ni Ador V. Saluta @Adore Me! | August 8, 2024
Nagbigay ng kanyang saloobin si Angelica Yulo, ina ng two-time Paris Olympics gold medalist na si Carlos Yulo (Kaloy), sa isang press conference kahapon, Miyerkules.
Sa nasabing press conference, binasa ni Angelica ang “liham ng isang ina (message of a mother)” para kay Carlos at humingi ng kapatawaran sa mga nauna n’yang pahayag laban sa anak para matuldukan na rin ang umano’y alitan sa pagitan nila.
“Ako po ay narito para ipahayag ang aking huling pananalita hinggil sa girian sa aming pamilya at ng panig ng anak ko kasama ang kanyang girlfriend na si Chloe San Jose.
“Hindi ako perpektong ina at alam ng Diyos na hindi ka rin perpektong anak at walang perpektong pamilya. Walang ibang hangad ang isang ina kung hindi ang ikabubuti ng kanyang anak at sa bawat miyembro ng pamilya,” umpisa ni Angelica.
Ipinaliwanag din ni Angelica na ang kanyang naging intentions para makapagsalita on her son’s girlfriend, Chloe San Jose, ay para protektahan lamang ang anak.
“Sa paraan ng marahas, maingay, sana ay maunawaan mo na ang intensiyon ko ay malinis. Ako ay isang ina na nasaktan dahil ang mabait na anak na pinalaki ko nang maayos at mabuting tao ay hindi na nakikinig sa mga paggabay ng magulang,” aniya.
Kahit pa raw nakapagsagutan sila nang hindi maganda sa social media, sinabi ng ina na welcome pa rin sa kanyang bahay si Carlos sakaling nais nitong bumalik para makita ang kanyang lola, tatay at mga kapatid.
Aniya pa, malaya siyang bumalik kahit walang usapang pananalapi.
“Kung mali man ang naging pagpuna ko sa nobya mo, humihingi ako ng patawad dahil nanay lang ako na nag-aalala. Matanda ka na, kaya mo nang magdesisyon para sa sarili mo. Bukas ang aming pintuan sa tahanan, may pera ka o wala, kung nanaisin mo bumalik sa amin.
“Handa na ako at ang papa mo na mag-usap tayo na bukas ang loob, na may pang-unawa, anumang oras na handa ka pag-uwi mo upang maayos ito.
“Hindi kailangan ng ibang tao na malaman ang mga alitan dahil hindi nila alam ang buong kuwento at hindi nila ito lubos na nauunawaan,” dagdag niya.
Muli’y nais niyang iparating ang kanyang apologies sa anak na gumawa ng kasaysayan sa Paris Olympics 2024. Si Carlos ang kauna-unahang Pinoy gymnast na nakapagtala ng double gold medal. Nananatili pa rin daw ang suporta niya sa anak, kahit pa may nasabi siyang hindi maganda sa mga unang interbyu niya sa media.
“Humihingi ako ng patawad sa ‘yo, sa sambayanan sa mga nasabi ko sa interbyu. Pagod at puyat ako sa kapapanood sa ‘yo ng mga panahon na ‘yun, hindi makatulog sa tuwa kahit tapos na ang ‘yong laban. Hindi ako makapag-isip nang mabuti ng nirapido ako ng tanong ng mga reporter tungkol sa bagay na dapat tayo lamang ang nag-ayos. Patawad, anak,” paliwanag ni Angelica.
Sinabi rin ni Angelica na ito na ang una at huli nitong pagharap sa isang press conference para ma-settle na ang mga bagay at tapusin na ang issue nang maisaayos ng pamilya ang kanilang pribadong buhay sa matahimik na paraan.
“Ako ay nagsasalita para ilagay na sa katahimikan ang issue. Bukas ang aming pintuan para pag-usapan nang personal na walang galit.
“Kung ‘di man tayo makapag-ayos, sana maunawaan ang aking panig, intensiyon at hindi ang ingay. Ang pamilya, iisa lang 'yan at laging nand'yan lang sa anumang pagsubok o alitan,” sey pa niya.
Hiling nito na i-celebrate na lamang ng lahat ang tagumpay ni Carlos at kalimutan na ang mga controversies na kumakalat online.
Pahayag pa niya, “Sa sambayanan naman, sana ay ipagdiwang na lang natin ang tagumpay ng anak ko. Gumawa ang anak ko ng kasaysayan para sa ating bansa, lahat tayo ay magpasalamat kay Kaloy para sa karangalang iniuwi niya para sa bayan.
“Sana pagkatapos ng panayam na ito, titigil na ang lahat at matatahimik na ang bawat partido. Ang mga sugat ay kusa namang maghihilom sa paglipas ng panahon. Pipiliin namin humilom kami sa pribado at mapayapang paraan.”
Sa huling mensahe ni Angelica, “Kaloy, congratulations sa iyong tagumpay. Mahal na mahal ka naming lahat.”
August 6 nang unang magsalita si Carlos Yulo tungkol sa ina. Sa nasabing Tiktok video, sinagot ni Carlos ang mga alegasyon gawa ng kanyang ina patungkol kay Chloe at ang diumano’y maling paggamit ng ina at pag-withdraw nito ng funds niya sa kanyang bank account.
Sa huli, sinabi ni Carlos na napatawad na niya ang kanyang ina ngunit hindi pa rin niya maiiwasang maalala ang mga ginawa nito.
Sagot ni Angelica, “Sa bagay na ‘yan po, ‘di ko naman s’ya masisisi kung nag-flashback talaga, kasi siyempre, words are painful talaga kapag nasabi mo ‘yun. Kung genuine po ‘yung pagbati ko sa kanya, opo, genuine po ‘yun (ang pag-congratulate ko). Nasa sa kanya rin po ‘yun kung alam n’ya po ‘yung estado. Leave it to that na lang po.
“Sa kalagayan, okey lang naman po kami. Sa pag-heal actually, ayan ‘yung ipinagdarasal ko rin na ma-lessen ‘yung pain, sana mabawasan. Gusto ko mawala ‘yung pain na matagal na nandito sa dibdib ko.”
Nami-miss na raw nito at ng kanyang pamilya si Carlos na matagal-tagal na rin nilang hindi nakikita.
“Siyempre po. Walang ina na hindi nami-miss ang anak niya, lalo na at matagal na panahon na namin siyang hindi nakakasama. Hindi lang naman po ako ang nakaka-miss sa kanya, pati ‘yung mga kapatid n’ya, nami-miss s’ya pati ng papa niya,” madamdamin nitong pahayag.
Nag-react naman ang Pambansang Sawsawera na si Xian Gaza sa isyu ng mag-inang Yulo. Habang nagbibigay ng mensahe si Carlos, nasa background daw si Chloe at nakabungisngis pa at tila pakiwari ng mga nakapanood ay may nagko-coach sa kanya habang nagbibigay-mensahe para sa ina.
Ani Xian, “Iisa lang ‘yung nakikita kong sablay. May alitan sila Carlos at ang nanay n’ya (Angelica), ‘di ba? So dapat, du’n sa video, dapat mag-isa lang s’ya. Eh, 'andu’n ‘yung babae. Tumatawa-tawa pa, nawalan tuloy ng authenticity dahil parang may coaching du’n sa nangyayari. Sana, mag-isa na lang s’ya (Carlos) na wala nang tumatawa-tawa (sa kanyang likuran), nakakasira lang.”