top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 4, 2023


Dear Chief Acosta,


Narinig ko sa radyo na maaaring humingi ng tulong sa PAO ang mga guro sa eleksyon ng barangay. Ngunit, sabi ng pinsan ko na nagtatrabaho sa munisipyo, hindi raw humahawak ang PAO ng mga kaso ukol sa eleksyon. Sino ba ang tama sa kanila? - Ronald


Dear Ronald,


Ang mga pampublikong guro na maitatalaga bilang Board of Election Inspectors (BEI) sa lokal o pambansang halalan, at mahaharap sa reklamo o demanda kaugnay ng kanilang panunungkulan bilang BEI ay maaaring dumulog at bigyan ng legal na tulong ng Public Attorney’s Office (PAO). Ito ay alinsunod sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PAO, Department of Education (DepEd), at Commission on Elections (COMELEC), na muling pinagtibay nito lamang Setyembre 2023.


Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na ang mga guro na naninilbihan tuwing halalan ay nakararanas ng panggugulo o harassment, hindi lamang mula sa mga kumakandidato, kundi pati na rin sa mga taga-suporta ng mga ito. Kung kaya’t patuloy na ipinatutupad ang nasabing MOA upang ang mga guro ay mabigyan ng karampatang proteksyon. Ang panuntunang nabanggit ay malinaw na nakasaad din sa Article 5, Chapter II ng 2021 Revised PAO Operations Manual:


“ARTICLE 5. Persons/Entities Qualified for Legal Assistance Pursuant to Memoranda of Agreement/Understanding, Department of Justice (DOJ) Directives and Special Laws, as follows:


22) Public school teachers who are appointed as Board of Election Inspectors (BEI) and are being sued in relation to their performance of the said function (Memorandum of Agreement between the PAO, the Department of Education [DepEd], and the Commission on Elections [COMELEC], dated April 29, 2016) x x x”


Kung ang reklamo o demanda na inihain laban sa isang pampublikong guro ay walang kaugnayan sa kanyang tungkulin bilang BEI, tulad ng kasong sibil, kriminal at iba pa, maaari lamang siyang bigyan ng legal na tulong at serbisyo ng PAO kung siya ay kuwalipikado bilang isang indigent client.


Gayon pa man, nais naming bigyang-diin na hindi maaaring tulungan at irepresenta ng PAO ang sinumang kandidato o pulitikal na partido sa mga reklamong mayroong kaugnayan sa eleksyon. Kung ang guro o indibidwal na tinutukoy mo sa iyong liham ay kabilang sa mga nabanggit, ikinalulungkot naming ipaalam na hindi siya maaaring asistehan ng PAO at sa puntong ito ay tama ang naging payo sa iyo ng nakausap mo mula sa inyong munisipyo na hindi humahawak ang PAO ng mga kaso kung ito ay mayroong direktang kaugnayan sa eleksyon, maging lokal man iyan o pambansang eleksyon. Ito ay alinsunod sa Article 7, Chapter II ng 2021 Revised PAO Operations Manual:


“ARTICLE 7. Persons Not Qualified for Legal Assistance. – Public Attorneys and PAO employees are prohibited from assisting the following:


5) Political candidates and parties in all election-related matters.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 3, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking mga magulang ay nagmamay-ari ng kapirasong lupa sa aming probinsiya.


Noong kami ay mga bata pa ay isinangla nila ito sa isang rural bank sa nasabing probinsiya sa halagang Php 1,500.00. Hindi namin namalayan na ito pala ay nagkaroon na ng Extra-Judicial Foreclosure Sale. Ang bangko rin mismo ang nakabili sa nasabing pampublikong bentahan.


Kami ay hindi nakatanggap ng anumang notice ukol dito. Ito rin ay hindi nailathala sa diyaryo.


Dahil dito ay agad kaming nagsampa ng kaso upang ipawalang-bisa ang nasabing Extra-Judicial Foreclosure Sale, ngunit hindi kami kinatigan ng trial court. Sang-ayon sa korte, hindi na kinakailangan na ilathala ang bentahan o auction sale sapagkat ang halaga ng loan ay hindi lagpas sa Php 50,000.00. Ngunit, ang halaga ng aming ari-arian noong panahon na iyon ay nasa Php 100,000.00. Ano ba ang dapat na basehan ng halaga upang ang isang auction sale ay dapat ilathala? Iyong halaga ng inutang o halaga ng lupa? -Japeth


Dear Japeth,


Ang iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Antonio Baclig v. The Rural Bank of Cabugao, Inc, et al. (G.R. No. 230200, July, 03, 2023, Ponente: Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando), kung saan tinalakay nito ang halagang pagbabasehan kung dapat bang ilathala ang auction sale. Ayon sa Korte Suprema:


“Going now to the merits of the Motion for Reconsideration, the Court finds that the auction sale is void for failure to comply with the publication requirement. Sec. 3 of Act No. 3135 expressly requires the publication of the notice of sale if the property is worth more than P400.00, thus:


SECTION 3. Notice shall be given by posting notices of the sale for not less than twenty days in at least three public places of the municipality or city where the property is situated, and if such property is worth more than four hundred pesos, such notice shall also be published once a week for at least three consecutive weeks in a newspaper of general circulation in the municipality or city.”


Malinaw sa nasabing probisyon na ang basehan kung ang notice ng auction sale ay dapat ilathala sa pahayagan ay ang halaga ng ari-arian, at hindi ang halaga ng inutang. Sang-ayon sa Korte Suprema:


“However, as correctly pointed out by Baclig et al. in their Motion for Reconsideration, it is not the value of the loan that determines the necessity of publication; rather, it is the value of the property. This is clear from the wording of Sec. 3.


Significantly, the records show that the subject property was worth more than P400.00 in 1986. The tax declarations show that the land's market value was P121,950.00 and the house erected thereon, Pl 8,360.00. Hence, there is no doubt that the Notice of Extra-Judicial Sale of Foreclosed Properties should have been published.”


Mula sa mga nasabing pahayag ng Korte Suprema, malinaw na dapat ay inilathala ng bangko sa isang pahayagan ang notice ng auction sale ng lupa ng iyong mga magulang sapagkat ang halaga nito ay higit sa Php 50,000.00. Dahil sa hindi ito nasunod ng bangko, hindi balido o walang bisa ang naging auction sale. Maaari pa ninyong mabawi ang lupa ng iyong mga magulang.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 2, 2023


Dear Chief Acosta,


Isa akong contractor sa ating bansa at hindi ako namamasukan sa kahit anong kumpanya. Dahil na rin siguro sa pandemya ay kaunti na ang aking nagiging kliyente.


Kung kaya tuwing may papasok na kliyente ay kaagad kong tinatanggap para ako ay kumita. Noong nakaraang linggo, ako ay binayaran ng aking kliyente at sinabihan ko siya na ako ay maaaring mag-construct kahit alam kong wala pa akong lisensya. May nalabag ba akong batas? Salamat sa inyong kasagutan. - Josh


Dear Josh,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 35 ng Republic Act No. 4566, na inamyendahan ng Republic Act No. 11711, na mas kilala bilang “Contractor’s License Law”, kung saan nakasaad na:


“Section 35. Prohibited Acts. The following are prohibited under this Act:


‘(a) Any contractor who, for a price, commission, fee or wage, submits or attempts to submit a bid to construct, or contracts to or undertakes to constructs, or assumes charge in a supervisory capacity of a construction work within the purview of this Act, without first securing a license to engage in the business of contracting in the Philippines shall be penalized with a fine of not less than One hundred thousand pesos (P100,000.00) but not more than Five hundred thousand pesos (P500,000.00) plus the equivalent of one-tenth of one percent (1%) of the project cost. Furthermore, the offending party shall be prohibited from obtaining a contractor’s license for a period of one (1) year from the time that party is found guilty under this provision.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, kahit sinong contractor, na para sa isang presyo, komisyon, bayad o sahod, ay magsusumite o susubok na magsumite ng isang bid para mag-construct, o gagampanan ang trabaho bilang supervisor ng isang construction work, nang walang lisensya upang pumasok sa negosyo ng contracting sa Pilipinas ay maaaring mapatawan ng parusa na pagbabayad ng multa. Karagdagan dito, maaaring ang nagkasala ay pagbawalan na kumuha ng lisensya bilang contractor sa loob ng isang taon magmula sa araw na siya ay masentensyahan ng guilty.


Kung kaya sa iyong nabanggit na sitwasyon, kung ikaw ay tumanggap ng bayad at nagsabi sa iyong kliyente na maaari kang mag-construct, bagama’t ikaw ay walang lisensya upang gawin ito, maaari kang mapatawan ng akmang parusa sa oras na mapatunayan na ikaw ay nagkasala sa batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page