top of page
Search
  • BULGAR
  • Oct 21, 2023

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 21, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang dating overseas Filipino worker (OFW) na ilegal na tinanggal at pinauwi sa Pilipinas. Gusto kong magsampa ng kaso kaugnay nito laban sa aking ahensya.


Sinabi ng kaibigan ko na kailangang isampa ko ito sa Metro Manila kung saan matatagpuan ang nasabing ahensya, kaya nawalan ako ng pag-asa dahil nakatira ako sa probinsiya na malayo sa Metro Manila. Maaari ko bang isampa ang nasabing kaso sa lugar lamang kung saan matatagpuan ang nasabing ahensya? - Minda


Dear Minda,


Para sa iyong kaalaman, ang mga reklamo ukol sa pagtanggal sa trabaho ay nasa orihinal at eksklusibong hurisdiksyon ng Labor Arbiter alinsunod sa Section 1 (b), Rule V ng 2011 National Labor Relations Commission Rules of Procedure (“NLRC Rules”), as amended, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


“SECTION 1. JURISDICTION OF LABOR ARBITERS. – Labor Arbiters shall have original and exclusive jurisdiction to hear and decide the following cases involving all workers, whether agricultural or non-agricultural:

a. Unfair labor practice cases;

b. Termination disputes;”


Kaugnay nito, sa Section 1 (e), Rule IV, ng nasabing NLRC Rules, nakasaad ang mga lugar kung saan maaaring isampa ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga OFW:


“SECTION 1. VENUE. – (a) All cases which Labor Arbiters have authority to hear and decide may be filed in the Regional Arbitration Branch having jurisdiction over the workplace of the complainant or petitioner.


(e) Cases involving overseas Filipino workers may be filed before the Regional Arbitration Branch having jurisdiction over the place where the complainant resides or where the principal office of any of the respondents is situated, at the option of the complainant.”


Batay sa nabanggit na NLRC Rules, ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga OFW ay maaaring isampa sa Regional Arbitration Branch ng NLRC na may hurisdiksyon sa lugar kung saan nakatira ang nagrereklamo o kung saan matatagpuan ang punong tanggapan ng alinman sa mga sumasagot o inirereklamo. Ang opsyon na mamili kung saan sa dalawang lugar ihahain ang reklamo ay nasa kamay o desisyon ng nagrereklamo.

Kaya naman, maaari kang magsampa ng kaso kaugnay sa diumano ay ilegal na pagtanggal sa iyo, hindi lamang sa Regional Arbitration Branch ng NLRC sa Metro Manila kung saan matatagpuan ang iyong ahensya, kundi maging sa probinsiya kung saan ka nakatira, sa opsyon mo bilang nagrereklamo at isang dating OFW.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 20, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking pamangkin ay isang masigasig na negosyante na nakapagpundar ng pagawaan ng samu’t saring mga tela at damit. Kamakailan, napag-isipan nilang isama ang paggawa ng bandila ng ating bansa sa kanilang mga produktong ginagawa para ibenta sa mga pribado at pampublikong establisimyento. Dahil dito ay nais nilang malaman kung may batas ba tungkol sa paggawa ng bandila ng ating bansa upang matiyak na makasunod sila rito, kung mayroon man. Salamat sa inyong magiging payo. - Drew


Dear Drew,


Bilang tugon sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act No. 8491 (RA No. 8491), na mas kilala bilang Flag and Heraldic Code of the Philippines at sa kaugnay na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas na ito. Ipinasa ang RA No. 8491 bilang bahagi ng pagpapahayag ng polisiya ng ating Estado na bigyan ng paggalang at respeto ang ating Pambansang Bandila bilang simbolo na kumakatawan sa pambansang kamalayan, at mga tradisyon na minamahal at ipinagmamalaki natin bilang Pilipino sa pamamagitan ng ating watawat at iba pang mga simbolo ng ating bansa. (Sec. 2)


Ayon sa IRR ng RA No. 8491, upang maitatag ang unipormeng pamantayan sa paggawa ng Pambansang Bandila at mapanigurado ang kalidad nito, kailangan sundin ang mga nakasaad na pamamaraan at pamantayan pagdating sa tamang kulay, sukat at maging sa pormal na pagsisiyasat sa pagkakagawa rito.


Para sa kulay na gagamitin, nakasaad sa batas ang sumusunod na mga tiyak na uri ng kulay na dapat gamitin para rito:


“The blue color shall bear Cable No. 80173; the white color, Cable No. 80001; the red color, Cable No. 80108; and the golden-yellow, Cable No. 80068.


The assigned cable numbers are listed in the Tenth Edition of the Standard Color Reference of America, created and issued by the Color Association of the United States, No. 343 Lexington Avenue, New York, New York, 10016, Series, 1981.” (Sec. 33)


Patungkol naman sa tiyak na pamantayan ng sukat ng bandila, nakasaad sa IRR ang sumusunod na proporsyon ng sukat nito kung saan ang haba nito ay dapat doble ng lapad habang ang sukat ng bawat bahagi ng puting tatsulok ay katumbas ng lapad nito. (Sec. 32)


Maliban sa kulay at proporsyon ng bandila ay ipinag-uutos din ng batas na ang mga gagawa ng Pambansang Bandila ay kinakailangang magsumite ng taunang aplikasyon sa pamahalaan para sa akreditasyon bilang aprubadong manggagawa ng Pambansang Bandila upang matiyak na ang pagkayari nito ay tama at alinsunod sa batas. Ayon sa batas:


“a. All requisitions for the purchase of the National Flag must be based on strict compliance with the design, color, craftsmanship and material requirements of the Government;


b. The manufacturer shall send annually one meter for each color (blue, red, white and golden-yellow including canvas) of textile material to the Industrial Technology Development Institute (ITDI) or the Philippine Textile Research Institute (PTRI) of the Department of Science and Technology (DOST) for evaluation. The PTRI/ITDI shall evaluate the quality and serviceability of the said textile material;


c. Flag manufacturers shall apply for annual accreditation at the Institute. Together with their application, they will submit the PTRI/ITDI laboratory test results, copy of business license, permit, company profile and other pertinent documents;


d. All submitted sample/s of the National Flag by accredited suppliers offered for purchase for government use shall be evaluated as to design, color, materials and craftsmanship specifications by the Institute, through its Heraldry and Display Section, which shall stamp its approval or disapproval on the canvas reinforcement of the National Flag sample submitted.


The National Flag sample/s shall be sent to the Institute by the requisitioning office and not by the flag supplier.” (Sec. 34)


Makikita sa mga nabanggit na probisyon ng batas ang mga kailangang gawin at sundin ng mga nagbabalak gumawa ng Pambansang Bandila. Nararapat sundin ito upang matiyak na legal at may paggalang sa tamang paraan ang paggawa ng Pambansang Bandila.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 19, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang babaeng motorista na araw-araw nagmamaneho papasok sa aking trabaho. Isang umaga habang papunta ako ng opisina ay nakita ko na sinenyasan ako ng isang traffic enforcer para tumigil. Sa pagtigil ko sa tabi ng kalsada ay sinabihan ako na mayroon diumano akong traffic violation. Nakita diumano ako ng kasamahan nila na naglalagay ng aking make-up habang nagmamaneho. Tiningnan nila ang lisensya ko at sinabihan na lumabag diumano ako sa Anti-Distracted Driving Act. Malumanay akong humingi ng pasensya at nagpaliwanag na nagawa ko lamang iyon dahil akmang titigil na rin naman ang takbo ko dahil sa stoplight.


Pinagbigyan ako ng traffic enforcer, at sinabihan na mag-ingat at huwag na uulitin iyon kung hindi ay mabibigyan na ako ng ticket sa susunod. Nagpasalamat ako sa babala na ibinigay niya.


Dahil dito, napaisip ako kung paglabag nga ba sa batas trapiko ang ginawa ko dahil ang pagkakaintindi ko sa Anti-Distracted Driving Act ay para ito sa gumagamit ng mga telepono sa pagmamaneho. Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol dito? Sana ay mapaliwanagan ninyo ako. Maraming salamat! - Cath


Dear Cath,


Para sa iyong kaalaman, mabuting tingnan natin ang nakasaad sa Republic Act No. 10913 (RA No. 10913), na kilala sa tawag na Anti-Distracted Driving Act (ADDA). Ayon sa batas na ito, itinuturing na distracted driving o abalang pagmamaneho ang mga sumusunod:


“…performance by a motorist of any of the following acts in a motor vehicle in motion, or temporarily stopped at a red light, whether diplomatic, public or private, which are hereby declared unlawful::

a. Using a mobile communications device to rite, send, or read a text based communication, or to make or receive calls, and other similar acts;


b. Using an electronic entertainment or computing device to play games, watch movies, surf the internet, compose messages, read e-books, perform calculation, and other similar acts.” (Sec. 4)


Mula sa probisyon na ito, itinuturing na distracted driving ang pagmamaneho habang gamit ang mga mobile communication at electronic entertainment device. Ang ganitong distracted driving ay kasama ng mga ipinagbabawal alinsunod sa Rule 2 ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ng RA No. 10913. Ang lalabag dito ay mapapatawan ng parusang multa na may kasamang pagsuspinde ng lisensya sa pagmamaneho, at maaaring may iba pang kaparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code. (Sec. 8, Rule 4)


Kaugnay nito, makikita na hindi kabilang sa ADDA ang paglalagay ng make-up sa mga itinuturing na ipinagbabawal na distracted driving. Dahil dito, hindi naging tumpak ang sinabi ng traffic enforcer na nilabag mo ang ADDA. Sa katunayan, mismong ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang website ang naghahayag na hindi kasama ang paglalagay ng make-up sa ADDA:


ADDA only covers the use of mobile communications devices and other electronic entertainment gadgets while vehicles are in motion or temporarily stopped on a traffic light or an intersection. It does NOT cover other accessories which may be found on your dashboard such as rosaries, tachometers, figurines, dashboard toys, crucifix, stickers, among others. Likewise, it does not cover activities such as putting make-up, drinking coffee, and other similar acts.”


Sa kabila nito, hindi nangangahulugan na wala kang naging paglabag sa batas dahil sa ginawa mo. Ang paglalagay ng make-up habang nagmamaneho ay maaari pa rin na ituring bilang reckless driving o walang ingat na pagmamaneho na siyang ipinagbabawal din ng batas. Sa ilalim ng Republic Act No. 4136 (RA No. 4136), na kilala bilang Land Transportation Code, papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang walang ingat na nagpapatakbo ng sasakyan. Naglabas din ang Kagawaran ng Katarungan ng Advisory Opinion No 03, na may petsang ika-30 ng Mayo 2011 kaugnay sa RA No. 4136 na nagsasabi na:


“Distracted driving is a form of reckless driving, because it deviates a driver’s attention away from the road, causing him to commit acts or omissions that may endanger himself and others.”


Dahil dito, bagama’t hindi kasama sa ADDA ang ginawa mong paglalagay ng make-up habang nagmamaneho ay isa pa rin itong uri ng reckless driving na maaaring maging basehan ng iyong pagkakahuli at pagkakaroon ng kaparusahan. Sa bisa ng itinatakda ng batas, mariin naming ipinapaalala sa iyo na huwag na ulitin ang iyong ginawang walang ingat na pagmamaneho na naglalagay sa panganib, hindi lang sa iyong sarili kung hindi maging sa ibang mga motorista at tao sa iyong paligid.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page