing sa 96-96 tabla at isang minuto sa orasan, bumanat ng three-point play si Kelly Oubre na sinundan ng dalawang free throw ni Tyrese Maxey para lumayo ng 76ers, 101-96. Sapat na iyon at prineserba ng mga free throw nina Oubre at Maxey sa huling 26 segundo kahit humirit pa ng apat na puntos si Tyler Herro bago maubos ang oras.


Nanguna sa Philadelphia si Joel Embiid na may 23 puntos at 15 rebound. Haharapin na nila sa seryeng best-of-seven ang #2 New York Knicks.


Humataw agad ang Bulls at kinuha ang first quarter, 40-22, at hindi nakaahon ang Hawks. Lumaki sa 125-102 ang agwat sa huling apat na minuto at maghahanda na ang Chicago harapin ang Miami para sa ika-walo at huling upuan sa East Playoffs at labanan ang numero unong Boston Celtics.


Matalas ang shooting ni Coby White na nagtala ng 42 puntos sa 43 minuto habang 24 at 12 rebound si Nikola Vucevic. Papasok ang Miami laban sa Chicago na alanganin ang kalagayan ni Jimmy Butler na napilay sa first quarter subalit nakabalik at tinapos ang laro.


Samantala, ipinakilala na ng USA Basketball ang mga kinatawan para sa Paris 2024 Olympics sa pangunguna ng mga beterano ng palaro na sina LeBron James at Kevin Durant at ang maglalaro sa kanyang unang Olympics Stephen Curry. Ang iba pa nilang kakampi ay sina Anthony Edwards at Tyrese Haliburton na naglaro sa 2023 FIBA World Cup sa Pilipinas, Kawhi Leonard, Devin Booker, Jayson Tatum, Jrue Holiday, Bam Adebayo, Anthony Davis at naturalized player Joel Embiid sa gabay ni Coach Steve Kerr.

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | April 16, 2024



ree

Ipinagdiwang ng MILO ang kanilang ika-60 taon sa Pilipinas sa isang engrandeng palabas kamakailan tampok ang mayaman nilang kasaysayan at ang kasalukuyan at kinabukasan ng Philippine sports. Kasabay nito ay inilunsad muli ang kanilang mga programa sa pagpapalaganap ng sports bansa.


Pangunahin dito ang MILO Summer Sports Clinics tampok ang 31 disiplina sa pangunguna ng Swimming at Basketball na siya ring mga pinakaunang itinatag. Maaaring mag-aral din ng Volleyball, Badminton, Tennis, Chess, Fencing, Gymnastics, Ice Skating, Golf, Taekwondo, Karate, Futsal, Table Tennis at mga bagong nauuso na Jiujitsu, Rugby, Jump Rope, Obstacle Course, Athletics, Weightlifting, Dancesport, Frisbee, Sepak Takraw, Pickleball, Triathlon, Surfing at Skateboard. 


Upang magamit ng mga kabataan ang mga aral sa clinic ng Basketball at simula ngayong 2024 pati rin ang Volleyball, nandiyan ang MILO Barangay Liga na magdaraos ng torneo sa 300 piling barangay kasabay ang pagsasaayos ng mga palaruan nito. 


Nagsimula na sa matagumpay na magkasabay na karera sa mga lungsod ng Laoag, Lipa at Mandaue noong Abril 7, gaganapin ang Metro Manila Leg ng taunang National MILO Marathon sa Mall of Asia ngayong Abril 28. Susundan ito ng mga karera sa Puerto Princesa, Legazpi, Imus, Roxas, Bacolod, Iloilo, Tagbiliran, General Santos, Davao at Tarlac at National Finals na nakatakda sa Disyembre 1 sa Cagayan de Oro City. 


Nagkaroon ang publiko ng pagkakataon na makasalamuha ang ilang mga dumalo na atleta gaya nina Hidilyn Diaz-Naranjo ng Weightlifting, Alyssa Valdez ng Volleyball, Chris Tiu ng Basketball, Jamie Lim ng Karate, Bea Lucero-Lhuillier ng Gymnastics at Taekwondo at Bong Coo ng Bowling. Nagpamalas din ng kanilang husay ang mga nagtapos sa clinic ng Taekwondo at Gymnastics. 


Samantala, lalong pinagtibay ng MILO ang ugnayan sa Philippine Sports Commission at Department of Education. Mahalaga ang papel ng dalawang ahensiya patungo sa pag-abot ng mga layunin para paangatin lalo ang sports sa Pilipinas.                     

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | April 16, 2024



ree

Ipinamalas ng defending champion Kaya FC Iloilo at Jarvey Gayoso ang kanilang kamandag sa 12-0 tagumpay kontra Don Bosco Garelli upang maagaw ang liderato sa ikalawang linggo ng 2024 Philippines Football League (PFL) sa Rizal Memorial Stadium. 


Nagtala rin ng kanilang pangalawang panalo ang Stallion Laguna FC, Manila Digger FC at One Taguig FC. 


Nagtala ng apat na goal si Gayoso sa ika-walo, 67, 86 at 92 minuto. Nag-ambag din ng tig-dalawang goal sina Kaishu Yamazaki (4’, 22’), Shuto Komaki (6’, 28’), Jhan Melliza (38’, 68’) at reserba Robert Lopez Mendy (64’, 78’). 


Humabol ang Digger upang gulatin ang Maharlika Taguig, 2-1, sa nagpapanalong goal ni Shin Min Ki sa ika-88.  Matapos ibigay ni Lucas del Rosario ang lamang sa Maharlika sa ika-34, itinabla ni Jeon Sang Cheon ang iskor sa ika-43 bago pumatak ang halftime. 


Winalis ng Stallion ang hamon ng Loyola FC, 5-0, sa likod ng mga goal nina Juan Galeana Trujillo (31’, 49’), Griffin McDaniel (36’) at Junior Sam.  Nanatiling walang panalo ang Loyola kasunod sa 4-0 talo sa Dynamic Herb Cebu FC na lumiban ngayong linggo. 


Muling hindi nakalipad ang Philippine Air Force at binugbog ng One Taguig, 8-0.  Binuksan ni Patrick Grogg ang pagbaha ng goal sa ika-16 at pinatuloy ng apat ni Tsukosa Shimomura (29’, 38’, 58’, 73’) at tig-isa kay Dennis Chung (65’), Naoto Hiraishi (79’) at Izzo El Habib (92’). 


Sa ibang laro, naabot ng United City ang kanilang unang panalo kontra Philippine Army, 3-1.  Umarangkada agad ang United sa likod ng mga goal nina Curt Dizon (55’), Ariel Ngueukam (64’) at Ricardo Sendra (77’) bago naihabol ni reserba Jomar Acedo ng Army ang konswelong goal bago itigil ang laro sa ika-91.          

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page