top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 12, 2022



Kasunod ng pamamayagpag sa bilangan ng mga boto nitong 2022 National Elections, at sa nalalapit na proklamasyon bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas, naglabas ng pahayag ang White House na nakausap na ni U.S. President Joe Biden si presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kahapon ng Mayo 11, 2022.


Ayon sa pahayag, “President Joseph R. Biden, Jr. spoke today with President-elect Ferdinand Marcos, Jr. of the Philippines to congratulate him on his election. President Biden underscored that he looks forward to working with the President-elect to continue strengthening the U.S.-Philippine Alliance, while expanding bilateral cooperation on a wide range of issues, including the fight against COVID-19, addressing the climate crisis, promoting broad-based economic growth, and respect for human rights.”


Nakasaad sa naturang White House release, kasabay ng pagbati ni Biden sa nalalapit na pagkahalal ni Marcos Jr. bilang bagong pangulo ng bansa ay nakahanda na ang Estados Unidos na patuloy pang pagtibayin ang alyansa at pakikipag-ugnayan nito sa Pilipinas ukol sa mga maraming usapin kabilang ang pagsugpo sa COVID-19, krisis sa klima, malawakang pagsusulong ng pagyabong ng ekonomiya at ang pagkilala sa karapatang-pantao.


Nauna rito, naging usap-usapan sa social media ng ilang mga supporters nina Robredo at Pangilinan ang umano’y hindi magandang relasyon ni Marcos sa U.S. kaya hindi anila ito makatatapak sa bansa.


Gayundin, pinangangambahan ng mga ito na ang paghahalal kay BBM bilang bagong presidente ay posible umanong magdulot ng pagkawala ng mga business process outsourcing (BPO) companies sa Pilipinas na lubos na makaaapekto sa milyong call center agents sa bansa.


Gayunman, kasabay ng mga espekulasyong hihina umano ang ekonomiya ng bansa kapag naging pangulo si Marcos Jr., patuloy ding napapabalita ang mga pagbati sa kanya ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa.


 
 

ni Zel Fernandez | May 12, 2022



Naitala umano nitong Mayo 9, 2022 National and Local Elections ang pinakamapayapang halalan sa buong kasaysayan ng lalawigan ng Sulu.


"We are happy and proud to say that the election in Sulu is successful, with zero election-related violent incidents. In all areas we were deployed, the election went on smoothly as scheduled and planned. The presence of the security forces provided confidence to our people to vote and prevented those who have planned to conduct atrocities. This is remarkably the most peaceful election in the history of Sulu," pahayag ni Joint Task Force (JTF) Sulu ar 11th Infantry “Alakdan” Division Commander, Maj. Gen. Ignatius Patrimonio.


Ani Maj. Gen. Patrimonio, zero election-related incident ang naitala sa Sulu nitong nagdaang halalan at naging “smooth” at “on schedule” ang sitwasyon sa lahat ng panig ng lalawigan sa tulong ng mga naka-deploy na tropa ng militar.


Dagdag pa ng heneral, "Malaki na ang ‘pinagbago ng security landscape ng Sulu. Although, there were three (3) minor incidents, our troops and police counterparts were able to respond immediately and stabilize the situation in those areas. Mga minor na alitan lang at suntukan ang nangyari. So, generally, the election in Sulu is very peaceful and orderly."


Maliban aniya sa tatlong maliit na insidente ng suntukan na agad ding nirespondehan at naresolba ng militar at pulis, nanatili umanong kalmado ang kalagayan sa mga lugar na ito.


Tinatayang aabot umano sa kabuuang 2,976 na sundalo kabilang ang 168 officers, at 125 reserve troops ang idineploy ng JTF Sulu upang mag-election duty sa lalawigan nitong Mayo 9.


"Let us continue to work together and march in unison towards our collective vision of bringing lasting peace and stability in the province of Sulu," saad pa ni Patrimonio.


Samantala, pinasalamatan din ni Patrimonio ang lahat ng mga tauhan ng JTF Sulu at mga partner stakeholders sa pagsusumikap makamit ang mapayapa at matagumpay na eleksiyon sa Sulu ngayong taon.


 
 

ni Zel Fernandez | May 12, 2022



Kasunod ng nakalipas na eleksiyon noong Mayo 9, ipinahayag ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Brigadier General Roderick Augustus Alba na wala umanong naitalang insidente ng karahasan laban sa mga media personnel.


Paglalahad ni Brig. Gen. Alba, Chief ng Media Security Vanguards na itinatag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), mahalaga umanong matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga mamahayag lalo na sa panahon ng halalan, bilang tugon sa pagtataguyod ng Press Freedom sa Pilipinas.


Kinabibilangan ng mga Public Information Officer ng PNP sa regional, provincial, at local level ang Media Security Vanguards na direktang tumutugon sa mga security concerns ng mga mamamahayag sa bansa.


Samantala, pinasalamatan naman ni PTFoMS Executive Director, Undersecretary Joel Sy Egco ang PNP sa malaking ambag ng kanilang hanay upang maisakatuparan ang mapayapang pagsasagawa ng eleksiyon, kaakibat ng tungkuling pangalagaan at siguruhing ligtas ang mga mamamahayag.


Dagdag pa ni Egco, ito aniya ang patunay ng pagsisikap ng gobyerno na makalikha ng ligtas na kapaligiran para sa mga mamamahayag upang magampanan nang matiwasay ang kanilang adhikaing makapagbalita sa publiko ng mga kaganapan sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page