top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 23, 2023


Dear Chief Acosta,


Puwede ko bang ireklamo ang kapitbahay namin na nag-aalaga ng mga baboy? Ang kulungan ng mga nasabing baboy ay nasa likod lamang ng aming bahay. Amoy na amoy namin ang kulungan at sobrang baho nito. Hindi rin kami nakakalanghap ng sariwang hangin dahil dito. Maraming salamat. - Grace


Dear Grace,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Articles 694 at 695 ng New Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:


“Art. 694. A nuisance is any act, omission, establishment, business, condition of property, or anything else which:


1. Injures or endangers the health or safety of others; or

2. Annoys or offends the senses; or

3. Shocks, defies or disregards decency or morality; or

4. Obstructs or interferes with the free passage of any public highway or street, or any body of water; or

5. Hinders or impairs the use of property.


Art. 695. Nuisance is either public or private. A public nuisance affects a community or neighborhood or any considerable number of persons, although the extent of the annoyance, danger or damage upon individuals may be unequal. A private nuisance is one that is not included in the foregoing definition.”


Sang-ayon sa nabanggit, makokonsidera ang isang bagay na nuisance kung ang nasabing istorbo ay mailalagay sa panganib ang kalusugan o kaligtasan ng ibang tao, o kung ito ay nakakasakit sa pandama ng iba. Sa iyong sitwasyon, kung mapapatunayan na ang nasabing babuyan ay isang nuisance, puwede itong maipasara. Dahil nakaaapekto ito sa inyong komunidad, maaari pa nga itong ituring na public nuisance.


Sa ilalim ng ating batas, maaaring ipasara ang mga nuisance o mga bagay na nagdudulot ng pinsala o discomfort sa ibang tao. Gayunpaman, sa kadahilanang kayo ay nasa iisang barangay, dapat mo muna itong i-report sa iyong barangay.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 22, 2023


Sa biglang tingin, ang pamumukpok ay isa lamang kaswal na gawain. Ngunit, kung ito ay isinagawa sa isang tao upang makapanakit at nakasawi ng buhay – ibang usapan na ang patutunguhan ng pangyayaring ito.


Maaari na itong mauwi sa hukuman upang ang pamumukpok na naganap at pagkasawi ay magtapos din sa pamumukpok – ngunit sa pamamagitan ng “gavel” ng hukom o mahistrado sa paggawad nito ng desisyon na inaasahang magiging makatarungan at makatuwiran.


Ang ating artikulo ngayon na hango sa kasong hawak ng PAO ang People of the Philippines vs. Diego Kagasan y Salvador a.k.a. “Salvador A. Kagasan” (CA G.R. CR No. 46064, June 30, 2023, na isinulat ni Court of Appeals Associate Justice Jaime Fortunato A. Caringal [Special 9th Division]). Narito ang kuwento ng pamumukpok na nauwi sa pagpanaw ng kawawang biktima na hanggang ngayon daing pa rin ang hustisya.


Bandang alas-5 ng hapon noong Setyembre 10, 2020, sa Umingan, Pangasinan. Nakita si Artemio Manantan na nakahiga at duguan ang ulo sa labas ng tindahan ni Jonalyn Padilla.


Ayon kay Jonalyn, siya ay nasa loob ng kanilang tindahan nang marinig niya ang boses ni Artemio.


Kasunod nito, nakarinig siya ng pagpukpok, kung kaya’t lumabas siya ng tindahan at doon ay nakita si Diego Kagasan a.k.a. “Salvador A. Kagasan” na nakatayo habang si Artemio ay nakahiga at duguan ang ulo. Tinawag ni Jonalyn si Diego, ngunit hindi ito sumagot.


Agad na pumunta si Jonalyn sa kanyang hipag na si Lilibeth Jamora upang pauwiin ito.


Nakita ni Lilibeth si Diego na nakaupo, kung kaya’t nilapitan niya ito upang tanungin kung ano ang nangyari subalit hindi ito sumagot. Tinanong niya itong muli at itinuro nito ang lugar kung saan nakahiga si Artemio.


Nakita ni Lilibeth ang duguan at noon ay humihinga pang si Artemio. Sinubukan niya itong kausapin ngunit hindi ito sumagot, kung kaya’t humingi na sila ng tulong.


Kalaunan, sinabi ni Jonalyn kay Lilibeth na si Diego ang pumukpok sa ulo ni Artemio.


Nang malaman ni Punong Barangay Roman Valera ang nangyari, agad itong nagtungo sa pinangyarihan ng insidente. Nakita niyang duguan si Artemio, kaya inutusan niya ang mga sibilyan na naroon upang dalhin ito sa ospital. Sinabi ni Lilibeth kay PB Ramon na si Diego umano ang pumukpok sa ulo ni Artemio. Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulisya na si Diego ang salarin.


Ayon kay PCpl Randy Agoyaoy, kumuha ng isang kahoy si Diego at iniabot ito sa kanila. Matapos nilang kumuha ng mga litrato. Sa kasamaang palad, binawian ng buhay si Artemio, at si Diego ay sinampahan ng kasong homicide.


Sa panig ng akusado, mariin niyang itinanggi ang bintang laban sa kanya. Ipinaliwanag niya na noong hapon ng insidente, siya ay nagtatrabaho. Saglit siyang nagpahinga at bumili ng makakain sa tindahan. Matapos siyang makabili at pabalik na sana sa trabaho nang makita niya ang biktima na nakahiga at duguan ang ulo. Bigla na lamang niyang naramdaman na mayroong kumalabit sa kanyang balikat, ngunit nang lingunin niya ito ay wala na ru’n ang taong kumalabit sa kanya.


Ayon din sa akusado, hindi siya nakatawag ng saklolo sapagkat lubos siyang natulala sa kanyang nakita. Nang dumating si Lilibeth at tanungin siya kung ano ang nangyari, naituro lang niya ang lugar kung nasaan si Artemio. Nang makahingi ng tulong si Lilibeth ay umalis na si Diego kasama ang kanyang katrabaho sa takot na siya ang mapagbintangan.


Batay din kay Diego, wala silang naging pagtatalo ni Artemio. Inutusan lang din umano siya, noong siya ay arestuhin na hawakan ang kapirasong kahoy.


Matapos ang paglilitis sa Regional Trial Court (RTC), nahatulan si Diego ng pagkakakulong at pinagbabayad ng danyos sa naulila ng biktima.


Hindi sang-ayon at umapela si Diego sa Court of Appeals (CA) sa nasabing desisyon. Matapos ang masusing pag-aaral sa mga ebidensya na isinumite ng magkabilang panig, nagbaba ng hatol ang CA na kung saan ay pinawalang-sala si Diego.


Ayon sa naturang hukuman, nagkaroon ng pag-aalinlangan sa kanilang isipan. Sapagkat, salungat ang alegasyon ng prosekusyon sa testimonya ng kanilang mga testigo.


Si Diego ang pinagbintangan bunsod ng alegasyon na mayroong alitan sa pagitan niya at ng namayapang biktima. Subalit, sa testimonya ni Jonalyn, sinabi niya na ang narinig lamang niya ay ang boses ng huli, at walang siyang narinig na alitan sa pagitan ng dalawa. Ang testimonyang ito ay nagdulot ng pagdududa hindi lamang kung totoong mayroong alitan ang dalawa, kundi pati na rin ang presensya mismo ng akusado nang mismong nangyari ang pamumukpok sa biktima.


Bagama’t, sinabi ni PB Roman na umamin din si Diego sa kanya na mayroong silang alitan ng biktima, nagdududa ang CA kung kusa itong sinabi ng akusado sapagkat sa isang bahagi ng testimonya ni PB Roman sa hukuman ay sinabi niya na hindi nagsalita ang akusado, habang sa ibang bahagi ng kanyang testimonya ay sinabi niya na mayroong matinding alitan ang dalawa.


Hindi rin tinanggap ng hukuman ang testimonya ni PB Roman bilang bahagi ng res gestae na isa sa mga exceptions sa hearsay rule. Para sa kaalaman ng lahat, ang alituntunin kaugnay sa res gestae ay nakasaad sa Section 44, Rule 130 ng 2019 Proposed Amendments to the Revised Rules on Evidence:

“Section 44. Part of the res gestae. — Statements made by a person while a startling occurrence is taking place or immediately prior or subsequent thereto, under the stress of excitement caused by the occurrence with respect to the circumstances thereof, may be given in evidence as part of the res gestae. So, also, statements accompanying an equivocal act material to the issue, and giving it a legal significance, may be received as part of the res gestae.”

Ayon sa CA, upang makonsidera na hindi haka-haka o hearsay ang isang pag-amin at nakapaloob sa res gestae, kinakailangan na ito ay ginawa nang spontaneously o may kusang-loob. Binigyang-diin ng hukuman na dapat ay walang namagitang oras o pangyayari mula nang maganap ang nakagugulantang na insidente at ang pag-amin na magbibigay ng pagkakataon sa taong nagpahayag na magwari o mag-isip.


Sa kaso ni Diego, kapuna-puna sa hukuman ang haba ng oras na pumagitan mula nang maganap ang nakagugulantang na pangyayari – ang pamumukpok sa biktima – at ang sinasabing pag-amin ng akusado ukol sa alitan. Batay sa mga naging testimonya, lumipas na ang mga oras bago pa napuntahan ng mga pulis si Diego, at ang sinabing pag-amin ay ginawa sa ibang lugar na malayo sa pinangyarihan ng insidente. Maliban dito, ang pag-amin ni Diego ay naganap lamang matapos nang siya ay arestuhin.


Sa mga sirkumstansyang nabanggit, hindi maikakaila na may lumipas na panahon at mayroon nang ibang pangyayari na pumagitan sa insidente at sa naturang pag-amin.


Kung kaya’t hindi sapat para sa CA na isiping kusang-loob ang pag-amin ng akusado.


Dumagdag pa sa pag-aalinlangan ng hukuman na si Diego ang pumukpok sa biktima dahil sa sinabi ni PB Roman na nalaman lang niya ang naturang pamumukpok base sa impormasyon na ibinahagi ni Lilibeth, na impormasyong galing din kay Jonalyn. Subalit, wala sa alinmang bahagi ng testimonya ni Jonalyn na sinabi nitong inamin sa kanya ni Diego ang pamumukpok sa biktima.


Hindi rin mismo nakita ni Jonalyn na ang akusado ang gumawa ng krimen. Ang nakita lamang niya ay malapit ang akusado sa kung saan nakahiga ang biktima. Hindi rin niya narinig ang alitan sa pagitan ng dalawa.


Para sa CA, mayroong makat’wirang pag-aalinlangan o reasonable doubt na si Diego ang salarin. Ang pagkakasalungat ng alegasyon laban sa akusado at mga testimonya para sa prosekusyon ay nakaapekto mismo sa pagkakakilanlan ng gumawa ng krimen – isang bagay na mahalaga sa pagpapataw ng conviction.


Gayunman, binigyang-diin ng hukuman na ang pagpapawalang-sala kay Diego ay hindi nangangahulugan na tiyak na inosente ito sa krimen. Bagkus, ito ang naging hatol ng hukuman sapagkat hindi naging sapat ang mga ebidensya ng prosekusyon laban sa kanya.


Nawa’y mahuli ang totoong gumawa ng krimen kay Artemio at mapagdusahan ang parusa na ipinapataw ng ating batas nang sa gayun ay makamit ng namayapang biktima ang hustisya na para sa kanya at sa kanyang mga naulila. Tiyak na hanggang sa ngayon ay patuloy ang pagdaing ng kaluluwa ni Artemio na mapanagot sa batas ang taong pumaslang sa kanya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 22, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay nakapag-aral at nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Computer Science sa isang state university. Subalit, nais kong kumuha ulit ng kursong Nursing para ako ay makapag-abroad. Kaya naman, nais kong malaman kung maaari akong makapag-aral nang libre sa nasabing state university kung kukuha ulit ako ng panibagong bachelor’s degree? - Ayla


Dear Ayla,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 6 (a) (1) ng Republic Act No. 10931 o mas kilala sa tawag na “Universal Access to Quality Tertiary Education Act”, kung saan nakasaad na:


“Section 6. Exceptions to Free Tertiary Education. - The following students are ineligible to avail of the free tertiary education:


(a) In SUCs and LUCs:

(1) Students who have already attained a bachelor’s degree or comparable undergraduate degree from any HEI, whether public or private:


(2) Students who fail to comply with the admission and retention policies of the SUC or LUC;

(3) Students who fail to complete their bachelor’s degree or comparable undergraduate degree within a year after the period prescribed in their program.”


Sang-ayon sa nabanggit, ang mga estudyante sa state university (SUC) o local universities and colleges (LUC), kung nakakuha na at nakapagtapos ng isang bachelor’s degree o mga kahalintulad na undergraduate degree sa kahit na anong higher education institution (HEI), pribado man o pampubliko, ay hindi na eligible o kuwalipikadong makakuha ng libreng tertiary education. Ibig sabihin, dahil nakapagtapos ka na ng isang bachelor’s degree ay hindi ka na kuwalipikadong makakuha ng libreng tertiary education.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page