top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 7, 2024

 

Nakasaad sa Article XV ng 1987 Philippine Constitution ang mga sumusunod na probisyon ukol sa pamilya:

 

SEKSYON 1.  Kinikilala ng Estado ang pamilyang Pilipino na pundasyon ng bansa. Sa gayon, dapat nitong patatagin ang kaisahan ng pamilyang Pilipino at aktibong itaguyod ang lubos na pag-unlad niyon.

 

SEKSYON 2. Ang pag-aasawa, na ‘di malalabag na institusyong panlipunan, ay pundasyon ng pamilya at dapat pangalagaan ng Estado.

 

SEKSYON 3. Dapat isanggalang ng Estado:

 

(1) Ang karapatan ng mga mag-asawa na magpamilya nang naaayon sa kanilang mga pananalig na panrelihiyon at sa mga kinakailangan ng responsableng pagpapamilya;


(2) Ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon at natatanging proteksyon sa lahat ng mga anyo ng pagpapabaya, pag-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad;


(3) Ang karapatan ng pamilya sa sahod at kita na sapat ikabuhay ng pamilya; at


(4) Ang karapatan ng mga pamilya o ang mga asosasyon nito na lumahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga patakaran at mga programa na nakaaapekto sa kanila.

 

SEKSYON 4. Ang pamilya ay may tungkuling kalingain ang matatandang miyembro nito ngunit maaari ring gawin ito ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamaraan ng kapanatagang panlipunan.

 

Malinaw sa ating Saligang Batas na kinikilala ng Estado ang pamilyang Pilipino bilang pundasyon ng institusyon at ng bansa. Bilang pagkilala ay kinakailangang papanatagin ng Estado ang kaisahan at pag-unlad nito. Nang dahil dito, itinuturing ng Estado ang pag-aasawa bilang isang panlipunang institusyon na hindi dapat na malabag at kinakailangang mapangalagaan ng Estado. 

 

Kaya naman sa ating Family Code, nakapaloob ang mga sumusunod na probisyon:

 

Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life. It is the foundation of the family and an inviolable social institution whose nature, consequences, and incidents are governed by law and not subject to stipulation, except that marriage settlements may fix the property relations during the marriage within the limits provided by this Code.

 

Kung ating susuriin ang mga nabanggit na probisyon, makikita natin na ang pagpapakasal ay kinikilala bilang isang institusyon kung saan ang lahat ng insidente at bagay na may kinalaman dito ay marapat na base sa kung ano ang sinasabi ng batas.


Ang pag-aasawa ay hindi maaaring maging suheto ng isang kasunduan maliban kung ang usapin ng kasunduan ay patungkol sa marriage settlement kung saan inaayos ng mag-asawa ang kanilang relasyon na may kinalaman sa kanilang mga ari-arian. (Article 1, E.O. 209).


Nararapat din na igalang ng Estado ang karapatan ng mag-asawa na magtatag ng kanilang pamilya sang-ayon sa kanilang pananalig sa kanilang relihiyon at sa kung ano ang mga kinakailangan na naaayon sa responsableng pagtataguyod ng pamilya. 


Pinangangalagaan din ng pamahalaan ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon, at natatanging proteksyon sa lahat ng mga anyo ng pagpapabaya, pag-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad. Kaya naman may mga batas tayo na ipinatutupad upang pangalagaan ang kapakanan ng isang bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso.


Marami ang pangangailangan ng pamilyang Pilipino kaya naman pinangangalagaan ng Estado ang karapatan ng bawat miyembro ng pamilya na mabigyan ng sapat na sahod at kita para sa ikabubuhay ng pamilya. Nang dahil dito ay may mga batas din tayo na nangangalaga ng kapakanan ng ating mga manggagawa. 


May karapatan din ang bawat pamilyang Pilipino na lumahok sa mga asosasyon na nagtataguyod ng patakaran at programa na nakakaapekto sa kapakanan ng pamilyang Pilipino.


Sa paglipas ng panahon ay maraming programa ang itinatag ng pamahalaan upang mapangalagaan ang pamilyang Pilipino katulad na lamang ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development. Ang 4Ps ay isang hakbang ng pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan. Nagbibigay ito ng conditional na tulong-pinansyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang.  Kailangang matupad ng mga pamilya ang mga kondisyon ng pamahalaan upang maibigay sa kanila ang tulong-pinansyal. Halaw ito sa programang Conditional Cash Transfer ng mga bansa sa Latin Amerika at Aprika, na nag-alpas sa kahirapan ng milyun-milyong tao sa buong mundo. (www.official gazette.gov.ph)


Sa dulo ng nabanggit na artikulo ng ating Saligang Batas, nakasaad din ang pagkalinga ng isang pamilya sa matatandang miyembro nito. Likas sa ating mga Pilipino ang pangalagaan ang ating mga mahal sa buhay na umabot na sa kanilang pagiging senior citizen. Ngunit ang nabanggit na pangangalaga ay maaari ring gawin ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamamaraan ng kapanatagang panlipunan.


Kaya naman, may batas din tayo na tumutukoy sa social security at karapatan ng ating mga senior citizens.

 

 

 

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 6, 2024


Dear Chief Acosta,


Gusto kong makipaghiwalay sa asawa ko. Nalaman ko kasi na nagkaroon siya ng relasyon sa aking matalik na kaibigan bago kami ikasal. Napakabigat ng aking kalooban dahil sa nagdulot ito sa akin ng sama ng loob. Sana hindi na lang natuloy ang aming kasal. Ang nararamdaman ko tuloy ay hindi siya naging tapat sa akin at niloko niya lamang ako. Maaari ko bang gamiting dahilan ito upang kami ay tuluyan nang legal na makapaghiwalay? Sana ay magabayan ninyo ako ng payo. Maraming salamat at mabuhay kayo. - Chen


Dear Chen, 


Bagama’t pakiwari mo ay niloko ka ng asawa mo sa hindi niya pag-amin sa kanyang naging karelasyon sa iyong matalik na kaibigan bago kayo ikinasal at pakiwari mo, siya ay hindi naging tapat sa iyo, mabuting linawin natin sa simula pa lamang na hindi lahat ng panloloko ay maaaring maging basehan para mapawalang-bisa ang isang kasal. Para sa iyong kaalaman, ipinagtibay ng Family Code of the Philippines ang mga uri ng panloloko na maaaring maging dahilan ng annulment: 


“Art. 46. Any of the following circumstances shall constitute fraud referred to in Number 3 of the preceding Article:

  1. Non-disclosure of a previous conviction by final judgment of the other party of a crime involving moral turpitude;

  2. Concealment by the wife of the fact that at the time of the marriage, she was pregnant by a man other than her husband;

  3. Concealment of sexually transmissible disease, regardless of its nature, existing at the time of the marriage; 

  4. Concealment of drug addiction, habitual alcoholism or homosexuality or lesbianism existing at the time of the marriage. 

No other misrepresentation or deceit as to character, health, rank, fortune or chastity shall constitute such fraud as will give grounds for action for the annulment of marriage.”


Inilalahad ng nabanggit na batas kung ano lang ang mga uri ng panloloko na maaaring gamitin para sa pagpapawalang-bisa ng kasal. Ang paglilihim ng isang asawa sa kanyang naunang relasyon bago siya ikasal ay hindi kabilang sa mga nabanggit na dahilan para mapawalang-bisa ang kasal. Mismong ang Kataas-tasang Hukuman na ang nagbigay-linaw nito sa isa nilang desisyon kung saan sinasabi ang mga sumusunod:


“Non-disclosure of a husband's pre-marital relationship with another woman is not one of the enumerated circumstances that would constitute a ground for annulment; and it is further excluded by the last paragraph of the article, providing that "no other misrepresentation or deceit as to ... chastity" shall give ground for an action to annul a marriage.  While a woman may detest such non-disclosure of premarital lewdness or feel having been thereby cheated into giving her consent to the marriage, nevertheless the law does not assuage her grief after her consent was solemnly given, for upon marriage she entered into an institution in which society, and not herself alone, is interested. (Anaya vs. Palaroan, G.R. No. L-27930, November 26, 1970, Ponente: Honorable Associate Justice Jose Benedicto Luna "J.B.L.Reyes)


Malinaw sa batas at sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema na sa kabila ng labis na sama ng loob na naidulot sa iyo ng iyong asawa dahil sa paglilihim niya ng nauna niyang relasyon bago kayo ikasal, hindi pa rin ito maituturing na panloloko para mapawalang-bisa ang inyong kasal. At dahil dito, mas makabubuti na makipagkasundo ka na lang sa iyong asawa, huwag nang balikan ang nakaraan at pagtuunan ng pansin ang inyong relasyon bilang mag-asawa para sa ikabubuti na rin ng inyong kinabukasan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 5, 2024

Ang mga biktima ng panghahalay ay may mga daing na baun-baon sa kanilang mga dibdib. At kapag ang mga taong nangmolestya sa kanila ay napawalang-sala, para na rin silang pinatay. Ngunit may mga pagkakataon na bagama’t nais ng hukuman na ipagkaloob sa kanila ang katarungan, ang mga naakusahan kaugnay sa kanilang mga kaso ay pinakakawalan. 


Sa kasong tampok sa artikulo natin ngayon, alamin natin ang mga dahilan ng Court of Appeals sa pagkiling nito sa akusado. Ang kaugnay na kuwento rito ay may batayang kaso na hawak ng aming Tanggapan. Ang People of the Philippines vs. T16179T (CA-G.R. CR-HC No. 16179, Nov 29, 2023, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Eleuterio L. Bathan [13th Division]).


Noong Nobyembre 2011, 14-anyos pa lamang ang biktimang tawagin na lang natin sa pangalan AAA, nang siya’y molestyahin ng kanyang ama. Ilang ulit diumano siyang sekswal na pinagsamantalahan ng taong dapat sana ay kakalinga sa kanya. Bagaman nagpupuyos ang kanyang kalooban sa kahayupang ginawa sa kanya, hindi diumano nakuhang lumaban o magsumbong agad ni AAA dahil diumano sa takot na baka siya o ang kanyang mga kapatid ay saktan ng kanilang ama.


Ngunit isang araw, nang siya ay sunduin ng kanyang tiyahin at dalhin sa bahay nito, nagkaroon na si AAA ng lakas ng loob na magsumbong ukol sa lahat ng pagpapahirap na dinaranas sa kanyang ama.


Mayo 31, 2012 nang masuri si AAA ni Dr. Alcantara ng National Bureau of Investigation, Bicol Regional Office, at doon nakumpirma na siya umano ay sekswal na naabuso. Ito ang naging susi upang siya ay makapaghain ng reklamong qualified rape laban sa kanyang ama.


Matapos ang paglilitis sa Regional Trial Court, binabaan ng hatol na conviction ang akusado at pinatawan ng parusang reclusion perpetua at pagbabayad ng danyos sa naturang biktima. Mariin namang iginiit ng ama ni AAA na siya ay inosente umano sa reklamo na ipinukol laban sa kanya, kung kaya’t agad itong naghain ng kanyang apela. 


Ayon sa ama ni AAA, nararapat diumano siyang ipawalang-sala, sapagkat hindi umano lubos na napatunayan ng taga-usig ang mga alegasyon kaugnay sa kanyang kriminal na responsibilidad, partikular na ang pagkakakilanlan ng salarin.


Sa pagsusuri ng Court of Appeals (CA) sa naturang apela, ipinaalala ng nasabing hukuman ang prinsipyo na nakasaad mismo sa ating Saligang Batas – na ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na inosente hanggang sa ang kanyang pagkakasala ay lubos na mapatunayan ng hukuman sa pamamagitan ng proof beyond reasonable doubt.  


Ipinaalala rin ng nasabing appellate court ang kahalagahan ng sapat na pagpapatunay hindi lamang na naganap ang krimen, bagkus pati ang pagkakakilanlan ng inaakusahang kriminal:


“In every criminal prosecution, the prosecution must prove two things: (1) the commission of the crime and (2) the identification of the accused as the perpetrator of the crime. Cursory identification does not suffice to convict the accused. What is needed is positive identification made with moral certainty as to the person of the offender. Verily, the critical consideration in this appeal is whether the prosecution sufficiently established the assailant's identity.


It is settled that the identity of the offender is indispensably entwined to the commission of the crime. The first duty of the prosecution is not to prove the crime but to establish the criminal's identity, for even if the commission of the crime can be proven, there can be no conviction without proof of identity of the criminal.”

 

Para sa CA, mayroon diumanong makatwirang pag-aalinlangan na ang ama nga ni AAA ang gumawa ng mga ibinibintang na panghahalay. Napuna kasi ng CA na iniasa ng taga-usig ang pagtataguyod sa pagkakakilanlan ng akusado batay sa impormasyong nakalap umano sa pre-trial conference. Gayunman, ang pre-trial order kaugnay sa nasabing pagpupulong ay hindi umano pinirmahan ng akusado at abogado nito.


Nakadagdag pa umano, ayon sa CA, ang pagkukulang ng taga-usig nang tanungin at alamin mula mismo sa biktima na si AAA ang pagkakakilanlan ng umabuso sa kanya. Ang mga pagkukulang at pagkabigong nabanggit sa panig ng taga-usig ay lubos na nakaapekto sa isinusulong na kaso ng biktima. 


Sapagkat, hindi lubos na napatunayan nang mayroong moral na katiyakan ang positibong pagkakakilanlan ng salarin, minarapat ng CA na ipawalang-sala ang ama ni AAA. 


Maaaring ihalintulad sa hukay ang lagim na pinagdaanan ni AAA. Subalit naisin man ng CA na bigyan siya ng hustisya para sa sinapit niya, hindi umano maaaring ipagkait ang hustisya naman para sa naakusahan kung sadyang ang kanyang kasalanan ay hindi napatunayan. Tungkulin ng panig ng taga-usig na patunayan nang walang pag-aalinlangan ang pagkakakilanlan ng akusado na siya talaga ang gumawa ng krimeng ibinibintang sa kanya. Ito ay bahagi rin ng hustisya bagama’t makasasakit ito sa damdamin ng isang biktima dahil mananatiling laya ang taong sa kanya ay lumapastangan dahil sa kakulangan ng ebidensya. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page