top of page
Search

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | December 28, 2022



Base sa inilabas na news report ng TV Patrol na unofficial box office standing ng walong pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival 2022 nu'ng first day showing nito sa mga sinehan (Dec. 25), nangunguna ang pelikula nina Vice Ganda at Ivana Alawi na Partners in Crime.


Pumangalawa naman ang horror movie ni Nadine Lustre na Deleter at pangatlo ang pampamilyang pelikula nina Noel Trinidad at Liza Lorena na Family Matters.


Pang-apat ang unang tambalan sa pelikula nina Coco Martin at Jodi Santamaria, ang Labyu with an Accent.


May mga nagkomento na hindi na sila nagugulat na si Vice pa rin ang No. 1 sa takilya dahil pambata nga ang pelikula nito. At kahit sabihin pang kababawan, maraming nanonood dahil ang gusto lang nila ay maaliw at tumawa.


Komento naman ng isang netizen, "Suwerte ni Ivana, ha, kahit flopsina 'yung teleserye show niya, may box office movie na siya."


Awww! Ibig sabihin, kaya lang nagklik ang movie ay dahil kay Vice, hindi dahil kay Ivana?


 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | December 27, 2022



Naging special guest sa It's Showtime ang Pop Royalty na si Sarah Geronimo bago nag-Pasko.


Of course, isang malaking sorpresa ang pagbisita ni Sarah sa programa kaya't siya'y napakainit na sinalubong ng mga hosts, especially Vice Ganda, Anne Curtis at iba pa.


Nasa It's Showtime si Sarah para sa promotion ng kanyang bagong single na Dati Dati at sinabayan niya ito ng indak gaya ng dati niyang ginawang dance number sa pinasikat niyang danceable song na Tala.


Sa panayam nina Vice at Anne, hindi sang-ayon ang dalawa sa tanong ni Sarah sa audience kung kilala pa ba nila ang Popstar Royalty. Matatandaang matagal-tagal ding nawala sa sirkulasyon si Sarah pagkatapos niyang namnamin ang pagiging Mrs. Guidicelli.


Tanong ni Sarah, "Kilala pa ba ninyo ako?" na sinalubong ng mga hiyawan sa pambihira nitong pagdating.


Subali't inalmahan ni Vice ang sinabi ni Sarah na baka siya'y nakalimutan na ng mga tao.


Ani Vice, hindi mangyayaring makakalimutan si Sarah ng madlang pipol.


"Ang dami mong napasayang tao .'Yung mga tao, sabik na sabik sila sa 'yo. Mahal na mahal ka namin. Don't ever think na ganu'n ka kadaling makalimutan. Ano ka ba? Makakalimutan namin ang mga password namin, pero hindi namin makakalimutan si Sarah!" aniya.


Tama naman si Vice!


 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | December 24, 2022



Bukod sa sariling pamilya, may iba pang tinatanawan ng utang na loob si Vice Ganda — sa kanyang mga closest friends.


Ang bida ng pang-MMFF entry na Partners in Crime ay naglabas ng kanyang saloobin tungkol sa matagal na nilang pagsasamahan ng mga kapwa komedyanteng sina MC and Lassy na kasama rin ng It's Showtime host sa nasabing pelikula.


Nabanggit ng comedian-actor ang kanyang saloobin kung gaano ang ibinigay na suporta ng dalawa sa Unkabogable Star noong siya'y nagsisimula pa lamang sa isang comedy bar.


Kaya naman maraming nakakapansin kung bakit todo-suporta rin ang ipinagkakaloob na tulong ng It's Showtime host sa mga kaibigan.


Paliwanag ni Vice, “Actually, nahihiya ako ‘pag sinasabi ‘yun, na lagi ko silang tinutulungan.


Hindi n’yo alam na ang laki ng itinutulong nila sa akin. Kumbaga, nagbabalikan lang kami ng pagmamahal, kaming magkakaibigan.”


Bukod sa mga dating pelikula na ipinansasahog niya sina MC at Lassy, isinama rin ni Vice ang dalawa sa It's Showtime kaya ang daming naiinggit kina Lassy at MC.


Sa isang relasyon, magdyowa man o mag-friendship, kailangan talaga ang give and take, hindi puwedeng puro kabig lang.


“Hinahayaan nila ako na mag-shine. Hinahayaan nila ako. Ang laki ng ibinibigay nila para mag-shine ako. For the longest time, ginagawa nila 'yun para umangat ako. Tinutulungan nila ako.


Pero mas nakikita ‘yung tinutulungan ko sila kaysa tinutulungan nila ako.


“Ang laki ko na ngayon, eh, ‘di ba? Kaya parang mas nakikita natin 'yung effort na ginagawa ng malaki, when in fact, ang daming effort na ginagawa ng hindi mo kasinglaki,” pahayag pa ni Vice.


Hindi lang dahil magkakaibigan, napansin ni Vice na malaki at mahalaga ang suportang dulot ng MC-Lassy tandem sa Partners in Crime.


“Hindi naman ‘to mabubuo kung kaming dalawa lang ni Ivana (Alawi). Ang bagot nito kung kaming dalawa lang. We can only do so much. Ang laki ng iginaganda ng pelikula dahil sa marami naming mga kasama, lalung-lalo na sina MC at Lassy at si Tetay.”


Dagdag pa ni Vice, “Ginagawa namin 'yun kasi mahal namin ang isa’t isa. We are more than just co-workers, we are more than just friends, we are really family.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page