top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 17, 2023


Ang pisikal na pananakit at pagbibintang sa isang karelasyon na mayroon siyang iba – sapat bang dahilan para may masawi? Sa iba, maaaring madali lang para sa kanila ang magbigay ng sagot ukol dito. Ngunit upang maging patas, at higit na magkaroon ng makatarungan at makat’wirang opinyon, mas mabuting malaman natin ang kabuuang pangyayari.


Ang insidenteng ito ay naganap sa isang partikular na kaso, ang People of the Philippines vs. Erlen Manzano Cabahog (CA G.R. No. 43759, September 17, 2020, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Pedro B. Corales [5th Division]). Narito ang kaugnay na kuwento sa kasong ito.


Si Nicolas ay binaril sa Lungsod ng Calamba. Ang bala na tumama sa kanyang dibdib ang siyang naging sanhi ng kanyang kamatayan. Si Erlen, na noon ay kinakasama ni Nicolas, ang siyang inakusahan ng Homicide sa Regional Trial Court (RTC).


Ayon kay Neil, anak ng biktima na tumestigo para sa prosekusyon, alas-6:00 ng umaga noong araw ng insidente, narinig at nakita niyang nagtatalo ang kanyang ama at si Erlen.


Makalipas ang ilang sandali, narinig na lamang ni Neil ang sigaw ng kanilang kasambahay.


Pagkababa niya diumano mula sa kanyang silid, nakita niyang may hawak na baril si Erlen at nakatutok diumano ito kay Nicolas. Nag-agawan diumano sina Erlen at Nicolas sa nasabing baril hanggang sa napunta sila sa silid ni JP, pinsan ni Erlen at du’n na pumutok ang baril.


Agad diumanong humingi sa kanya ng tulong si JP. Nakita na lamang niya na dumadaloy na ang dugo ng kanyang ama. Bagaman, nadala pa sa ospital ang kanyang ama, binawian pa rin ito ng buhay.


Nakita rin diumano nina Errol at Karl, mga anak nina Erlen at Nicolas, ang mga pangyayari.


Subalit, tila sa testimonya ni Errol sa hukuman, nabanggit niya na bagaman nakita niya ang nasabing pag-aaway, nasa ibang bahagi siya ng bahay nang marinig ang putok ng baril. Batay din kina Neil at Errol, nabanggit nilang natulala at iyak nang iyak si Erlen matapos ang insidente.


Kasama si Erlen na nagdala kay Nicolas sa ospital at du’n din siya inaresto ng mga awtoridad.


Para naman sa depensa, si Erlen lamang ang tumayong testigo. Ayon sa kanyang testimonya, kakauwi lang niya, alas-4:00 ng madaling araw, noong Disyembre 25, 2016, mula sa isang Christmas party na kanyang dinaluhan. Mayroon pa diumanong mga bisita si Neil noong oras na iyon at sila ni Nicolas ay nakihalubilo at nakipagkantahan.


Pumasok diumano sa kanilang bahay si Nicolas at naiwan siyang mag-isang kumakanta hanggang ang isa sa mga kaibigan ni Neil ay nakisali sa kanyang pagkanta. Napansin diumano ni Erlen na rito na biglang nagbago ang mood ni Nicolas.


Pumasok na rin ng bahay si Erlen pagkaalis ng mga bisita ni Neil. Bigla na lamang siyang inakusahan na “iniiputan” niya diumano ito. Nang sabihin ni Erlen na huwag nitong sirain ang araw dahil may lakad pa sila, bigla na lamang hinila ni Nicolas ang kanyang buhok at sinabihang hindi siya pupuwedeng makaalis ng bahay. Sinampal niya diumano si Nicolas at sinabing maghiwalay na lamang sila kung sisirain lamang nito ang Pasko.


Kinaladkad siya diumano ni Nicolas, na naging sanhi ng pagkaputol ng kanyang ngipin, at pinagbintangan na siya ay nanlalalaki. Nilabas ni Nicolas ang baril na inisyu sa kanya bilang pulis at itinutok ito sa noo ni Erlen. Hinila diumano muli ni Nicolas ang buhok ni Erlen at sinuntok ang kanyang batok.


Bagaman tumigil si Nicolas noong nanghihina na si Erlen, hawak pa rin nito ang nasabing baril.


Nang makakuha ng pagkakataon si Erlen, kinuha niya ang kanyang bag at pitaka. Ang ginawa niya ay lalong ikinagalit ni Nicolas, sanhi para hilahing muli ang kanyang buhok at pagbawalan siyang umalis. Muli siyang binugbog at nang mapaupo siya, itinutok ni Nicolas ang nasabing baril sa kanyang baba. Sinubukan diumano ni Erlen na ilayo ang nasabing baril nang di-sinasadyang bigla itong pumutok at tinamaan siya sa kanyang clavicle. Sinabi diumano ni Nicolas na tinamaan ng bala ang kanyang puso ngunit hindi agad naniwala si Erlen. Nang tanggalin ni Erlen ang kamay sa pagkakatakip sa kanyang mga mata, nakita niya na lang na dumadaloy na ang dugo ni Nicolas.


Agad na humingi ng saklolo si Erlen.


Batay kay Erlen, wala diumano siyang intensyon na patayin si Nicolas. Ang nais lamang niya ay iwanan ito dahil sa kanilang madalas na pag-aaway na nauuwi sa panunutok ng baril.


Guilty beyond reasonable doubt ang naging hatol ng RTC kay Erlen, na agad naman niyang inapela sa Court of Appeals (CA). Iginiit niyang aksidente ang nangyari. Iginiit din niyang hindi niya kayang kunin ang baril sapagkat ang biktima ay isang sanay at may karanasang pulis. Sinubukan lamang diumano niyang protektahan ang kanyang sarili.


Kinatigan ng CA si Erlen, na ang pagkakabaril kay Nicolas ay isang aksidente. Ayon sa CA, natural impulse ng isang tao ang lumaban o dumepensa. Nakita ng nasabing hukuman, base sa mga testimonya at ebidensya na isinumite, pinoprotektahan lamang ng akusado ang kanyang sarili.


Hindi rin nakumbinsi ang CA sa testimonya ni Errol dahil sa mga inconsistencies sa kanyang mga pahayag. Nagkaroon din ng pag-aalinlangan ang CA dahil hindi isinalang sa witness stand si JP gayung sa pahayag ng ibang testigo ay naru’n siya sa silid kung saan naganap ang naturang pamamaril. Sapagkat, hindi sumapat para sa CA ang mga ebidensya ng prosekusyon, pinili nitong ipawalang-sala ang akusado. Ipinaalala ng CA, sa panulat ni Court of Appeals Associate Justice Pedro B. Corales:


“This Court has always stood by the rule that it is better to acquit a guilty person than to convict an innocent one.”


Sadyang hindi na mababago ang nakaraan at hindi na mabubuo pa ang pamilya nila Erlen.


Gayunman, nawa’y sa nasabing detalyadong paliwanag ng hukuman, makamtan ng kaluluwa ni Nicolas ang katahimikan, at nang matuldukan na ang pagdaing mula sa madilim at malamig niyang libingan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 17, 2023


Dear Chief Acosta,


May inaasahan akong malilipatan na trabaho. Kung kaya, nagsabi na ako sa supervisor ko at nagpasa na ng resignation letter sa Human Resources. Subalit, isang linggo bago matapos ang 30 days bago ang effectivity ng resignation ko, nalaman kong may nakuha nang iba sa posisyon na ina-apply-an ko. Dahil dito, kinausap kong muli ang aking supervisor. Sinabi ko na hindi ko na itutuloy ang aking resignation, ngunit ang sabi sa akin ay nasa proseso na sila ng paghahanap ng kapalit ko. Maaari ko bang igiit sa kumpanya na itigil ang paghahanap ng kapalit ko?- Shelly


Dear Shelly,


Ang iyong katanungan ay sinagot ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong BMG Records (Phils.), Inc. and Jose Yap, Jr. vs. Aida C. Aparecio and National Labor Relations Commission (G.R. No. 153290, 05 September 2007), sa panulat ni Honorable Associate Justice Adolfo S. Azcuna, kung saan ipinahayag ang mga sumusunod:


“Resignation is the voluntary act of an employee who is in a situation where one believes that personal reasons cannot be sacrificed in favor of the exigency of the service, and one has no other choice but to dissociate oneself from employment. It is a formal pronouncement or relinquishment of an office, with the intention of relinquishing the office accompanied by the act of relinquishment. As the intent to relinquish must concur with the overt act of relinquishment, the acts of the employee before and after the alleged resignation must be considered in determining whether in fact, he or she intended to sever from his or her employment.


Now, the acceptance by petitioners of Aparecio’s resignation rendered the same effective.


Upon such acceptance, it may not be unilaterally withdrawn without the consent of petitioners. When the employee later signified the intention of continuing his or her work, it was already up to the employer to accept the withdrawal of his or her resignation. The mere fact that the withdrawal was not accepted does not constitute illegal dismissal, the acceptance of the withdrawal of the resignation being the employer's sole prerogative.”


Alinsunod sa nasabing kaso, sa sandaling tinanggap ng iyong employer ang iyong resignation, at kalaunan ay ipinahiwatig mo ang intensyon na manatili sa iyong kasalukuyang trabaho, kakailanganin mong humingi ng pahintulot sa pag-withdraw/pagbawi ng iyong resignation mula sa iyong employer – na para bang ikaw ay muling nag-a-apply para sa trabaho. Kung kaya, hindi mo maigigiit sa iyong employer na huwag kang palitan na para bang obligasyon nilang balewalain ang iyong resignation.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 16, 2023


Dear Chief Acosta,


Pumirma ako ng kontrata para magtrabaho bilang kasambahay sa loob ng isang taon pero winakasan ito ng amo ko bago matapos ang termino dahil nakita niya ako sa kamera na nangungupit. May karapatan ba ang amo ko na wakasan ang aking kontrata bago matapos ang termino nito? - Jolina


Dear Jolina,


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 32 ng Republic Act No. 10361, o mas kilala sa tawag na “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” na hindi maaaring wakasan ng amo ng kasambahay ang kontrata bago matapos ang termino nito maliban sa mga dahilan na ibinigay sa Seksyon 34 ng nasabing batas.


Kaugnay nito, ang Seksyon 34 ng nabanggit na batas ay nagbibigay ng mga dahilan para sa pagwawakas ng amo sa kontrata ng kasambahay:


“SEC. 34. Termination Initiated by the Employer. – An employer may terminate the services of the domestic worker at any time before the expiration of the contract, for any of the following causes:


(a) Misconduct or willful disobedience by the domestic worker of the lawful order of the employer in connection with the former’s work;

(b) Gross or habitual neglect or inefficiency by the domestic worker in the performance of duties;

(c) Fraud or willful breach of the trust reposed by the employer on the domestic worker;

(d) Commission of a crime or offense by the domestic worker against the person of the employer or any immediate member of the employer’s family;

(e) Violation by the domestic worker of the terms and conditions of the employment contract and other standards set forth under this law;

(f) Any disease prejudicial to the health of the domestic worker, the employer, or member/s of the household;

(g) Other causes analogous to the foregoing.”


Malinaw na nakasaad sa nasabing batas na maaaring wakasan ng amo ang serbisyo ng kasambahay, anumang oras bago matapos ang kontrata, dahil sa paggawa ng krimen o pagkakasala ng kasambahay laban sa kanyang amo o pamilya nito. Samakatuwid, may karapatan ang amo mo na wakasan ang iyong kontrata bago matapos ang termino nito dahil ang pangungupit na ginawa mo ay itinuturing na krimen laban sa iyong amo.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page