top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 27, 2023


Dear Chief Acosta,

 

Nais ko lang malaman kung ang search warrant ba na hawak ng mga pulis ay may expiry date. Salamat. - Popoy

 

Dear Popoy, 

 

Para sa iyong kaalaman, ang panuntunan na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Revised Rules on Criminal Procedure. Nakasaad sa Rule 126, Section 10 nito na:

 

“Section 10. Validity of search warrant. — A search warrant shall be valid for ten (10) days from its date. Thereafter it shall be void.”

 

Kaugnay nito, nakasaad din sa Rule 113, Section 4 ng nasabing panuntunan na:

 

“Section 4. Execution of warrant. — The head of the office to whom the warrant of arrest was delivered for execution shall cause the warrant to be executed within ten (10) days from its receipt. Within ten (10) days after the expiration of the period, the officer to whom it was assigned for execution shall make a report to the judge who issued the warrant. In case of his failure to execute the warrant, he shall state the reasons therefor.”

 

Bukod pa rito, may inilabas na Administrative Circular No. 13 ang Korte Suprema, na may paksa hinggil sa Guidelines and Procedure in the Issuance of Search Warrants, kung saan sinabing – “the search warrant shall be valid for ten (10) days from date of issuance, and after which the issuing judge should ascertain if the return has been made, and if there was none, should summon the person to whom the warrant was issued and require him to explain why no return was made. xxx”

           

Sang-ayon sa mga nabanggit, ang isang search warrant ay may bisa lamang na 10 araw.


Pagkatapos nito, nawawalan na ng bisa ang nasabing search warrant at dapat nang mag-report sa hukom na nag-issue nito kung ano ang nangyari.

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 

 

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 24, 2023


Buwan na naman ng Disyembre at mahalaga ang buwan na ito sa ating mga kababayang manggagawa. 


Ito ang buwan kung saan marami sa ating mga manggagawa ay may natatanggap na biyaya mula sa kanilang mga employers sa bisa ng Presidential Decree No. 851 o mas kilala sa tawag na “13th Month Pay Law” na inamyendahan ng Memorandum Order No. 28 dated 13 August 1986. Nakapaloob dito na ang lahat ng mga empleyado, anumang uri ang kanilang designasyon sa pagtatrabaho at kung paano nila natatanggap ang kanilang sahod, ay dapat makatanggap ng 13th month pay nang hindi lalampas ng Disyembre 24 ng kasalukuyang taon. 


Ang 13th month pay ay katumbas ng one twelfth (1/12) ng suweldo ng empleyado sa isang calendar year. Kinakailangan lamang ay nakapagtrabaho ang nasabing empleyado ng isang buwan sa loob ng isang taon.


Ang pagbabayad ng 13th month pay ay ipinag-uutos ng batas sa lahat ng employer at hindi ito depende sa kumpanya.  Hindi dahilan na kakaunti lamang ang kinita ng kumpanya para hindi ito magbigay ng nararapat na 13th month pay. 


Sa katunayan, ang lahat ng mga employer ay inaasahang magsumite nang hindi lalampas ng Enero 15 ng sumunod na taon ng kanilang Compliance Report ukol sa pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang empleyado (Labor Advisory 12, series of 2013). 


Maging ang ating mga kasambahay ay dapat makatanggap din ng kanilang 13th month pay sa bisa ng Section 1, Rule IV ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 10361 o ang “Domestic Workers Act” or “Batas Kasambahay”. Ito ay para mabigyan din ang ating mga kasambahay ng insentibo dahil sa mahalaga nilang gampanin sa ating sambahayan.


Ang hindi pagbabayad ng 13th month pay ay itinuturing na money claims na maaaring iproseso sa ilalim ng Rules Implementing the Labor Code of the Philippines at ng 2011 National Labor Relations Commission Rules of Procedure.

 

 

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 23, 2023


Dear Chief Acosta,

 

Ako at ang aking asawa ay hindi na nagsasama sa iisang bubong. Kami ay may tatlong anak, kaya naman nagkasundo kami kaugnay sa halaga ng sustento.


Subalit, hindi niya ito tinutupad kahit na siya ay may trabaho sa isang pribadong kumpanya.  


Gusto kong malaman kung maaari ba na makipag-ugnayan ako sa pamunuan ng kanyang pinapasukang trabaho, upang ibigay nang direkta sa akin ang bahagi ng kanyang suweldo bilang sustento sa aming mga anak? -- Liz

 

Dear Liz,

 

Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines, at ang kaakibat nitong Implementing Rules and Regulations (IRR). Nakasaad sa Article 105 ng nasabing batas na:

 

“Article 105. Direct payment of wages. Wages shall be paid directly to the workers to whom they are due, except:

 

In cases of force majeure rendering such payment impossible or under other special circumstances to be determined by the Secretary of Labor and Employment in appropriate regulations, in which case, the worker may be paid through another person under written authority given by the worker for the purpose; or

 

Where the worker has died, in which case, the employer may pay the wages of the deceased worker to the heirs of the latter without the necessity of intestate proceedings…xxx” 

 

Samantala, nakasaad sa Book Three, Rule VIII ng kaakibat nitong Implementing Rules and Regulations (IRR) na: 

 

“SECTION 5. Direct payment of wages. — Payment of wages shall be made direct to the employee entitled thereto except in the following cases:


a.              Where the employer is authorized in writing by the employee to pay his wages to a member of his family…xxx” 

 

Malinaw na nakasaad sa batas na ang suweldo ng isang empleyado ay marapat na ibigay sa kanya lamang. Nakasaad din sa batas na ang sinumang miyembro ng pamilya ng nasabing empleyado ay maaaring tanggapin ang kanyang suweldo, alinsunod sa mga alituntuning itinalaga kaugnay rito. 


Samakatuwid, ang suweldo ng isang empleyado ay eksklusibo niyang matanggap, liban lamang kung kanyang pahihintulutan ang sinumang miyembro ng kanyang pamilya na tanggapin ito. Gayunpaman, maaari kang magsampa ng kaukulang kaso sa korte kaugnay sa hindi pagbibigay ng suporta ng iyong asawa sa inyong mga anak, sapagkat ang korte lamang ang maaaring mag-utos sa isang employer kaugnay sa pagbabawas sa suweldo ng isang empleyado, partikular sa usapin ng suporta.

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page