top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 15, 2024


Dear Chief Acosta,


Ang aking pamilya ay may limang ektaryang lupang sakahan na kumukuha ng tubig mula sa patubigan ng National Irrigation System (NIS). Mayroon bang tulong na maibibigay ang gobyerno kaugnay sa patubig ng aming sakahan? -- Lauro


Dear Lauro,


Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 10969 o kinikilala bilang Free Irrigation Service Act. Nakasaad sa Section 3 ng batas na: 


“Section 3. Scope of Free Irrigation Service. -- Upon the effectivity of this Act, all farmers with landholdings of eight (8) hectares and below are hereby exempted from paying irrigation service fees (ISF) for water derived from national irrigation systems (NIS) and communal irrigation systems (CIS) that were, or are to be, funded, constructed, maintained and administered by the National Irrigation Administration (NIA) and other government agencies, including those that have been turned over to irrigators associations (IAs).


Farmers with more than eight (8) hectares of land, corporate farms, and plantations drawing water for agricultural crop production; and fishponds and other persons, natural or juridical, drawing water for nonagricultural purposes from NIS and CIS, or using the irrigation systems as drainage facilities, shall continue to be subject to the payment of ISF.”


Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, ang lahat ng magsasaka na nagmamay-ari ng lupang sakahan na may sukat na walong ektarya at pababa, ay hindi na kinakailangan pang magbayad ng irrigation service fees (ISF) para sa patubig buhat sa mga national irrigation systems (NIS), at maging mula sa communal irrigation systems na pinondohan, ipinatayo, at pinangangasiwaan ng National Irrigation Authority (NIA) at ng iba pang ahensya ng gobyerno.  Nakasaad din sa batas na ang mga nasabing magsasaka ay hindi na rin magbabayad ng ISF sa mga patubigan na inilipat sa pangangasiwa ng irrigators associations (IAs). Sa kadahilanang ang lupang sakahan na iyong pagmamay-ari ay may sukat na limang ektarya na lamang at ang nasabing lupain ay napapatubigan ng NIS, ikaw ay kuwalipikado para sa nasabing benepisyo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 14, 2024


Dear Chief Acosta,


May kaparusahan ba ang pagpunit o pagsunog ng pera? -- Julianna


Dear Julianna,


Para sa iyong kaalaman, ang pagpunit, pagsunog, o pagsira sa ating pera sa anumang paraan upang ito ay hindi na maging karapat-dapat para sa sirkulasyon, sa gayon ay labis na nagpapaikli sa buhay nito, ay hindi mabuting gawain.  Ang mga ganitong gawain ay sumasalamin sa disiplina nating mga tao, at lumilikha ng isang masamang imahe para sa ating bansa. Kung kaya, nakasaad sa Presidential Decree No. 247 ang mga sumusunod:


“[I]n order to effect the desired changes and reforms in the social, economic and political structure of our society, do hereby order and decree:


1. That it shall be unlawful for any person to willfully deface, mutilate, tear, burn or destroy, in any manner whatsoever, currency notes and coins issued by the Central Bank of the Philippines; and


2. That any person who shall violate this Decree shall, upon conviction, be punished by a fine of not more than twenty thousand pesos and/or by imprisonment of not more than five years.”


Malinaw sa nabanggit na probisyong legal na labag sa batas na sadyang punitin, sunugin o sirain, sa anumang paraan, ang ating perang papel at barya. Ang sinumang mapatutunayang nagkasala ay parurusahan ng multang hindi hihigit sa Php20,000 at/o pagkakulong ng hindi hihigit sa 5 taon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 13, 2024


Dear Chief Acosta,


Ako ay nanghiram ng pera sa aking tiyahin noong inaasikaso ko ang aking requirements sa pagtatrabaho abroad. Napagkasunduan naming ibabalik ko ang pera mula sa aking unang suweldo.  Noong dumating ang araw ng aking pagbabayad, nagulat na lamang ako nang patungan ng interes ng aking tiyahin ang aking hiniram na pera kahit wala naman ito sa aming napagkasunduan, sapagkat ako ay tinutulungan lamang niyang makapaghanapbuhay noong ako’y nanghiram ng pera.


Ako ba ay obligado sa batas na bayaran ang nasabing interes na lingid sa aking kaalaman? -- Erlinda


Dear Erlinda, 


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Articles 1305 at 1306 ng New Civil Code:


“Article 1305. A contract is a meeting of minds between two persons whereby one binds himself, with respect to the other, to give something or to render some service. 


Article 1306. The contracting parties may establish such stipulations, clauses, terms and conditions as they may deem convenient, provided they are not contrary to law, morals, good customs, public order, or public policy.”


Kaugnay nito, nakasaad din sa Article 1956 ng New Civil Code na:


“Art. 1956. No interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing.”


Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, kinakailangang ang kasunduan tungkol sa pagbabayad ng interes ay napapaloob sa isang kasulatan bilang katibayan sa pagbabayad nito. 


Kaya naman sa iyong sitwasyon, kung hindi ninyo napag-usapan ng iyong tiyahin ang naturang pagbabayad ng interes sa iyong utang ay hindi ka niya maaaring pilitin sa pagbabayad nito. Para maging demandable ang interes ay kinakailangan na may kasunduan kayo tungkol dito at ang kasunduang ito ay nararapat na may ebidensyang kasulatan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 



 
 
RECOMMENDED
bottom of page