top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 15, 2023


Dear Chief Acosta,


Mayroon pa ba sa Kodigo Penal natin na nagpapataw ng parusa sa isang tao na intensyonal na sumisira ng mga barya na ginagamit pa sa kasalukuyan? Mayroon kasing nakapagsabi sa akin na mayroon diumano isang grupo sa aming lugar na gumagawa nito. Nabasa ko noon na mayroong parusa sa ganito, ngunit hindi ko na matandaan. Kung ibebenta ba nila ito ay maaari rin silang parusahan? - Jino


Dear Jino,


Ang probisyon sa Revised Penal Code of the Philippines patungkol sa intensyonal na pagsira ng mga barya na nasa sirkulasyon ay angkop pa rin hanggang sa kasalukuyan.


Sa katunayan, ito ay pinagtibay pa sa ilalim ng Republic Act No. 10951 na kung saan higit na tinaasan ang fine na maaaring ipataw sa sinumang mapatunayang lumabag sa batas.


Malinaw na nakasaad sa Artikulo 164 ng Revised Penal Code of the Philippines, na naamyendahan ng Republic Act No.10951, na:


“Article 164. Mutilation of coins; Importation and utterance of mutilated coins. - The penalty of prision correccional in its minimum period and a fine not to exceed Four hundred thousand pesos (P400,000) shall be imposed upon any person who shall mutilate coins of the legal currency of the Philippines or import or utter mutilated current coins, or in connivance with mutilators or importers.”


Ang pagkakaroon din ng mutilated coins nang mayroong intensyon na ito ay gamitin at/o ang aktuwal na paggamit ng mga naturang barya ay ipinagbabawal din sa ilalim ng ating batas. Alinsunod sa Artikulo 165 ating Revised Penal Code:


“Article 165. Selling of false or mutilated coin, without connivance. - The person who knowingly, although without the connivance mentioned in the preceding articles, shall possess false or mutilated coin with intent to utter the same, or shall actually utter such coin, shall suffer a penalty lower by one degree than that prescribed in said articles.”

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 13, 2023


Dear Chief Acosta,


Halos 25 taon na kaming hindi nagsasama ng aking legal na asawa at kami ay may kanya-kanya nang buhay. Maaari ko na bang pakasalan ang bago kong kinakasama? - Rogelio


Dear Rogelio,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 349 ng ating Revised Penal Code:


“Art. 349. Bigamy. — The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”


Ayon din sa kasong napagdesisyunan ng Korte Suprema na Lasanas v. People (G.R. No. 159031, 23 June 2014, Ponente: Honorable Chief Justice Lucas P. Bersamin) nakasaad na:


“The elements of the crime of bigamy are as follows: (1) that the offender has been legally married; (2) that the marriage has not been legally dissolved or, in case his or her spouse is absent, the absent spouse could not yet be presumed dead according to the Civil Code; (3) that he or she contracts a second or subsequent marriage; and (4) that the second or subsequent marriage has all the essential requisites for validity.”


Sang-ayon sa mga nabanggit, ang sinumang magpapakasal muli, bago pa man mapawalang-bisa sa pamamagitan ng legal na proseso ang kanyang naunang kasal, ay maaaring makulong sa kasong Bigamy. Kung susuriin, ang mga elemento ng kasong Bigamy ay ang mga sumusunod:


1. ang offender ay kasalukuyang kasal;

2. ang kanyang kasal ay hindi pa napapawalang-bisa sa pamamagitan ng legal na proseso, o kung ang kanyang asawa ay nawawala, siya ay hindi pa nadedeklarang yumao ayon sa New Civil Code;

3. ang offender ay muling nagpakasal sa pangalawang pagkakataon o higit pa; at

4. ang pangalawa o sumunod na kasal ay nag-comply sa lahat ng alituntunin ng isang valid na kasal.


Sa iyong sitwasyon, hindi mo maaaring pakasalan ang bago mong kinakasama, sapagkat hindi pa naman na-terminate ang nauna mong kasal. Dahil dito, kung itutuloy mo ang iyong planong pagpapakasal nang hindi pa napapawalang-bisa ang nauna mong kasal, maaari kayong makasuhan ng Bigamy ng iyong kinakasama.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 12, 2023


Dapat nakasalalay sa isang Kongreso ng Pilipinas ang kapangyarihang Tagapagbatas, na dapat na binubuo ng isang Senado at isang Kapulungan ng mga Kinatawan, maliban sa lawak na inilaan sa taumbayan ng tadhana tungkol sa pagpapatiuna at reperendum.


(Seksyon 1, Artikulo VI ng 1987 Philippine Constitution na naisalin sa wikang Pilipino).


Malinaw sa mga nabanggit na probisyon ng ating Saligang Batas na ang kapangyarihan ng Lehislatura ay ipinagkaloob sa Mababa (Kapulungan ng mga Kinatawan) at sa Mataas (Senado) na Kapulungan ng Kongreso. Ito ay ang kapangyarihang gumawa, susugan, at magpawalang-bisa ng batas. Ang Senado at ang Kongreso ay pantay lamang sa pagpapatupad ng kanilang mga kapangyarihan. Walang mas nakakaangat sa kanilang dalawa. Walang panukalang batas ang maipapasa kung walang pagsang-ayon ang Kongreso at ang Senado.


Maliban sa paggawa ng batas, may kapangyarihan din ang Senado na sumang-ayon sa mga treaties o international agreements na pinagtibay ng Pangulo mula sa kanyang kapangyarihang makipagdiplomasya sa ibang banyagang bansa.


Ang Mababang Kapulungan naman ang may nag-iisang kapangyarihan para magpanimula ng impeachment proceedings o pagsasakdal sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan, katulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Mahistrado ng Korte Suprema at Ombudsman, dahil sa pagkukulang ng tungkulin. Gayunpaman, ang Senado naman ang uupong taga-usig sa nasabing impeachment proceedings.


Ang kapangyarihan ng Kongreso ay maaaring pagbukurin sa dalawa, ito ay ang legislative at non-legislative power. Kasama sa legislative power ang ispesipikong kapangyarihang maglaan ng badget, magpasa ng batas para magpataw ng buwis at ekspropriyasyon (expropriation). Kabilang naman sa non-legislative power ang pagiging Board of Canvassers sa eleksyon ng Pangulo, pagdeklara na ang Pilipinas ay nasa state of war, at pagbigay ng pagsang-ayon sa mga treaties na pinagtibay ng Pangulo.


Sa ating Saligang Batas, habang ang Kongreso ay nasa sesyon, ang isang mambabatas ay hindi maaaring dakpin dahil sa isang krimen na isinampa laban sa kanya kung ang pinakamataas na posibleng ipataw na kaparusahan para sa nasabing krimen ay hindi lalagpas sa anim na taon na pagkakabilanggo. Ito ay maaaring gamitin ng isang mambabatas kahit na ang nasabing mambabatas ay hindi dumalo ng sesyon. Ang mga talumpati ng isang mambabatas, maging ang mga debate sa Kongreso o sa anumang komite nito, ay hindi maaaring gamitin laban sa mga nasabing mambabatas kahit saang lugar sa labas ng Kongreso. Ito ay para ang isang mambabatas ay makapagtrabaho nang mahusay at malaya sa takot ng panggugulo mula sa labas ng kanyang opisina.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page