top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 23, 2024


Sports News
Photo: OneSports / FB

Laro ngayong Biyernes – Yogyakarta


8 p.m. Pilipinas vs. Indonesia 


Masusubukan agad ang bagong tuklas na husay ng Alas Pilipinas sa pagharap nila sa host Indonesia sa unang araw ng pangalawang yugto ng SEA Men’s V.League 2024 ngayong Biyernes simula 8:00 ng gabi sa Yogyakarta.  Patutunayan ng mga Pinoy Spiker na hindi tsamba ang kanilang tanso sa unang yugto noong nakaraang linggo sa Ninoy Aquino Stadium.


Matatandaan na sumuko ang Alas sa mga bisitang Indones – 23-25, 25-19, 25-11 at 25-21 – kung saan nasayang ang 17 puntos ni kapitan Bryan Bagunas at 16 ni Michaelo Buddin.  Ngayon, wala si Bagunas na napilay ang tuhod habang inihatid niya ang huling serbisyo ng laro kaya mas malaki ang inaasahan kay Buddin na napiling Best Outside Spiker at Kim Malabunga na hinirang na Best Middle Blocker ng torneo.


Pagkatapos ng Indonesia ay haharapin ng Alas ang kampeon ng unang yugto Thailand sa Sabado.  Tatapusin nila ang kampanya kontra Vietnam sa Linggo ang parehong koponan na binigo nila upang maitala ang unang panalo sa dalawang taon ng V.League at ilatag ang daan patungong tanso. 


Samantala, may inihahandang mga laro o munting torneo ang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) upang markahan ang isang taon bago magsimula ng FIVB Men’s World Championship sa bansa mula Set. 12 hanggang 28, 2025.  Maliban sa Pilipinas, pasok na sa torneo ang defending champion Italya, Poland, Slovenia, Pransiya, Japan, Iran, Qatar, Ehipto, Algeria, Libya, Estados Unidos, Canada, Cuba, Argentina, Brazil at Colombia habang malalaman sa Agosto 30 ang 15 iba pang kalahok ayon sa FIVB Ranking.  


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 19, 2024


Sports News

Matapos ang unang dalawang matagumpay na yugto, lalarga na ang Air Run ngayong Setyembre 22 sa Cultural Center of the Philippines.  Ito ang pangatlong handog ng seryeng Takbo Para Sa Kalikasan 2024, ang natatanging karera na ipinaglalaban ang Inang Kalikasan. 


Inakyat na sa 21 kilometro ang tampok na karera para hamunin ang mga nais mabuo ang serye.  Nariyan pa rin ang 10, lima at isang kilometro.


Ang igagawad na medalya sa mga magtatapos ay maaaring isabit sa isang wood rack ng TPSK  upang mabuo ang mga nakasabit na  medalya. Magkakaroon din ng raffle at iba pang sorpresa.  Ginaganap na ang pagpapalista online sa MyRunTime.com.  Maaari ring pumunta sa mga piling sangay ng Chris Sports hanggang Setyembre 8 o bago maubusan, kung ano man ang mauna. 


Para sa mga hindi makakapunta ng CCP sa araw mismo ng karera, magkakaroon ng virtual race.  Isumite lang ang katibayan ng oras at distansiyang itinakbo para makakuha rin ng parehong medalya, t-shirt at regalo. “Nakikinig kami sa mga runner at ginagamit namin ito para lalong pagbutihin ang ating karera,” wika ni Jenny Lumba ng Green Media Events.  “Sana umabot tayo ng 10,000 kalahok para mas marami tayong matulungan.”


Angkop sa kanyang pangalan, nais ng fun run na isulong ang malinis na hangin sa pamamagitan ng pagtanim ng puno kasama riyan ang pag-aalaga ng mga ibon sa pangunguna ng Haribon Foundation.  Sa mga nakalipas na yugto ay nag-alay ng tulong para sa adbokasiya na labanan ang pagbago sa klima sa Fire Run noong Mayo 5 at ang pag-aalaga ng mga Pawikan sa Water Run noong Hulyo 14. 


Ang BULGAR ay opisyal na Media Partner ng Air Run.  Ang ika-apat at huling yugto ng serye Earth Run ay nakatakda para sa Nobyembre 17 sa parehong lugar.  


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 17, 2024


Sports News
Photo: One Sports / FB

 Haharapin ng Alas Pilipinas ang hamon ng defending Indonesia, sa pagpapatuloy ng unang yugto ng SEA Men’s V.League 2024 sa Ninoy Aquino Stadium.  Umaasa ang mga Pinoy na ang paglaro sa harap ng kanilang kababayan ang magiging susi para sa kanilang unang tagumpay sa dalawang taon ng torneo. 


Galing ang mga Indones sa 21-25, 23-25 at 20-25 pagkabigo sa Thailand Biyernes upang buksan ang torneo.  Matapos ipamigay ang unang dalawang set, may pagkakataon ang Indonesia at kinuha ang 19-17 lamang sa pangatlong set subalit rumatrat ng pitong sunod ang mga Thai at hindi na nila pinatagal ang laro. 


Maglalaro ng single round o tig-tatlong beses ang apat na koponan at ang may pinakamataas na  kartada ang kokoronahang kampeon.  Tinatapos ng Alas ang kanilang unang laro kontra Vietnam kagabi. 


Winalis ng Indonesia ang dalawang yugto noong 2023.  Tinalo nila ang Thailand sa Bogor at Vietnam sa Indonesia habang kulelat ang Pilipinas sa parehong yugto at bigo sa ipinagsamang anim na laro. 


May konswelo ang mga Pinoy at napili si Steven Rotter bilang Best Opposite Spiker ng dalawang beses.  Hindi bahagi ng pambansang koponan ngayon si Rotter at pangungunahan ang Alas Pilipinas nina Bryan Bagunas at mga magbabalik na sina Kim Malabunga, Lloyd Josafat at Vince Patrick Lorenzo. 


Ang iba pang kasapi ng koponan ay sina Joshua Ybanez, Jade Disquitado, Noel Kampton, Gabriel Casana, Joshua Retamar, Rwenzmel Taguibolos, Leo Ordiales, Gerard Diao, Louie Ramirez at Michael Buddin.  Head coach si Angiolino Frigoni.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page