top of page
Search

Julie Bonifacio - @Winner | April 25, 2021



ree

Open pa rin si Ogie Alcasid na masundan ang nag-iisang anak na lalaki nila ni Asia's Songbird Regine Velasquez.


Naikuwento ni Ogie ang tungkol d'yan sa aming eksklusibong panayam kahapon ni Ateng Janice Navida sa singer sa #CelebrityBTS Bulgaran Na, ang live online show ng BULGAR sa Facebook page nito.


Bago napunta ang usapan sa "bagong anak" nila ni Regine, idinetalye ni Ogie ang naging selebrasyon nila sa 51st birthday ni Songbird last Thursday, April 22.


"Ang plano ko noon, eh, nilagyan ko ng rosas 'yung bahay. Eh, antok-antok pa siya kaya parang hindi pa niya ma-appreciate 'yung rosas. Eh, di natulog na naman siya," bungad na kuwento ni Ogie.


Inilipat daw niya 'yung mga bulaklak sa swimming pool nila. Mahilig daw kasing magbabad du'n si Regine para magpainit.


"Tapos, magsu-swimming siya. So, inilipat ko 'yung rosas dito sa may swimming pool. Doon sa may hinihigaan niya. Tinanong ko siya, 'Uh, magsu-swimming ka ba?' Sabi niya, 'Hmmm,, tinatamad ako, eh.' Hehe. Sayang naman ang preparasyon ko. Hahaha!"


Buti na lang at nakumbinse rin niya si Regine na mag-swimming para maipakita nila ng anak na si Nate ang pasorpresa nila kay Songbird.


Pagkatapos daw nilang kumain ay naalala ni Regine na nagpagawa siya ng bagong minus one kay Ogie.


"Sabi niya, 'Magpraktis nga ako. Kakanta ako mamayang gabi.' Sabi ko, 'Talaga lang?' Sabi niya, 'Oo, gusto kong kumanta.'"


Inayos naman daw ni Ogie at nagpraktis nang nagpraktis si Regine sa pagkanta. At biglang nagyaya na raw si Regine na mag-live sa Facebook.


Nagulat naman si Ogie dahil umabot sa six thousand ang nanood sa FB Live nila nu'ng birthday ni Regine last Thursday.


Ipinakita lang daw ni Regine ang appreciation niya sa lahat ng mga nagmamahal sa kanya at knows din daw nito na marami ang nalulungkot ngayon sa pandemya.


"Nag-tribute siya sa mga community pantry. Ayun, naging maayos. Nu'ng gabing 'yun, sabi niya, 'Sarap na ganito lang 'yung birthday. Tapos, nu'ng kinabukasan, April 23, kahapon 'yun, paggising niya, sabi niya, 'Malungkot ako.' 'Bakit ka malungkot?' 'Kasi, tapos na ang birthday ko, eh.' Sabi ko, 'Eh, di gawin nating dalawang araw ang birthday mo.' Hahaha!"


Tinanong namin si Ogie kung may chance ba na magkaroon ng kapatid ang unico hijo nila na si Nate?


"Naku, parang puro plano lang. Wala na siguro. Alam mo, nakakailang subok na kami, talagang ano na rin, parang sabi ata ni Lord, 'O, tama na 'yan.' Hehehe. Sa tingin ko, sa tingin ko. Kasi naman, well, very active naman kami."


Open pa naman ba sila na magka-baby?


"Oh, of course. Kaya lang, magpi-54 na ang lolo mo, hahaha! Keri pa ba 'yun?"


Fifty one yrs. old naman daw si Regine.


"Well, it's not so much 'yung physically hindi na namin kaya. 'Yung ano lang kasi, 'pag 70, 20 years old pa lang 'yung bata. Hehehe. Kawawa naman, hehe."


Say ni Ateng Janiz kay Ogie, why not gayung ang lakas-lakas pa nila ni Regine?


"Hindi 'yung lakas. Parang you know, as parents, eh, ipagpalagay na nating 30 years pa kami mabubuhay, so, 84. Halimbawa, 40 years, 94 na kami. Hahaha!"


Seriously, kino-consider daw talaga nila ang kanilang edad at ng magiging anak nila after Nate.

"Yes, of course. Kasi, you would want siyempre to be able to take good care of your children, uh, na malakas ka pa and healthy ka pa. And that they enjoy you also, 'di ba, as their parents. Mahirap ding maulila, 'di ba? Ayun lang. Pero huwag nating pag-usapan 'yan. Hindi naman sila mauulila. Hahaha!"


Siyempre, ang fans, gustong magkaroon ng little Songbird si Regine.


"Yeah, oo nga. Eh, wala po talaga. Uhm, hindi naman kami nagkukulang. So, palagay ko, hanggang doon na lang talaga."


At kahit may advance technology na ngayon sa pagkakaroon ng anak, hindi raw nila priority ito dahil kuntento na sila kay Nate at kasama rin naman nila si Leila, anak ni Ogie sa dating misis na si Michelle Van Eimeren.


Anyway, maugong na maugong na ang balita tungkol sa repeat ng successful concert ni Ogie with Ian Veneracion, ang Virtually Yours: Kilabotitos, The Repeat on May 1, Saturday.


Dalawa ang oras ng pagpapalabas nila ng concert, 11 AM para sa mga nasa abroad at 8 PM Manila time.


This time, si Regine ang special guest sa show nina Ogie at Ian. Puwedeng bumili ng tickets sa Ktx.ph.

 
 

IBANG BABAE


Julie Bonifacio - @Winner | April 18, 2021



ree

Na-meet namin sa unang pagkakataon ang aktor na si Paolo Gumabao via Zoom interview. Siya ang special guest sa BULGAR's Facebook online show na #CelebrityBTS Bulgaran Na kahapon, Saturday, at 11 AM.


Very interesting ang life story ni Paolo at sa kabila ng paglaki niya na 'di nakikilala ang tunay na ama, positibo at wala siyang bitterness sa buhay.


Bida si Paolo sa upcoming movie na Lockdown directed by multi-awarded filmmaker na si Joel Lamangan. Kabilang din si Paolo sa drama series ng ABS-CBN na Huwag Kang Mangamba na napapanood sa A2Z gabi-gabi.


His surname may sound familiar sa showbiz dahil half-brother siya ni Marco Gumabao. Anak si Paolo ng daddy ni Marco, ang dating aktor na si Dennis Roldan.


Pero kahit taga-showbiz ang ama at kapatid, hindi niya ginamit ang oportunidad na ito para pasukin ang showbiz.


Through the kindness of famous manager and director na si Manny Valera, we were able to invite Paolo para sa show hosted by our dear BULGAR editor na si Ateng Janiz Navida and yours truly.

Eight years na palang mina-manage ni Direk Manny si Paolo. Isa sa mga staff ni Direk Manny ang naka-spot kay Paolo habang nasa loob ng Megamall.


Hindi lumaki si Paolo sa piling ng ama. Pero ipinagbubuntis pa lang daw siya, sinabi na ng mommy niya kay Dennis na may anak sila.


Pagkatapos ay na-meet daw ng mommy niya ang Taiwanese na tinawag niyang Papa Chen at inakalang tunay na ama. Original na "Papa Chen" 'yan, ha, at hindi si Richard Yap.


Kidding aside, ipinagbubuntis pa lang si Paolo ng mom niya nu'ng inako na ni Papa Chen ang pagiging ama sa kanya. Ito raw ang nagpalaki at umako ng responsibilidad ni Dennis bilang ama niya habang naninirahan sila sa Taiwan.


Sa Taiwan lumaki at nagkaisip si Paolo, kaya knows niya how to speak the Mandarin language. Nakakabilib si Paolo dahil three major languages ang alam niya — Mandarin, English and Tagalog.


Bata pa lang daw at kahit 'di pa niya alam na tatay niya si Dennis Roldan, gustung-gusto na niya talagang mag-artista.


"Naalala ko pa, since seven years old, sinabi ko, ayaw ko talagang magtrabaho. Gusto ko talaga maging artista," bungad ni Paolo sa amin.


Bumalik siya ng 'Pinas from Taiwan when he was 14 or 15 on his own. Hindi raw kasi pabor ang kanyang Papa Chen na mag-showbiz siya dahil ayaw nitong malaman niya kung sino ang kanyang biological father.


"But then, nu'ng 15 years old ako, hindi ko pa nami-meet ang mga Gumabaos nito. Nag-o-audition ako sa mga serye nang patago. Hindi alam ng mother ko at stepfather ko. Tumatakas talaga ako ng bahay. Sasabihin ko, may group work with my classmates, tapos, audition pala ang pinupuntahan ko."


Hanggang sa sinabi na ni Paolo sa kanila ang totoo nu'ng pumasa siya sa audition para sa kauna-unahan niyang serye na Oh, My G na last project na pinagtambalan nina Janella Salvador at Marlo Mortel.


Mala-teleserye naman ang sumunod na eksena sa unang pagkikita nina Paolo at amang si Dennis.


"Kasi, from 13 years old na dumating ako from Taiwan, nag-aral muna ako sa Bicol, sa probinsiya namin, doon sa hometown namin sa Virac, Catanduanes. Ang dami po palang nakakaalam na anak ako ni Dennis Roldan," kuwento ni Paolo.


That time, kapag naglalaro raw siya ng basketball sa isang liga, tinatawag daw ng commentators na Dennis Roldan.


Until one time, narinig daw niya ang mommy at tita niya na pinag-uusapan si Michelle Gumabao na naglalaro ng volleyball para sa La Salle. Doon na raw siya nagtanong sa mommy niya if she has something to tell him. Hanggang sa sinabi na sa kanya ng mommy niya ang totoo.

"Sinabi niya na ang tatay ko raw, si Dennis Roldan. Sabi ko, 'Okay.'"


Wala raw siyang naramdamang galit nu'ng malaman ang katotohanan.


"Kasi para sa akin, mas na-appreciate ko ang papa ko. Kasi, hindi naman niya talaga kailangan na alagaan ako nang ganu'n. Itinuring niya kasi ako na tunay na anak. So, mas na-appreciate ko siya dahil doon. Sino ba ako para magalit, eh, inalagaan naman nila ako higit pa sa kailangan ko," katwiran ni Paolo.


Hindi raw niya ini-request na ma-meet ang kanyang biological father sa kanyang mommy. Ayaw daw kasi niya na magtampo ang kanyang Papa Chen.


Although, pumapasok sa isip niya na kailangan niyang makilala ang tunay na ama. Hanggang sa tadhana na ang gumawa ng paraan nu'ng ma-meet raw ni Paolo ang friend ng mommy niya sa gym.


Tinanong ni Paolo 'yung friend ng mommy niya kung may kontak siya kay Dennis at agad na ibinigay kay Paolo ang number ng tatay niya.


Tinawagan niya ang numero at narinig niya ang boses ng ama for the first time. Kaya lang, 'di raw niya nasagot ang ama dahil 'di niya alam kung ano ang sasabihin.


After three months, sinubukan ulit ni Paolo na tawagan si Dennis. Nagpakilala siya at sinabi ang name ng mommy niya.


"Asan ka?" tanong daw ni Dennis sa kanya.


Nagkataon na pareho silang nasa Ortigas that time at agad na nakipagkita si Paolo kay Dennis.

Tinakbo raw niya mula sa condo nila papuntang Home Depot sa tapat ng Meralco kung saan nandoon si Dennis. Paolo was just 15 at that time.


"Pagdating ko sa Home Depot, tinawagan ko siya. Nakita ko siya sa malayo. Nakita niya ako. Siyempre ako, ang ine-expect ko, 'Ay, naku. Baka ipapa-DNA test pa yata ako nito, ah?' Pero ang ginawa niya, tiningnan niya lang ako mula ulo hanggang paa. Sabi niya, 'Anak nga kita talaga.' Hahaha!" kuwento ni Paolo.


Pagkatapos noon ay isinama siya ni Dennis sa Lancaster Hotel kung saan magpi-preach ang dating aktor bilang pastor.


"Tapos, ikinuwento niya sa congregation 'yung nangyari. 'This is my son, Pao. I just met him a while ago,'" masayang kuwento pa niya.


Then, madalas na raw silang magkasama at isa-isa nang ipinakilala sa kanya ang pamilya ni Dennis including his wife.

It took him a month bago naikuwento ni Paolo sa mommy niya na nakipagkita na siya kay Dennis at sa iba pang Gumabaos. Nagulat ang mommy niya at mismong si Paolo na rin daw ang nagsabi kay Papa Chen ng mga pangyayari.


Sa ngayon, may iba na raw karelasyon ang mommy ni Paolo. Nagkaroon daw ng kapatid si Paolo sa kanyang ina at kay Papa Chen, si Ryan na naninirahan na sa US.


Sa side naman ni Dennis, walo silang magkakapatid sa pagkakaalam ni Paolo. Pero 'di niya ma-confirm kung siya na talaga ang bunso.


Noon daw ay nadadalaw pa nila si Dennis sa kulungan twice a month. Pero dahil sa nangyaring COVID-19 pandemic, 'di pa raw niya nadadalaw ulit ang ama.


Nu'ng pumutok ang balita na nakulong si Dennis dahil sa kidnapping, inamin ni Paolo na marami ang nam-bully sa kanya.


"But it does not affect me in anyway," diin ni Paolo.


Up to now, may mga nagpo-post daw ng comment sa Tiktok post niya ng "Anak ng kidnapper na si Dennis Roldan."


"For me, oras nila 'yun, eh, oras nila ang sinasayang nila. So, go ahead. Hahaha!"

Natatawa na lang daw siya sa mga sinasabi ng mga netizens.


"First of all, kilala ko ang sarili ko. At anuman ang sasabihin nila towards my father, and kung anuman ang sinabi ng korte, siyempre, ang papaniwalaan ko ay 'yung sinabi ng dad ko sa amin. They can say everything all they want pero it does not change kung ano ang pinaniniwalaan ko," diin pa ni Paolo.


'Yun na!



 
 

Julie Bonifacio - @Winner | April 11, 2021



ree

Ini-reveal ng kilalang King of Comedy Bars na si Andrew "Mamu" de Real ng The Library ang naging karanasan niya kay Vice Ganda noong nagsisimula pa lang ito sa kanya bilang comedy bar host.


Ang The Library ang isa sa mga naunang comedy bars na naitayo sa bansa. Dito nagsimula ang halos lahat ng sikat na komedyante sa TV at pelikula ngayon kabilang na sina Ai Ai delas Alas, Allan K, Arnell Ignacio, Teri Onor, Pooh at Vice Ganda.


Mismong si Mamu Andrew daw ang nag-train sa kanila bilang comedy bar hosts. Dumadaan sa workshop lahat ng kinukuha niyang comedy bar hosts para sa The Library, including Vice Ganda.


"Oo, isa 'yan sa pinakamatigas ang ulo. Siya 'yung madalas nasu-suspend. Eh, hate na hate ko kasi 'yung… huwag mong mumurahin ang customer. Huwag below the belt," kuwento ni Mamu sa aming eksklusibong panayam ni Ateng Janiz Navida sa #CelebrityBTS Bulgaran Na kahapon, Saturday.


Dagdag pa niya, "Eh, siya, lumalagpas lagi roon, eh, nake-carried away. Pagkatapos ng set, pagkakuha ng suweldo, memo! May kasamang memo. Hahaha!"


Maski raw siya ay nao-offend sa jokes ni Vice sa comedy bar niya noon.


"Personally, nao-offend ako. Inilalagay ko ang sarili ko ru'n sa lagay ng audience. Hindi ko kaya, hehe! Kaya ang tawag talaga sa kanya dati, hindi 'Meme,' 'Memo!' 'Memo Vice!' Hahaha!

"Bago maging Meme Vice, Memo Vice muna siya. Siya ang may pinakamaraming memo noon," pagbabalik-tanaw ni Mamu.


Pero nagtagal din daw si Vice sa The Library. Ka-batch niya sa Thursday group sina Teri Onor, Wally Bayola, Anton Diva at Pooh.


Si Mamu na rin daw ang nagsabi kay Vice na tumigil na sa pagse-set sa kanyang comedy bar nu'ng mapasama na ito sa It's Showtime.


"Even si Allan K noon, pinatigil ko na. 'Ayoko, Mamu. Gusto ko at least once a week,' sabi ni Allan sa akin. 'Papayagan kita twice a month lang.' Sabi ni Allan, 'Ano'ng reason mo?' 'Kasi, nasa TV ka. Nagmumukha kang mura kapag nakikita ka rito linggu-linggo. Para 'yang stardom and popularity mo, maintain.'"


Ganito rin daw ang sinabi niya kay Vice. Although, inamin ni Mamu na dumating din si Vice sa puntong inayawan na talaga nitong mag-perform sa comedy bar.


"Dumating din siya sa ganyan. Kasi siyempre, siya ang pinakasikat sa kanila. Wala ka namang magagawa, eh. Awatin mo lang. Kasi ako, naaawat ko siya, eh. 'Awat lang, Bakla, awat.'"


Awat sa pag-a-attitude ang tinutukoy ni Mamu kay Vice.


"Awat sa attitude. Bawas nang konti. Nagkaroon ng attitude. Kahit sino naman kasi stardom 'yan, eh, popularity 'yan, eh. Nasisilaw ka. Feeling mo, untouchable ka."

Na-realize rin naman daw ni Vice 'yun na nagkaka-attitude na siya.


"Naramdaman niya 'yun nu'ng time ng AlDub Nation. Doon niya naramdaman na, 'Ay, 'di pala ako forever dito.'"


Nakaramdam daw si Vice ng insecurity nu'ng time na 'yun.


"Oo, naramdaman niya 'yun na 'Puwede pala akong mawala anytime.' Kasi palagi kong itinuturo sa kanila 'yan, eh. Sinasabi ko 'yan sa kanila na okey lang na hawakan niya ang popularity, pero puwede ring mawala. 'Pag dumating ang time na 'yan, dapat ready din kayo."

Anything that goes up must come down, ayon pa kay Mamu.


"Wala namang forever, nasa itaas. So, dapat, kung gaano ka-gradual umangat, ganu'n din gradually ka bumaba. Huwag 'yung palagapak. Ibig sabihin, kapag palagapak ka bumagsak, may mali ka. Masyado kang nagpakamataas."


Hanggang ngayon ay maganda ang samahan nila. Bagama't walang natanggap na any expensive material gift si Mamu kay Vice, nagbibigay naman daw ang TV host ng pampa-raffle sa party ng The Library.


Hoping naman si Mamu na matuloy ang dream project niya na magkasama-sama sa isang big concert sina Vice, Allan K, Jose Manalo, Wally Bayola at Ai Ai at maging ang next generation ng mga stand-up comedians na aabot daw sa 100.


Nabanggit na raw niya ito kay Pops Fernandez at willing ang singer na mag-produce ng tinawag ni Mamu na The Biggest Comedy Show on Earth na gaganapin sa The Big Dome. Nagkaroon lang ng pandemic kaya hindi pa nila maituloy ngayon.


Nasabi na rin daw ni Mamu kina Allan at Ai Ai ang tungkol sa big show na ito at sagot daw ni Allan K. sa kanya, "Laban ako."


Maging ang Comedy Concert Queen ay game rin daw. Si Vice na lang ang hindi pa nasasabihan pero si Pops na raw ang bahalang kumausap sa It's Showtime host.


Feeling ni Mamu, papayag naman daw si Vice.


"Oo, papayag 'yun. Hindi naman sila magka-clash, eh. Nandiyan 'yung mga flag bearers (sina Ai Ai, Allan at Vice), pero nand'yan na 'yung mga Negi, Chad Kinis, Philip Lazaro, John Lapus, lahat ng komedyante. May mga drag queens din."


Kapag nagkataon, this is the first time na mapapanood sa isang stage sina Vice at Allan na alam nating magkatapat ang noontime show. Although, nagkasama na rin ang dalawa sa maliliit na shows sa The Library at Music Museum noon.


Sigurado si Mamu na walang tensiyong mabubuo once malaman na ni Vice ang kanyang dream concept.


"Lahat naman sila, galing sa live entertainment, eh. Magugustuhan nila ang script. Kapag inilatag mo naman 'yung script at saka 'yung concept, magugustuhan naman nila 'yan," say pa niya.


Wala ring nakikitang problema si Mamu sa talent fee nila.


"Kasi, gagawin nila ito dahil gusto nilang gawin," paniniyak pa ni Mamu Andrew de Real.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page