top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 24, 2024


Photo
File photo: AVC Cup - PNVF

Ipinagpag ng Alas Pilipinas ang mabagal na simula upang gulatin ang Australia sa apat na set sa engrandeng simula ng kampanya sa 2024 AVC Women’s Challenge Cup For Women Huwebes ng gabi sa punong Rizal Memorial Coliseum.  Bitbit ang inspirasyon ng libo-libong mga tagahanga, inukit ng Alas ang 22-25, 25-19, 25-16 at 25-21 tagumpay at magpadala ng mensahe sa mga susunod na katunggali.

       

Sinayang ng mga Pinay ang 21-18 lamang sa unang set at tuluyang isinuko ito sa mga bisita.  Ibang Alas ang lumabas para sa pangalawang set at mula sa 14-14 tabla ay humataw sila pagpasok ni reserba Vanie Gandler at lalong bumangis ang mga atake nina Eya Laure at Sisi Rondina. 

       

Dala ang positibong enerhiya, patuloy ang pag-init ng tambalang Laure at Rondina ngayon ay dumagdag si Angel Canino para kunin ang pangatlong set.  Mahusay na mga service ni kapitana Jia Morado-de Guzman ang sumigurado sa resulta. 

      

Umarangkada ang Alas ng 4-0 upang buksan ang pang-apat na set at tila nawalan ng gana ang mga Volleyroos.  Handa nang itakda ang resulta pero tinabas ng Australia ang 23-18 bentahe ng Alas ngunit walang duda na ang gabi ay tunay na pagmamay-ari ng Pilipinas at ipinako ni Fifi Sharma ang mga nagpapanalong puntos. 

     

Sisikapin ngayon ng Alas na kunin ang pangalawang panalo kontra sa wala pa ring talo India ngayong Biyernes sa parehong palaruan simula 7:00 ng gabi.  Nagwagi ang mga matangkad Indian sa Iran at Chinese-Taipei upang hawakan ang maagang liderato sa Grupo A.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 24, 2024


Photo
File photo: Volleyball World / IG - PNVF

Mga laro ngayong Biyernes – Rizal Memorial


10 AM Iran vs. Chinese-Taipei

1 PM Kazakhstan vs. Vietnam

4 PM Singapore vs. Indonesia

7 PM India vs. Philippines 


Sasalubungin ng Alas Pilipinas ang hamon ng mainit na India sa ikatlong araw ng 2024 AVC Challenge Cup for Women ngayong Biyernes simula 7 pm  sa Rizal Memorial Coliseum.  Napatunayan ng India ang kanilang kakayahan na kunin ang kampeonato matapos ang dalawang impresibong tagumpay at maagang pangunguna sa Grupo A. 

     

Gamit ang kanilang lamang sa tangkad, ang India ang unang bansa na umabot ng dalawang panalo sa grupo at namayagpag kontra sa mga kabataan ng Chinese-Taipei kahapon – 25-19, 25-13 at 25-16.  Nagpasya ang Taiwan na ipadala ang kanilang koponan ng Under-20 na ibang-iba sa nagwagi ng tanso noong 2023 sa Indonesia kung saan tinalo nila ang India. 

      

Winalis ng India ang Iran noong Miyerkules – 25-17, 25-23 at 25-21 – at pagbutihin ang layunin nila ngayon na higitan ang pagiging pang-apat.  Namuno sina K.P. Anusree at A. Radhakrishnan na may parehong may 16 puntos. 

        

Tinatapos ang laban ng Alas Pilipinas at ang walang talong Australia kagabi.  Kinailangan ng Volleyroos ang apat na set bago mailigpit ang Chinese-Taipei noong Miyerkules, 23-25, 25-15, 25-19 at 25-18. 

      

Ipinamalas ng Australia ang lalim ng koponan at bumida sina Caitlin Tipping na may 21 at Cassandra Dodd na may 16 puntos.  Matapos ang mabagal na simula, ginising ni Tipping ang koponan at nagsabog ng 10 sa pangalawang set.         

      

Samantala, dinaig ng 2022 champion Hong Kong ang Indonesia kahapon sa tatlong set – 25-22, 26-24 at 25-19 – upang ipantay ang kanilang kartada sa 1-1 sa Grupo B.  Tinalo ng defending champion Vietnam ang Hong Kong Miyerkules ng gabi, 25-13, 25-17 at 25-16.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | May 12 2024


ree

Mga laro ngayong Linggo – Rizal Memorial

4 p.m. Mendiola vs. Army

5:30 p.m. Cebu vs. One Taguig (Cebu)

7:00 p.m. Davao vs. Stallion


Hahabulin ng Stallion Laguna FC at Davao Aguilas ang liderato sa kanilang malaking salpukan ngayong Linggo sa ika-6 na linggo ng 2024 Philippines Football League (PFL) ngayong araw sa Rizal Memorial Stadium simula 7 p.m.


Malaki rin ang nakasalalay sa kasabay na laro sa Borromeo Sports Complex sa Cebu sa pagitan ng Dynamic Herb Cebu FC at bisitang One Taguig FC sa 5:30 p.m.


Magkakasubukan ang pinakamalupit na opensa ng Stallion na may 34 goal sa limang laro laban sa pinakamahigpit na depensa ng Davao na hindi pa nalulusutan ng bola sa apat na laro. May kartadang apat na panalo at isang tabla ang Stallion para sa 13 puntos kumpara sa Aguilas na perpekto sa apat na laro at 12 puntos.


Nais ng Cebu ng makabangon mula sa masaklap na 1-0 talo sa numero uno at defending champion Kaya FC Iloilo noong Mayo 5. Hinintay ang huling minuto bago ipinasok ni Robert Lopez Mendy ang nag-iisang goal at itapal ang unang talo ng Gentle Giants matapos magwagi sa unang tatlo.


Pagbawi rin ang puntirya ng One Taguig na galing sa magkasunod na tabla sa Kaya (0-0) at Stallion (3-3). Umakit na atensiyon ang bagong tatag na koponan sa pagpanalo nila ng unang tatlong laro at makibahagi sa liderato ng pambansang liga.


Sa isa pang laro sa Rizal Memorial, patuloy ang paghahanap ng Philippine Army ng unang tagumpay ngayong taon sa pagharap sa Mendiola FC 1991 sa 4 p.m. Sariwa pa sa Mendiola ang kanilang 6-0 tambakan sa isa pang kulelat Manila Montet FC, ang kanilang pangalawa sa 5 laro para sa 6 puntos at ika-8 puwesto sa 15 koponan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page