top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 26, 2023


Dear Chief Acosta,


Mayroon akong nabiling lupa sa isang subdivision, ngunit, hindi ko pa ito napatatayuan ng bahay. Maaari na ba akong sumali sa homeowner’s association ng aming lugar kahit na lupa pa lamang ang pagmamay-ari ko sa loob ng nasabing subdivision? – Helen

Dear Helen,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 9904 o mas kilala sa tawag na “The Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations.” Ayon sa Section 3 (j) ng nasabing batas:

“(j) “Homeowner” refers to any of the following:

An owner or purchase of a lot in a subdivision/village;

Dagdag pa ng Section 5 (a) Rule II, The 2021 Revised Implementing Rules and Regulations ng parehong batas:

“Section 5. Commencement of Homeownership. Homeownership begins:

By owning a lot in a subdivision/village and other real estate development for residential purposes;

b. By purchasing a lot and/or unit in a subdivision/village and other similar real estate development project for residential purposes;

c. By being an awardee, usufructuary, or legal occupant of a unit, house and/or lot in a private, non government or government socialized or economic housing or relocation and/or resettlement project and other urban estates;

and

d. By being a prospective beneficiary or awardee of ownership rights under the CMP, LTAP, and other similar programs.”

Samakatuwid, ayon sa batas, ang homeownership ay magsisimula kung ang isang tao ay magiging may-ari ng isang lupa sa isang subdivision o village. Kaya naman, mula sa oras ng pagbili ay maituturing na siyang homeowner. Ibig sabihin, ikaw ay itinuturing na isang homeowner dahil nakabili ka ng lupa sa isang subdivision. Bilang isang homeowner, maaari ka nang maging miyembro ng inyong homeowner’s association, kahit na hindi mo pa napatatayuan ng bahay ang iyong lupa.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 25, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking kapatid na babae ay ikinasal noong taong 2010, at sila ay nagkaroon ng dalawang anak. Makalipas ang anim na taon ay inabandona siya ng kanyang asawa.


Noong taong 2021 ay naaksidente ang aking kapatid, dahilan upang siya ay ma-comatose. Dahil sa nangyari ay sinubukan naming hanapin ang kanyang asawa ngunit kami ay nabigo. Hanggang sa noong nakaraang buwan ay napag-alaman at nakumpirma namin na ang kanyang asawa ay ikinasal muli sa ibang babae noong taong 2018, kahit na siya ay kasal sa aking kapatid. Nais kong malaman kung maaari ba akong magsampa ng kasong bigamy laban sa asawa ng aking kapatid? – Loren

Dear Loren,

Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Act No. 3815 o mas kilala bilang The Revised Penal Code. Nakasaad sa Article 349 ng nasabing batas na:

“Article 349. Bigamy. –

The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”

Kaugnay nito, isinaad ng Korte Suprema sa kaso ng Fujiki v. Marinay et al. (G.R. No. 196049, 26 June 2013, Retired Honorable Associate Justice Antonio T. Carpio), na:

“Bigamy is a public crime. Thus, anyone can initiate prosecution for bigamy because any citizen has an interest in the prosecution and prevention of crimes.”

Alinsunod sa mga nabanggit sa itaas, ang bigamy ay isang krimen na kung saan ang isang tao ay nagpakasal muli bago pa man mapawalang-bisa ang kanyang naunang kasal, o bago ideklara ng korte na ang kanyang asawa sa unang kasal ay maituturing na “presumptively dead.” Ito ay isang krimen laban sa publiko sapagkat ito ay nakaaapekto sa civil status ng isang mamamayan. Dahil sa nasabing kadahilanan, ang sinuman ay maaaring magsampa ng nasabing kaso laban sa isang taong inaakusahang nagkasala nito. Kaya naman, may karapatan kang magsampa ng kasong bigamy laban sa asawa ng iyong kapatid. Gayunman, marapat lamang na ipunin mo ang mga ebidensya na magpapatunay sa krimeng ginawa ng iyong hipag nang sa gayon ay handa ka sa magiging pagdinig sa isasampa mong kaso.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 24, 2023


Dear Chief Acosta,


Matagal na 'kong gumagamit ng credit card sa pagbabayad ng ilang bilihin. Tinatago ko ang mga resibo ng mga pinamili ko gamit ng aking credit card at nililista ko rin para masigurado na tama ang aking mababayaran sa due date. Dumating ang aking billing statement at nagulat ako na may ibang nakalagay doon na mga gamit na hindi ko naman binili gamit ang aking credit card. May proseso ba akong kailangang gawin upang maisaayos ito? Salamat muli sa inyo. – Ger

Dear Ger,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 18 ng Republic Act (R.A.) No. 10870, o mas kilala bilang "Philippine Credit Card Industry Regulation Law", na nagsasaad na:

“Section 18. Complaint on Billing Error or Discrepancy. - A credit card issuer shall give cardholders up to thirty (30) calendar days from statement date to report any error or discrepancy in their billing statement. The credit card issuer shall take action within ten (10) business days from receipt of such notice.”

Ayon sa nasabing probisyon ng batas, kung sakaling may pagkakamali o pagkakaiba sa isang billing statement ng mga credit card holders, kailangan na ito ay kanilang i-report sa credit card issuer sa loob ng tatlumpung araw magmula sa statement date. Bilang kasagutan dito, ang responsableng credit card issuer ay kailangan aksyunan ang nasabing report sa loob ng 10 araw ng pagkatanggap nito.

Sa iyong nabanggit na sitwasyon, kinakailangan na i-report mo sa iyong credit card issuer ang nasabing pagkakamali sa billing statement. Importante rin na magawa mo ito sa loob ng 30 araw magmula sa iyong statement date. Matapos nito, maaari mong hintayin ang tugon ng iyong credit card issuer ukol sa kanilang gagawing aksyon.


Karagdagan dito, nais din naming ipaalam sa iyo na may karampatang multa o pagkakakulong, o parehong multa at pagkakakulong, na maaaring ipataw sa sino man na mapatutunayan na lumabag sa kahit anong probisyon ng R.A. No. 10870 alinsunod sa Seksyon 27 ng nasabing batas.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page