top of page
Search

ni Julie Bonifacio @Winner | August 15, 2025



Photo: Sofronio Vasquez - IG



Mainit pa rin ang usapan tungkol sa Super Divas (SD) concert nina Regine Velasquez at Vice Ganda — isang matagumpay na gabi sa Araneta Coliseum na sinabayan ng kontrobersiya matapos kumalat ang tsismis na ipinamigay lang umano ang ilang VIP tickets.

Sey ng mga netizens:


“Ganu’n din kay Vice, ipinamigay na nga lang daw kahit VIP, hindi kasi ata priority ng mga Pinoy.”


“Ang mahal po kasi.”


‘Yan ang nakita naming comments sa Facebook (FB) account ng isang blogger na nagko-cover ng mga concerts dito. 


Sa thread ng post ng naturang FB page nu’ng blogger ay nabanggit din ang lagay ng mga concert ng mga local artists.


Ipinost nu’ng blogger sa kanyang FB page ang picture ng seats para sa venue ng nalalapit na concert ng kauna-unahang Pinoy na nanalo sa The Voice (TV) sa USA na si Sofronio Vasquez with Jed Madela atbp.. Halos marami pang seats (tickets) ang hindi pa naibebenta.


Caption nu’ng blogger, “Bumili naman kayo ng tickets ng #BravoManila happening August 23 sa Solaire featuring Sofronio Vasquez, Jed Madela, Lyka Estrella, Carmeland Collado, and Bituin Escalante.”


Sa true lang, halos sunud-sunod ang malalaking concert events lately. At marami pa ang naka-schedule na malalaking concerts ng Pinoy singers mula ngayon hanggang end of the year.


Comment ng iba pang netizens sa FB post ng blogger:

“SOFRONIO? NO THANKS, HAHAHAHA!”


“Mas sinusuportahan pa kasi ng mga Gen Z ‘yung mga Korean, laging sold out.”

“Mahal po ang ticket, ‘di po namin kayang bilhin.”


“Maloka ka sa ticket ng concert ni Lani Misalucha, halos doble price.”

Reply nu’ng blogger, “Don’t compare. Lani is a bigger artist, and guess what? Her ticket sales aren’t moving either.”

Sabeee?




PATAY na rin ang karakter ng isa sa mga kinaiinisang kontrabida sa hit action-series ng ABS-CBN, ang FPJ’s Batang Quiapo (BQ), na si Edwin na mahusay na ginampanan ng aktor na si Ping Medina.


Bilang pagpupugay, ibinahagi ng CCM Film Production ang isang reel na nagtatampok kay Ping na nagbabalik-tanaw sa kanyang paglalakbay sa serye.


Nagpakita rin ito ng isang sulyap sa kanyang huling taping day kung saan nakatanggap siya ng espesyal na sorpresa mula sa mga kasamahan niyang artista sa Batang Quiapo (BQ).


Para kay Ping, ang BQ ang unang palabas na nalungkot siya sa pagkawala ng kanyang karakter sa serye.


Lagi raw niyang tatandaan ang “brotherhood” na binuo niya kasama ang kanyang mga co-actors sa loob ng halos 3 taon sa BQ.


“Ang tagal na pala namin na parang magkakapatid na kami sa set, lalo na ‘yung mga Tondo boys,” sabi ni Ping.


Ang BQ daw ang nagturo sa kanya kung paano talagang tingnan ang kaluluwa ng isang tao lalo na ang mga nakatira sa Quiapo.


“Ang pinakanatutunan ko sa Batang Quiapo ay hindi puti o itim ang buhay ng tao, may grey area ‘yan. Mas nakilala ko ang mga tao ng Quiapo at mas na-appreciate ko sila,” pahayag ni Ping.


Tulad ng maraming manonood, pinangalanan niya si Roda bilang isa sa mga paboritong niyang panooring karakter dahil sa mga witty adlibs ni Direk Joel Lamangan.


At the same time, malapit sa kanyang puso ang mga karakter na sina Marsing, na ginampanan ng kanyang ama na si Pen Medina, at Nita, na ginagampanan ng beteranang aktres na si Susan Africa.


Binanggit din niya kung gaano siya nag-enjoy kaeksena si Ronwaldo Martin na gumaganap naman bilang si Santino.


“Nag-umpisa s’ya na medyo alangan s’ya tapos pagtagal, pagaling nang pagaling at paganda nang paganda ang performance n’ya.


“Minsan nasa eksena lang ako, tapos biglang napapansin ko, pinapanood ko na lang si Santino. Ang galing n’ya,” bulalas ni Ping.


One memorable scene para sa kanya ang confrontation nila ni Lovi Poe as Mokang.


“Noong nasampal ako, nagulat talaga ako,” kuwento niya.

S’yempre, todo-pasalamat si Ping sa lead actor, director, and producer ng BQ na si Coco Martin.


Mensahe niya kay Coco, “Utang na loob ko sa ‘yo na binigyan mo ako ng ganitong role. Nagtiwala ka sa akin bilang Edwin. First time na may nagtiwala sa akin na mag-comedy, na mag-action at kontrabida.


“Sobrang nag-enjoy talaga ako. Nabago ang buhay ko ng role ko as Edwin. Marami akong utang na loob sa ‘yo, Direk. Alam mo na ‘yan kaya maraming-maraming salamat, Direk Coco, I love you.”


Huwag palampasin ang kahit isang episode ng FPJ’s Batang Quiapo gabi-gabi, 8 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), A2Z, TV5, at iWant.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page