top of page
Search

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Jan. 17, 2025





Kinumpirma ni Shaira Diaz sa naging panayam sa kanya ng King of Talk na si Boy Abunda nu’ng Miyerkules (Enero 15) sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) na sa isang simbahan sa Silang, Cavite sila ikakasal ni Edgar Allan “EA” Guzman sa darating na Agosto 25.  


Sa nasabing episode, nasa studio si Shaira kasama si Ruru Madrid para mag-promote ng Lolong: Bayani ng Bayan (LBNB), ang kanilang action-drama series na mapapanood sa GMA-7.


Bilang bahagi ng panayam, nabanggit ni Shaira na sa South Korea niya bibilhin ang wedding gown na gagamitin sa mahalagang araw ng kanilang buhay ni EA.  


“Sobrang love ko ‘yung Korea, ‘yung culture nila. Mahilig ako sa K-drama, sa K-pop, kay Jungkook [ng BTS], so parang gusto kong lagyan ng very personal sa ‘kin,” kuwento ng aktres.  


Sa naturang panayam, sinabi ni Shaira na isang intimate wedding ang magaganap at kinumpirma niyang si Boy Abunda ang magiging ninong sa kasal nila ni EA.  


Ikinatuwa rin ni Shaira ang pagpapaubaya sa kanya ni EA sa mga paghahanda para sa nalalapit nilang kasal, pati na ang pagpili sa mga invited guests. 


Aniya, mahalaga na ang mga taong malapit sa kanilang puso, na saksi sa simula ng kanilang pagmamahalan, ay naroroon.  


“Nakakatuwa kasi hinahayaan lang n’ya ako. Kung may idea ako na gusto kong makita sa wedding namin, isine-send ko sa kanya, ipinapakita ko, at nagye-‘yes’ lang s’ya.  


“Kasi, sabi n’ya nga, ‘‘Yung kasal ay para talaga sa bride.’  


“Parang iyon ang day ng bride, so ibinibigay po n’ya sa ‘kin ‘yun. Walang away, walang pressure, walang stress,” ani Shaira.  


After mag-box-office… HLA NINA KATHRYN AT ALDEN, IPAPALABAS NA SA NETFLIX 




Maraming fans nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ang nagbubunyi dahil ang all-time box-office hit ng taon na Hello, Love, Again (HLA) ay mapapanood na sa Netflix simula Pebrero 13, 2025, bisperas ng Valentine’s Day!  


Matatandaang halos buong bansa ang dumagsa sa mga sinehan para sa nasabing KathDen movie simula noong Nobyembre 13, 2024. Sabik ang mga netizens sa istorya at pagpapatuloy ng love story nina Joy (Kathryn Bernardo) at Ethan (Alden Richards), na kinunan on-location sa Canada.  


Kaya’t magandang regalo ito sa mga solid KathDen fans. 


Sa mga hindi pa nakakapanood ng pelikula, maaari nang ulit-ulitin ang panonood ng HLA sa Netflix.  


May iba pang gawang Pinoy na malapit nang mag-stream sa Netflix tulad ng pelikulang Friendly Fire (FF) na pinagbibidahan nina Loisa Andalio, Coleen Garcia, Yves Flores at Harvey Bautista, sa direksiyon ni Mikhail Red na mapapanood na sa Enero 23, 2025.  


Samantala, sa Enero 17, Biyernes, ay streaming na rin sa Netflix ang Kapamilya series na Incognito, kung saan isa sa 7 bida ay ang ex ni Kathryn Bernardo na si Daniel Padilla.  

 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Jan. 16, 2025





Mukhang maganda ang pasok ng suwerte sa komedyanteng si Pepe Herrera. Magkakasunod na proyekto ang kanyang ginagawa pagpasok ng bagong taon.


After na gumanap na Lods (Hesus Kristo) sa Rewind noong 2023, Satanas naman ang role ni Pepe sa pelikulang Sampung Utos Kay Josh (SUKJ) na pinagbibidahan nila ni Jerald Napoles.


Balita ring matatapos na ang comedy film na unang pagbibidahan nina Pepe at KitKat, ang Pranks In Tandem (PIT) na ang target playdate ay ngayong March, 2025.


Ayon sa director ng comedy film na si Direk Franco Arce, first time nilang makatanggap ng maraming requests na pagsamahin ang dalawa.


Gagampanan nina Pepe at Kitkat ang magkalabtim at magka-partner sa lahat ng bagay na inilalarawan bilang katatawanan.


Sa script reading ng PIT, kuwento ni Kitkat, “Kami ang magkapareha ni Pepe. May mga aksiyon, may bugbugan.”


Kawawa raw si Pepe sa bugbog na inabot nito.


Buwelta ni Kitkat, “Sana, si Janno (Gibbs) ang partner ko rito, para makaganti ako sa kanya. Bugbog-sarado s’ya tiyak sa ‘kin.”


Dito namin napag-alaman na hindi pa rin daw sila okey ni Janno pagkatapos ng isyu ng dalawa sa isang programang pinagsamahan nila sa TV5, kung saan minura siya ni Janno.


“Ni sorry nga, wala!” sabi ni Kitkat


Bibigyan ng P1M sa awa…

RUFA MAE KAY WILLIE: PAG-ISIPAN KO MUNA



Maraming netizens ang na-touched sa pagbibigay ni Willie Revillame ng P1M sa komedyanang si Rufa Mae Quinto na kinasuhan ng 14 counts ng violation sa Section 8 ng Securities Regulation Code kaugnay ng pagiging endorser nito ng Dermacare skin clinic.


Matatandaang kusang-loob na sumuko kamakailan sa NBI si RMQ at nagpiyansa lang ng P1.7M para pansamantalang makalaya.


Ang pagkikita nina Willie at Rufa Mae ay nagkataon lamang. 


Kuwento ni Wil, “Kumain kami nu’ng anak kong si Juamee sa isang restaurant. Eh, walang silya kaya bumaba kami.


“So, nakita ko s’ya, may mga kasamang abogado, may mga pulis,” gulat niyang sabi.

Nagbiro pa ito ng, “May posas pa s’ya.”


Kuwento pa niya, “So, sabi ko, ‘Kumusta ka?’ ‘Yun ‘yung time na kakalabas pa lang n’ya.”  Hindi na nagdalawang-isip si Willie na tulungan si Rufa sa kanyang pinagdaraanan.


Malaki ang pasasalamat ni Rufa Mae noong abutan siya ni Wil ng P1M.

Emosyonal na kuwento ni Rufa, “Binigyan po n’ya ako ng 1 million pesos noong nakita ko s’ya.


“Seryoso po ito, ha, noong nakita at nakausap ko po s’ya, sabi n’ya, ‘Sana, tinawagan mo ako para tinulungan kitang mag-bail.’


“Sabi pa niya, ‘Sige, bibigyan kita ng 1 million ngayon.’”


Gulantang si Rufa Mae at nagbiro, “Sabi ko naman, ‘Bukas na lang, pag-isipan mo muna, baka nagugulat ka lang.’


“Sabi naman niya, ‘Hindi, naaawa kasi ako sa ‘yo, eh, sa mga pinagdaanan mo.’”


Todo-pasalamat si Rufa Mae dahil sa ginawang ito ni Kuya Wil at sa mga taong tumulong hindi lang sa pinansiyal.


Aniya pa, “Hindi lang po kayo ang tinulungan n’ya, kundi pati ako.


“Kaya nagha-hi-hello ako para sabihin sa kanya (Willie) na maraming salamat.


“Siyempre, nagpapasalamat ako sa Diyos, nagdasal po ako. Sa NBI, sa press, hindi nila ako pinatakas.


“Talagang bawal ang eskapo. Hindi naman ako nakulong kasi nakapag-bail ako. Ngayon, bail-bail na lang!


“Pero okey na ‘yun, positivity na lang. Ang importante, binigyan n’ya (Willie) ako ng cash.”

 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Jan. 14, 2025



Photo: Julia Montes at Coco Martin - Instagram


Hindi man tahasang kinukumpirma ng magkasintahang Coco Martin at Julia Montes ang tunay nilang relasyon, basang-basa naman ng mga netizens sa kanilang mga galaw at pictures na ipino-post sa social media kung ano’ng meron sila.


Kung dati ay hindi nga makalabas na magkasama ang dalawa at patago ang kanilang mga date dahil baka makunan ng camera, ngayon ay okay lang kahit magka-holding hands at magkayakap pa sila sa mga larawan.  


Pahayag ni Coco sa isang panayam kung bakit lantaran na sila ngayon ni Julia, “Dati, lahat nakatago.


“Ayaw ko namang ipagkait kay Jules (tawag niya kay Julia) na hindi man lang kami makalabas. Dati kasi, lahat ‘yan, nakatago. 


“Alam mo, ‘di naman n’ya sa ‘kin sinasabi (kung ano ang gusto niya), na para bang, ‘Ano ‘to? Habambuhay na lang ba na para bang never mo akong…’ Alam mo ‘yun?


“Ayoko namang ipagkait kay Jules na ‘di man lang kami makalabas o makakain (sa labas). Hindi ko man lang s’ya masuportahan.” 


Ikinatuwa naman ng mga fans ni Coco na finally ay handa na nga silang magpakatotoo ni Julia at buksan ang kanilang relasyon sa madlang pipol.


Anyway, sa panibagong taon ng kanyang seryeng Batang Quiapo (BQ), maraming papasok na bagong karakter sa serye at inaabangan na ito ng madlang pipol matapos mamatay ang dalawang cast members na sina McCoy de Leon at Irma Adlawan (bilang si Olga).


Kaya naman hinuhulaan ng mga netizens kung sa taong ito papasok si Julia Montes sa Batang Quiapo (BQ). Abangan!



Sa balitang iba’t ibang personalidad ang papasok sa ika-2 taon ng Batang Quiapo, may tsismis ding lumulutang na hanggang 2025 na lang daw ang serye ni Coco Martin.


Paliwanag dito ng vlogger at talent manager na si Ogie Diaz, “On a yearly basis kasi ang pagtatapos ng Batang Quiapo. Eh, lalo na ngayon, grabe ang utak ni Coco d’yan. At bukod pa d’yan, eh, maraming characters na naman ang lalabas (aabangan).


“Ako naman, naniniwala ako na ‘pag kumikita ka, ‘di dapat patayin. Ang feeling ko naman, ‘yung sinasabi nilang hanggang 2025, itutuloy hanggang 2026 na naman ito.”

Sa pagkakaalam ni Ogie, “Maraming characters pa ang lalabas.”


Pera sa kampanya, naging bato pa… 

AI AI AT BOSS TOYO, TODO-HINAYANG SA PAG-ATRAS NI CHAVIT





Malaki ang panghihinayang ni Comedy Queen Ai Ai delas Alas at ng nagso-showbiz na rin na si Boss Toyo sa pag-atras ni dating Gov. Chavit Singson sa pagtakbo bilang senador sa midterm elections sa Mayo, 2025.


Malaking budget ang mawawala sa kanilang dalawa. 


Balitang nakakontrata ng milyun-milyong piso ang dalawa sa pagsama nila sa election campaign ni Manong Chavit sa duration ng campaign period.


Pero, nand’yan pa rin ang binitawang salita ni Manong Chavit na kukunin niyang mga artista sina Ai Ai at Boss Toyo kapag inumpisahan na niyang mag-produce ng pelikula sa GMA-7.


Si Chavit ang bumibili dati ng GMA-7 Network pero aniya, “May hindi napagkasunduan,” at ayaw na niyang mag-elaborate pa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page