top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 18, 2023


Dear Chief Acosta,


Nagbakasyon ang kapatid ko sa isang hotel resort. Bagama’t dala niya ang sarili niyang sasakyan, mayroong libreng shuttle service ang naturang establisimyento, kung kaya’t sa shuttle service na lamang siya sumasakay kung kailangan niyang maglibot sa resort at iniiwan na lamang niya ang kanyang sasakyan sa parking lot na nasa likod lamang ng naturang hotel ngunit pagmamay-ari pa rin ng nasabing panuluyan. Sa kasamaang palad ay nagtamo ng mga sira ang kanyang sasakyan.


Nagkaroon diumano kasi ng nakawan sa nasabing hotel at nang sinusugpo na ang mga armadong magnanakaw ay nagkaroon ng palitan ng mga putok ng baril at tinamaan ang sasakyan ng kapatid ko. Nais ng kapatid ko na sagutin ng pamunuan ng hotel ang pagpapaayos ng kanyang sasakyan, ngunit ang sabi diumano sa kanya ng isang tauhan doon ay hindi nila ito pananagutan. Tama ba iyon? Sana ay malinawan ninyo ako. - Lando


Dear Lando,


Sa ilalim ng ating Batas Sibil, mayroong responsibilidad ang pamunuan ng mga hotel at kawangis na establisimyento sa mga gamit na ilalagak sa kanila ng kanilang mga panauhin. Hindi lamang ito limitado sa mga damit at katulad na personal na gamit ng mga panauhin. Bagkus, kabilang dito ang sasakyan at iba pang kagamitan na dala ng kanilang panauhin sa loob ng nasabing hotel at maging sa mga karugtong nitong lugar o istraktura. Malinaw na nakasaad sa Artikulo 1998 at 1999 ng New Civil Code of the Philippines:


“Art. 1998. The deposit of effects made by the travellers in hotels or inns shall also be regarded as necessary. The keepers of hotels or inns shall be responsible for them as depositaries, provided that notice was given to them, or to their employees, of the effects brought by the guests and that, on the part of the latter, they take the precautions which said hotel-keepers or their substitutes advised relative to the care and vigilance of their effects.


Art. 1999. The hotel-keeper is liable for the vehicles, animals and articles which have been introduced or placed in the annexes of the hotel.”


Nais naming bigyang-diin na sa pangkalahatan, maaaring panagutin ang pamunuan ng hotel kung ang pinsala ay bunsod ng gawain ng mga kawatan, maging sila man ay kanilang kawani o ibang tao. Subalit, ayon sa batas, kung ang mga naturang kawatan ay armado o gumamit ng hindi-mapaglabanang puwersa, maikokonsidera itong force majeure kaya mawawala ang pananagutan ng pamunuan ng nasabing establisimyento.


Batay sa Artikulo 2000 at 2001 ng New Civil Code:


“Art. 2000. The responsibility referred to in the two preceding articles shall include the loss of, or injury to the personal property of the guests caused by the servants or employees of the keepers of hotels or inns as well as strangers; but not that which may proceed from any force majeure. The fact that travellers are constrained to rely on the vigilance of the keeper of the hotels or inns shall be considered in determining the degree of care required of him.”


Art. 2001. The act of a thief or robber, who has entered the hotel is not deemed force majeure, unless it is done with the use of arms or through an irresistible force.”


Sa sitwasyon na iyong naibahagi, magiging mainam na mapatunayan ng iyong kapatid na hindi pasok bilang force majeure ang nangyaring nakawan sa hotel na kanyang tinuluyan. Maaari siyang lumikom ng ebidensya at/o resulta ng pormal na imbestigasyon ng mga pulis at kinauukulang ahensya kaugnay sa naturang pangyayari.


Gayunpaman, kung mapatunayan ng pamunuan na sadyang armado ang mga naturang kawatan o gumamit ang mga ito ng hindi-mapaglabanang puwersa, maaari nilang hindi akuin ang responsibilidad sa pagkakapinsala ng kanyang sasakyan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 17, 2023


Dear Chief Acosta,


Marami akong nakikitang nagbebenta ng mga gamot sa social media. Ang ilan nga sa mga seller ng gamot ay personal kong kakilala at alam kong hindi naman sila mga pharmacist at walang mga lisensya sa pagbebenta ng gamot. Kaya naman nais kong malaman kung ayos lang ba ang ginagawa nila na nagbebenta ng gamot online? - Aida


Dear Aida,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 30 ng Republic Act (R.A.) No. 10918 o mas kilala sa tawag na Philippine Pharmacy Act, kung saan nakasaad na:


“Section 30. Dispensing/Sale of Pharmaceutical Products. – No Pharmaceutical product, of whatever nature and kind, shall be compounded, dispensed, sold or resold, or otherwise be made available to the consuming public, except through a retail drug outlet licensed by the FDA.”


Bukod pa rito, nakasaad sa Food and Drug Administration (FDA) Circular No. 2020-010 na may petsang 20 Marso 2020 na:


“x x x online selling of medical devices and supplies without the corresponding authorizations issued by the FDA (i.e. License to Operate, Certificate of Medical Device Notification or Certificate of Medical Device Registration/Certificate of Product Registration) is strictly prohibited.”


Samakatuwid, maaari lamang mag-online selling ng gamot ang isang tao kung siya ay mayroong lisensya para sa pagbebenta nito na magmumula sa FDA. Ibig sabihin, hindi tama at labag sa batas ang ginagawang pagbebenta ng gamot sa social media kung ang pagbebentang ito ay walang pahintulot galing sa FDA.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 16, 2023


Dear Chief Acosta,


Noong ako ay pauwi na galing sa kasal ng aking kaibigan ay muntik na akong maaksidente habang nagmamaneho. Mabuti na lang at nakaiwas ako sa paghagip sa pedestrian nang ako’y inaantok sa pagmamaneho dulot ng alak na aking nainom.


Kung sakali, ngunit huwag naman sana, ano ba ang kaparusahan sa atin sa pagmamaneho habang nakainom ng alak? - Andrew


Dear Andrew,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Sections 5 at 12 ng Republic Act No. 10586 o “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013”:


“Section 5. Punishable Act. – It shall be unlawful for any person to drive a motor vehicle while under the influence of alcohol, dangerous drugs and/or other similar substances.

Section 12. Penalties. – A driver found to have been driving a motor vehicle while under the influence of alcohol, dangerous drugs and/or other similar substances, as provided for under Section 5 of this Act, shall be penalized as follows:


(a) If the violation of Section 5 did not result in physical injuries or homicide, the penalty of three (3) months imprisonment, and a fine ranging from Twenty thousand pesos (Php20,000.00) to Eighty thousand pesos (Php80,000.00) shall be imposed;


(b) If the violation of Section 5 resulted in physical injuries, the penalty provided in Article 263 of the Revised Penal Code or the penalty provided in the next preceding subparagraph, whichever is higher, and a fine ranging from One hundred thousand pesos (Php100,000.00) to Two hundred thousand pesos (Php200,000.00) shall be imposed;


(c) If the violation of Section 5 resulted in homicide, the penalty provided in Article 249 of the Revised Penal Code and a fine ranging from Three hundred thousand pesos (Php300,000.00) to Five hundred thousand pesos (Php500,000.00) shall be imposed;


(d) The nonprofessional driver’s license of any person found to have violated Section 5 of this Act shall also be confiscated and suspended for a period of twelve (12) months for the first conviction and perpetually revoked for the second conviction. The professional driver’s license of any person found to have violated Section 5 of this Act shall also be confiscated and perpetually revoked for the first conviction. The perpetual revocation of a driver’s license shall disqualify the person from being granted any kind of driver’s license thereafter.


The prosecution for any violation of this Act shall be without prejudice to criminal prosecution for violation of the Revised Penal Code, Republic Act No. 9165 and other special laws and existing local ordinances, whenever applicable.”


Sang-ayon sa nabanggit na batas, ang pagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng alkohol o ilegal na droga ay mahigpit na ipinagbabawal. Ang driver na lalabag dito ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong at pagmumulta mula Php20,000.00 na umaabot hanggang Php500,000.00. Ang parusa ay nakadepende kung mayroon bang nasaktan o namatay dahil sa pagmamaneho nang lasing. Maliban sa pagkakakulong at pagmumulta, maaari ring humantong sa pagkawala ng lisensya sa pagmamaneho ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa ilalim ng batas na ito.


Maaaring mapataw sa iyo ang mga nabanggit na parusa dahil sa pagmamaneho mo nang lasing.


Bukod pa rito ang iyong legal at moral na obligasyong siguraduhin na hindi ka makakasakit o makakaabala sa iba. Kaya naman, nais kitang muling paalalahanan na hindi tama ang pagmamaneho nang lasing o nasa impluwensya ng droga. Dapat itong iwasan para sa sariling kaligtasan at kapakanan ng ibang tao na nasa ating komunidad.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page