- BULGAR
- 1 day ago
by Info @Editorial | January 10, 2026

Isang guro ang hinimatay at nabagok sa gitna ng class observation, at kalauna'y binawian ng buhay.
Ito umano'y malinaw na patunay na ang kalusugan ng mga guro ay matagal nang napapabayaan.
Sa sistema ng edukasyon, laging sinusukat ang galing ng guro—lesson plan, strategy, performance. Ngunit bihirang sukatin kung sapat ba ang kanilang pahinga, kung may sakit na ba silang tinitiis, o kung kaya pa ba ng kanilang katawan ang araw-araw na trabaho.
Ang kalusugan ay hindi hiwalay sa trabaho. Kapag ang guro ay puyat, stressed, at may karamdaman, tiyak na may hangganan ang kanyang kakayahan.
Kung seryoso ang sistema sa kalidad ng edukasyon, dapat seryoso rin ito sa kalusugan ng mga guro. Kailangan ng regular na health check-up, mental health support, at mga patakarang nagbibigay-prayoridad sa buhay.
Kapag hindi inuna ang kalusugan ng guro, patuloy na may mawawala.






