top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 27, 2024


sports news
File photo: Gen Villota

Mga laro sa Martes – Rizal Memorial


10:00 AM India vs. Indonesia


1:00 PM Chinese-Taipei vs. Singapore (N. Aquino)


1:00 PM Hong Kong vs. Iran


4:00 PM Vietnam vs. Australia


7:00 PM Philippines vs. Kazakhstan



    Nagpatikim ng maaari pa nilang maialay sa kanilang mga tagahanga ang Alas Pilipinas at madaling iniligpit ang hamon ng Chinese-Taipei sa tatlong set – 25-13, 25-21 at 25-18 – at pormal na walisin ang Grupo A ng 2024 AVC Challenge Cup for Women Linggo ng gabi sa umaapaw na Rizal Memorial Coliseum. Haharapin ng mga Pinay sa semifinals ang pumangalawa sa Grupo B Kazakhstan ngayong Martes sa parehong palaruan.


       Sa sobrang lakas ng Alas ay isang beses at saglit lang tumikim ng bentahe ang mga bisita, 7-6, maaga sa unang set. Mula sa 8-8 tabla ay rumatrat ng anim na sunod ang Alas para maging 14-8 sa likod nina Vanie Gandler, Faith Nisperos at Eya Laure at sapat na ito.


      Muling nag-eksperimento si Coach Jorge Souza de Brito at hind ipinasok sina Sisi Rondina, Angel Canino at Fifi Sharma bilang paghahanda sa mga napipintong mas mahalagang laban. Kahit panay ang sigaw ng kanilang pangalan ng mga nanood, hindi nagbago ng plano at naging positibo ang tugon ng lahat ng manlalaro na binigyan ng mas malawig na oras sa korte.


       Natamasa ng Alas ang kanilang pinakamalaking agwat sa buong laro, 14-4, sa pangatlong set at wala nang duda kung saan patungo ang resulta. Nararapat lang na ihampas ni Laure ang huling puntos at pigilan ang huling hirit na lumapit ng mga Taiwanese.


       Naselyuhan ng Kazakhstan ang kanilang tiket sa semis sa bisa ng 25-17, 25-18 at 25-4 dominasyon sa 2022 kampeon Hong Kong sa naunang laro. Ang defending champion at walang talo Vietnam ang numero uno sa Grupo B at haharapin ang Australia na nasungkit ang ikalawang puwesto sa Grupo A matapos takasan ang banta ng Iran, 26-24, 25-23, 25-27 at 31-29



 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 26, 2024


Photo
File photo: Rio Deluvio / IG

Habang tumatagal ay lalong nahahasa ang Alas Pilipinas at nanatiling perpekto ang kartada sa 2024 AVC Challenge Cup for Women matapos ang 25-16, 25-13 at 25-15 pagwalis sa Iran kagabi sa maingay na Rizal Memorial Coliseum.  Tampok ang kanilang pinakamalupit na porma, kontrolado ng mga Pinay ang buong laro at nakakatiyak na sa semifinals sa kartadang 3-0 at isang laro pa sa naghihintay na Chinese-Taipei. 


      Nagawa ng Alas ang hindi pa nilang nagawa sa unang dalawang tagumpay sa Australia at India – ang makuha ang unang set.  Ang magandang simula ay nadala nila sa mga sumunod na set at walang nagawa ang mga Iranian. 


    Kinuha ni Coach Jorge Souza de Brito na balasahin ang kanyang mga manlalaro at magsubok ng mga bagong kombinasyon.  Kahit sinong ipinasok ay nag-ambag simula kay Vanie Gandler na tumulong kasama sina Sisi Rondina upang itayo ang 21-14 bentahe sa unang set at hindi nila binitawan ito na kabaligtaran ng kanilang ibang mga laro.

 

       Inilatag nina Fifi Sharma at Rondina ang pundasyon sa pangalawang set at nag-tabi sila ng lakas hanggang pumasok ang reserbang si Aira Panique para tapusin ang trabaho.  Tila natunaw ang Iran walang makapigil sa arangkada ng Alas sa pangunguna muli nina Rondina, Sharma, Angel Canino at isa pang magic bunot Faith Nisperos na ibinaon ang huling dalawang puntos ng gabi. 


       Kahit hindi masyadong ginamit, positibo ang tugon nina Nisperos, Panique, Cherry Nunag at Dell Palomata at ipamalas ang lalim ng koponan.  Nagpasya din si Coach na pahingahin sina Eya Laure at Thea Gagate. 


       Hahanapin na ng Alas ang perpektong 4-0 kartada at tiyak na pagiging numero uno sa Grupo A laban sa Chinese-Taipei na ipinadala ang kanilang Under-20 koponan.  Mahalaga maging numero uno upang maiwasan ang defending champion Vietnam na winalis ang Grupo B at sa halip ay labanan ang isa sa Hong Kong o Kazakhstan sa knockout semifinals sa Martes sa parehong palaruan.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 26, 2024


Photo
File photo: Dallas Mav's / IG

Laro ngayong Linggo – Gainbridge Fieldhouse

8:30 AM Boston sa Indiana 


 Bumomba ng tres na may 3 segundo sa orasan si Luka Doncic upang maagaw ng bisitang Dallas Mavericks ang 109-108 panalo kontra Minnesota Timberwolves sa Game 2 ng 2024 NBA Western Conference Finals kahapon sa Target Center.  May 2-0 na bentahe ang Mavs at uuwi na sila para sa Game 3 at 4 sa American Airlines Center. 


      Galing sa timeout, walang nagawa ang depensa at mahabang galamay ni Defensive Player of the Year Rudy Gobert na sinayawan lang ni Doncic.  Bago noon, bumira ng three-points si Kyrie Irving lumapit lalo ang Dallas, 106-108, at hindi na pumuntos ang Minnesota sa huling minuto.


        May pagkakataon ang Timberwolves subalit nagmintis ang huling tira ni Sixth Man of the Year Naz Reid.  Nabuo ang paghabol ng Dallas mula 48-60 pagkalugmok noong halftime. Halimaw si Doncic sa triple double na 32 puntos, 10 rebound at 13 assist.  Sumuporta si Irving na may 20 galing sa apat na tres.


       Nanguna sa Minnesota si Reid na may 23 habang 21 si Anthony Edwards.  Nakuha ng Mavs ang Game One noong Huwebes, 108-105. 


       Samantala, hahanapin ng numero unong Boston Celtics ang 3-0 lamang sa Eastern Conference Finals sa pagdalaw nila sa Indiana Pacers ngayong araw sa Gainbridge Fieldhouse.  Napunta sa Celtics ang Game 1 noong Miyerkules, 133-128 sa overtime at nanigurado sa Game 2 noong Biyernes, 126-110. 


       Malaking bagay para sa Pacers ang kalusugan ni Tyrese Haliburton na napilay sa Game 2. Pangunahin para sa Boston ang patuloy na mainit na serye nina Jaylen Brown at Jayson Tatum na naghatid ng 40 at 23 puntos noong Game 2.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page