top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 30, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Kung mayroong conjugal partnership of gains at absolute community property regime, mayroon din namang tinatawag na regime of separation of property bilang property relations ng mag-asawa.  


Ang ganitong uri ng property relation ng mag-asawa ay nangyayari sa pagkakataong ito ang napagkasunduan nila sa kanilang marriage settlement. Kapag hindi nila ito napagkasunduan, ang paghihiwalay ng mga ari-arian ng mag-asawa habang sila ay kasal pa ay maaari lamang mabigyan ng katuparan kapag mayroong utos ang husgado. Ito ay sapagkat ang pamilya, bilang pangunahing pundasyon ng lipunan, ay isang pinagmulang institusyon na pinoprotektahan at pinangangalagaan ng publiko. Kaugnay nito, ang relasyon ng pamilya ay pinamamahalaan ng batas at walang nakasanayang kaugalian o kasunduan na maaaring sumira sa pamilya ang kikilalanin o bibigyan ng halaga.

   

Upang pangalagaan ng batas ang pamilya bilang isang institusyon, ang separation of property regime ay pinapayagan lamang ng husgado sa mga sumusunod na sitwasyon:


  1. Ang asawa ng naghain ng petisyon ay nadeklara ng husgado na “absentee”;

  2. Ang asawa ng naghain ng petisyon ay nagawaran ng sentensya na may kasamang parusang civil interdiction;

  3. Ang asawa ng naghain ng petisyon ay nawalan ng parental authority sa pamamagitan ng utos ng husgado;

  4. Kapag ang naghain ng petisyon ay iniwan ng kanyang asawa at hindi na natupad ng huli ang kanyang mga obligasyon sa kanyang asawa at pamilya;

  5. Kapag ang asawa ng nabigyan ng kapangyarihan para pamahalaan ang mga ari-arian sa marriage settlement ay inabuso ang kanyang kapangyarihan;

  6. Kapag ang mag-asawa ay naghiwalay na ng mahigit isang taon at malaki ang posibilidad na sila ay hindi na magkakabalikan pa.


Sa ganitong uri ng property relations ng mag-asawa, ang bawat isa sa kanila ay maaaring bumili ng mga ari-arian gamit ang kani-kanilang sariling pera. Malaya rin sila na magbenta, pamahalaan, at gamitin ang kani-kanyang mga sariling ari-arian kahit na walang pahintulot ang kanilang mga asawa. Ang kanilang mga kita mula sa kanilang propesyon, negosyo o industriya, maging ang mga produkto o bunga (civil, natural o industrial) ng kanilang mga ari-arian, ay mapupunta lamang sa taong nagtrabaho o nagpundar nito. Hindi sila nanghihimasok sa desisyon ng bawat isa pagdating sa pangangalaga at paggamit ng kani-kanyang mga ari-arian maliban lamang na paghahatian nila ang gastusin ng pamilya ayon sa proporsyon ng kita ng bawat isa o sa market value ng kanilang mga hiwalay na ari-arian. Gayunpaman, ang mga pinagkakautangan ng pamilya para sa kanilang mga gastusin ay maaaring bayaran ng sinuman sa mag-asawa.




 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 29, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nais ko sanang bigyan ng bahay at lote ang aking pamangkin. Ireregalo ko ito sa kanya dahil nangibabaw siya sa kanilang medical board exam at malaking karangalan ang naidulot nito sa aming pamilya. Paano magiging legal at may bisa ang donasyon ko sa kanya?


- Conchita


Dear Conchita, 


Ang donasyon ng lupa ay napapaloob sa Article 749 ng New Civil Code of the Philippines, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


“Art. 749. In order that the donation of an immovable may be valid, it must be made in a public document, specifying therein the property donated and the value of the charges which the donee must satisfy.


The acceptance may be made in the same deed of donation or in a separate public document, but it shall not take effect unless it is done during the lifetime of the donor.


If the acceptance is made in a separate instrument, the donor shall be notified thereof in an authentic form, and this step shall be noted in both instruments.”


Ayon sa batas, upang magkaroon ng bisa ang isang donasyon ng bahay at lupa, kinakailangan na ilagay ito sa isang dokumento at dapat ito ay notaryado. Ito ay iba sa mga karaniwang kontrata na may bisa pa rin kahit na hindi notaryado. Mahigpit ang batas sa ganitong uri ng donasyon sapagkat ito ay nagbibigay ng karapatan sa isang bahay at lupa nang walang anumang konsiderasyon o bayad. 


Sa katunayan, maging ang pagtanggap sa ganitong donasyon ay kinakailangan din na notaryado upang maging may bisa at dapat magawa habang nabubuhay pa ang nagbigay ng donasyon dahil kailangan itong ipaalam sa kanya. Hangga’t hindi pa tinatanggap ang ganitong donasyon sa nabanggit na paraan at hindi pa ito pinapaalam sa nagbigay ng donasyon ay wala pa itong bisa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 
  • BULGAR
  • Jun 17, 2024

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 17, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kami ay nakatira sa dating squatter’s area na ngayon ay pinatayuan na ng mga bahay ng may-ari ng lupa. Naiwan ang maliit namin na bahay sa gitna ng mga ipinatayong bahay.  Isang araw ay sinabihan kami ng may-ari ng lupa na ang dinaraanan namin papasok sa aming bahay mula sa kalsada ay ipapasara na niya dahil kakainin ito ng isa sa mga bahay na pinapatayo niya. Puwede bang gawin ng may-ari iyon kahit wala na kaming magiging daanan? – Reymar


Dear Reymar, 


Bilang isang squatter, o informal settler, limitado ang inyong karapatan sa lupain kung saan kayo naninirahan. Bagkus, isa sa karapatan ng nagmamay-ari ng lupa ay gamitin ito sa anumang paraan na kanyang kagustuhan. Kaya naman, maaari niyang ipasara ang dinaraanan ninyo, kung ito ay kanyang nanaisin.


Dagdag pa rito, kung ilegal kayong naninirahan sa lupain, wala kayong karapatan na humingi ng right of way o karapatang makaraan sa lupa ng iba patungong highway, kahit na kulong ang lupang tinitirahan ninyo. Karapatan ng may-ari ng lupa na ipagbawal na paraanin ang ibang tao sa kanilang lupa. Maliban lang kung may karapatan kayo sa lupang tinitirhan ninyo, hindi kayo maaaring magpumilit na paraanin kayo sa lupa ng kapitbahay ninyo. Nakasaad sa Article 649 ng New Civil Code na:


Art. 649. The owner, or any person who by virtue of a real right may cultivate or use any immovable, which is surrounded by other immovables pertaining to other persons and without adequate outlet to a public highway, is entitled to demand a right of way through the neighboring estates, after payment of the proper indemnity.


Should this easement be established in such a manner that its use may be continuous for all the needs of the dominant estate, establishing a permanent passage, the indemnity shall consist of the value of the land occupied and the amount of the damage caused to the servient estate.


In case the right of way is limited to the necessary passage for the cultivation of the estate surrounded by others and for the gathering of its crops through the servient estate without a permanent way, the indemnity shall consist in the payment of the damage caused by such encumbrance.


This easement is not compulsory if the isolation of the immovable is due to the proprietor’s own acts.


Ayon dito, maaari lamang humingi ng right of way sa iba ang legal na may-ari ng kulong na lupa o sinumang may real right upang gamitin ang lupa. Sa kasamaang palad, wala kayong ganitong karapatan dahil hindi legal ang paninirahan ninyo sa lupa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page