top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 23, 2024

 

Dear Chief Acosta,


Ako ay isang babaeng manggagawa na sa kasalukuyang nagdadalang-tao sa aking unang anak. Pinayuhan ako ng aking kaibigan noong isang araw na maaari ko diumano ibigay ang pitong araw ng aking maternity leave sa aking asawa upang ako ay maalagaan niya pagkatapos kong manganak. Iba pa diumano ito sa paternity leave ng aking asawa. Tama ba ang payong ito? -- Erica


Dear Erica, 


Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 6 ng Republic Act No. 11210 o mas kilala sa tawag na “105-Day Expanded Maternity Leave Law”, kung saan nakasaad na:


“Section 6. Allocation of Maternity Leave Credits.— Any female worker entitled to maternity leave benefits as provided for herein may, at her option, allocate up to seven (7) days of said benefits to the child’s father, whether or not the same is married to the female worker: Provided, that in the death, absence, or incapacity of the former, the benefit may be allocated to an alternate caregiver who may be a relative within the fourth degree of consanguinity or the current partner of the female worker sharing the same household, upon the election of the mother taking into account the best interests of the child: Provided, further, that written notice thereof is provided to the employers of the female worker and alternate caregiver: Provided, furthermore, that this benefit is over and above that which is provided under Republic Act No. 8187, or the “Paternity Leave Act of 1996”: Provided, finally, that in the event the beneficiary female worker dies or is permanently incapacitated, the balance of her maternity leave benefits shall accrue to the father of the child or to a qualified caregiver as provided above”. 


Malinaw sa nakasaad na ang mga babaeng manggagawa na may karapatan sa maternity leave benefits sa ilalim ng “105-Day Expanded Maternity Leave Law” ay maaaring maglaan ng pitong araw sa kanyang maternity leave sa ama ng kanyang pinagbubuntis. Ang karapatang ito ay hindi tinitingnan kung sila ay kasal o hindi, at ang pitong araw na ito ay bukod pa sa paternity leave ng nasabing ama. Samakatuwid, tama ang ipinayo sa iyo ng iyong kaibigan. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 22, 2024

 

Dear Chief Acosta,


Kami ay bago lamang na nangungupahan dito sa aming apartment. Kahapon, may pumuntang distribution utility rito at pinutol ang aming kuryente. 


Ayon sa kanila, may mga hindi bayad na bills ang dating nangungupahan dito at kailangan namin itong bayaran para maibalik ang aming kuryente. Tama ba na kami ang magbayad ng kanilang hindi bayad na mga bills? -- Rosel


Dear Rosel, 


Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Article 22 ng Magna Carta For Residential Electricity Consumers kung saan nakasaad na:


“Article 22. Right to Electric Service Despite Arrearages of Previous Tenant. – Without prejudice to enforcing the provisions of the second paragraph of Article 6 hereof, a distribution utility shall not refuse or discontinue service to an applicant or customer, who is not in arrears to the distribution utility, even though there are unpaid bills or charges due from the premises occupied by the applicant, or customer, on account of an unpaid bill of a prior tenant, unless there is evidence of conspiracy to defraud the distribution utility.”


Ayon sa batas, kung ang dating nakatira ay umalis sa kanyang tinutuluyan at mayroon siyang naiwang mga unpaid bills na naging dahilan upang maputol ang kuryente sa nasabing lugar, dapat na ibalik ng distribution utility ang kuryente ng nasabing tinutuluyan kung mayroon nang ibang taong naninirahan dito. 


Sa inyong kaso, mali ang inyong distribution utility sapagkat nasasaad sa batas na hindi sila puwede tumangging i-reconnect ang kuryente ng inyong tinutuluyang lugar. Ito ay dahil hindi ninyo kasalanan na hindi nakapagbayad ng kuryente ang dating tumutuloy sa inyong apartment.

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 21, 2024

 

Kung ang mga anak ay mayroong mga karapatan, ang mga magulang bilang mga tagapagtaguyod ng pamilya ay may mga karapatan din, bukod sa mga responsibilidad na kanilang kinakaharap.


Marapat na malaman ng mga anak na ang kanilang karapatan na magmana mula sa kanilang mga magulang ay nagaganap lamang kapag ang huli ay namatay na.


Kaugnay nito, ang mga magulang ay may karapatang tanggalan ng mana ang kanilang mga anak o iba pa nilang inapo (descendants) habang sila ay nabubuhay pa gamit ang alinman sa mga sumusunod na dahilan:


  1. Kung ang anak ay napatunayang nagtangka sa buhay ng magpapamana, ng asawa nito, kanyang mga anak o inapo (descendants), o mga ninuno (ascendants);

  2. Kung inakusahan ng magmamana ang magpapamana ng isang krimen na pinapatawan ng parusang pagkakakulong ng anim na taon o higit pa, at napatunayan na ang nasabing akusasyon ay walang basehan;

  3. Kung ang magmamana ay napatunayang nagkasala ng pakikipagrelasyon sa asawa ng magpapamana;

  4. Kung ang anak o inapo, sa pamamagitan ng panloloko, pananakot, pagbabanta o pang-iimpluwensya, ay nag-udyok sa magpapamana na gumawa ng huling habilin o testamento, o pinalitan ang dati nang nagawang testamento;

  5. Pag-ayaw nang walang dahilan ng anak o inapo na magbigay ng suporta sa kanyang magulang o magpapamana;

  6. Pang-aapi o pagmamalupit ng anak o inapo sa magpapamana, sa salita man o sa gawa ng nasabing anak o inapo;

  7. Kapag ang anak o inapo ay namumuhay nang kahiya-hiya; at

  8. Kapag ang anak o inapo ay nasentensyahang nagkasala sa isang krimen kung saan ang kaparusahan ay may kasamang pagbabawal sa paggamit ng mga karapatang sibil (civil interdiction).


Ang mga magulang ay may karapatan na disiplinahin ang kanilang mga anak upang bigyan nila ang mga ito ng maayos na disposisyon o pananaw sa buhay. Kasama sa pagganap ng kanilang awtoridad bilang mga magulang ang disiplinahin ang kanilang mga supling.


Para sa isang ama, may karapatan siya na pabulaanan (impugn) ang pagiging lehitimong anak ng isang batang ipinangalan sa kanya ayon sa alinman sa mga sumusunod na kadahilanan:


  1. Na imposible para sa asawang lalaki na makipagniig sa kanyang asawa sa loob ng unang 120 ng 300 na araw bago ang pagsilang ng nasabing bata dahil sa wala siyang kapasidad na makipagniig sa kanyang asawa, magkahiwalay sila at ang pagniniig ay imposible, o isang seryosong sakit ng asawang lalaki na pumipigil sa kanya upang makipagniig sa kanyang asawang babae;

  2.  Na napatunayan na dahil sa bayolohikal o siyentipikong kadahilanan, ang nasabing bata ay hindi maaaring maging anak ng asawang lalaki maliban sa kaso na mayroong artificial insemination; at

  3. Sa mga batang ipinanganak sa pamamagitan ng artificial insemination, ang written authorization ng sinuman sa mga magulang ay nakuha nang dahil sa pagkakamali, panloloko o pananakot.


Ang isang asunto para kuwestiyunin ang pagiging lehitimong anak ng isang bata ay maaaring isampa ng itinuturong ama sa loob ng isang taon mula nang malaman niya ang pagkapanganak ng nasabing bata o maitala ang kapanganakan ng nasabing bata sa civil register, kung ang nasabing asawang lalaki o sinuman sa kanyang mga tagapagmana ay nakatira sa parehas na lugar kung saan naipanganak o nakarehistro ang kapanganakan ng bata. Kung ang asawang lalaki ay nakatira sa ibang lugar sa Pilipinas, ang nasabing aksyon ay maaaring isampa sa loob ng dalawang taon. Tatlong taon naman kung siya ay nakatira sa ibang bansa.


Ang isang ama naman ay may karapatang kilalanin ang kanyang relasyon sa kanyang hindi lehitimong anak sa pamamagitan ng kanyang paglagda sa tala ng kapanganakan ng nasabing anak sa civil register, o sa isang publikong dokumento o sulat-kamay niyang instrumento, sa kondisyon na ang nasabing ama ay may karapatang maghain ng aksyon sa regular na hukuman habang siya ay nabubuhay upang patunayan niya na hindi niya anak ang nasabing bata.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page