top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 6, 2023


Dear Chief Acosta.


Ako ay may ipinagbiling alahas sa aking kaibigan sa halagang P50,000.00. Ayon sa aming kasunduan, ito ay kanyang babayaran sa loob ng limang buwan sa halagang P10,000.00 kada buwan. Alinsunod din sa aming usapan, siya ay magbabayad tuwing ika-limang araw ng buwan simula noong Agosto ng kasalukuyang taon. Subalit, simula nitong ika-5 ng Nobyembre, at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin niya nababayaran ang ikaapat na buwanang kabayaran para sa alahas. Ano ang maaari kong gawin? Maaari ko ba kanselahin ang aming transaksyon at bawiin ang alahas? – Myrna


Dear Myrna,


Ang batas na nasasaklaw patungkol sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 386, Series of 1987 o mas kilala bilang The New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 1484 na:


“Article 1484. In a contract of sale of personal property the price of which is payable in installments, the vendor may exercise any of the following remedies:

(1) Exact fulfillment of the obligation, should the vendee fail to pay;

(2) Cancel the sale, should the vendee's failure to pay cover two or more installments;

(3) Foreclose the chattel mortgage on the thing sold, if one has been constituted, should the vendee's failure to pay cover two or more installments. In this case, he shall have no further action against the purchaser to recover any unpaid balance of the price. Any agreement to the contrary shall be void.”


Sa kadahilanang ang inyong transaksyon ay may kaugnayan sa isang personal property na inyong ipinagbili nang hulugan, ang nabanggit na probisyon ng batas ang siyang naaangkop.


Batay sa nasabing probisyon ng batas, ikaw ay may karapatan na singilin ang natitirang kabuuang halaga na siyang katumbas ng kanyang obligasyon. Nakasaad din sa kaparehong batas na ang pagkansela ng inyong transaksyon ay maaari mo lamang gawin kung ang bumili ay bigong magbayad ng dalawang hulog, o higit pa. Inyong nabanggit na ang iyong kaibigan ay nabigong magbayad ng kanyang buwanang hulog nitong kasalukuyang buwan lamang, nangangahulugan na ang inyong rekurso ay ang paniningil sa kanya ng kanyang kabuuuang obligasyon, at hindi ang agarang pagkansela ng inyong transaksyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 5, 2023


Dear Chief Acosta,


Isa sa mga benepisyo ko bilang kasambahay ang limang araw na leave bawat taon.


Ginamit ko ang lahat ng leave ko para magpatingin sa doktor at nalaman ko na may malubhang karamdaman ako. Hindi ako makaalis agad sa serbisyo dahil pumirma ako ng dalawang taong kontrata. Mayroon bang legal na paraan para wakasan ko ang aking kontrata bilang kasambahay?Adel


Dear Adel,


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 32 ng Republic Act No. 10361 o mas kilala sa tawag na “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” na hindi maaaring wakasan ng kasambahay ang kontrata bago matapos ang termino nito maliban sa mga dahilan na ibinigay sa Seksyon 33 ng nasabing batas.


Kaugnay nito, ang Seksyon 33 ng nabanggit na batas ay nagbibigay ng mga dahilan para sa pagwawakas ng kasambahay ng kanyang serbisyo:


“SEC. 33. Termination Initiated by the Domestic Worker. – The domestic worker may terminate the employment relationship at any time before the expiration of the contract for any of the following causes:

(a) Verbal or emotional abuse of the domestic worker by the employer or any member of the household;

(b) Inhuman treatment including physical abuse of the domestic worker by the employer or any member of the household;

(c) Commission of a crime or offense against the domestic worker by the employer any member of the household;

(d) Violation by the employer of the terms and conditions of the employment contract and other standards set forth under this law;

(e) Any disease prejudicial to the health of the domestic worker, the employer, or member/s of the household; and

(f) Other causes analogous to the foregoing.”

Malinaw na nakasaad sa nasabing batas na maaaring wakasan ng kasambahay ang kanyang serbisyo, anumang oras bago matapos ang kontrata, dahil sa anumang sakit na makasasama sa kalusugan ng kasambahay, kanyang amo, o miyembro ng sambahayan.


Samakatuwid, ang legal na paraan para mawakasan mo ang iyong kontrata bilang kasambahay ay ipaalam mo sa iyong amo ang iyong malubhang karamdaman. May karapatan ka bilang kasambahay na wakasan ang iyong kontrata bago matapos ang termino nito dahil ikaw ay may malubhang sakit na makasasama sa iyong kalusugan.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 4, 2023


Dear Chief Acosta,


Bumibili ako ng cashier’s check sa bangko sapagkat may kailangan akong bayaran, ngunit ang ibinigay nila sa akin ay isang manager’s check. Ayos lang ba ito? - Lalaine


Dear Lalaine,


Para sa inyong kaalaman, ang sagot sa inyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Metropolitan Bank and Trust Company v. Chiok, Bank of the Philippine Islands v. Chiok at Global Business Bank, Inc. v. Chiok (G.R. Nos.172652, 175302, at 175394 – November 26, 2014, Ponente: Honorable Associate Justice Teresita J. Leonardo-De Castro), kung saan ipinaliwanag na:


“The legal effects of a manager’s check and a cashier’s check are the same. A manager’s check, like a cashier’s check, is an order of the bank to pay, drawn upon itself, committing in effect its total resources, integrity, and honor behind its issuance. By its peculiar character and general use in commerce, a manager’s check or a cashier’s check is regarded substantially to be as good as the money it represents. Thus, the succeeding discussions and jurisprudence on manager’s checks, unless stated otherwise, are applicable to cashier’s checks, and vice versa.”


Malinaw sa nabanggit na kaso na pareho lamang ang legal na epekto ng manager’s check at cashier’s check. Pareho silang utos ng bangko sa sarili nito na bayaran ang mga tseke sa abot ng kanilang makakaya. Dahil dito, ang manager’s check at cashier’s check ay parehong maaaring ituring na para na ring salapi.


Samakatuwid, ayos lamang na manager’s check ang ibinigay sa inyo ng bangko imbes na cashier’s check na inyong hinihingi sapagkat parehas lamang ang legal na epekto ng dalawang tseke.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page