top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 7, 2022



Kasabay ng eleksiyon ay ang nalalapit na ring pagbubukas ng panibagong taong pampaaralan sa mga eskuwelahan sa bansa kaya panawagan ng Kabataan party-list, gawin na umanong 100 porsiyento ang ligtas na pagbubukas ng klase ngayong school year 2022-2023.


Kaugnay ng plano ng Department of Education (DepEd) na dagdagan pa ang mga lalahok na eskuwelahan at year levels sa gaganaping sa face-to-face (F2F) classes sa pagsisimula ng pasukan, isinusulong ng party-list na maisagawa na ito sa lahat ng paaralan sa bansa.


Paliwanag ng Kabataan Party-list, halos lahat ng siyudad at munisipalidad ay nasa ilalim na umano ng Alert Level 1 at mahigit kalahati na ng kabuuang bilang nito ang mayroong limitadong face-to-face classes.


Gayundin, umaasa ang party-list na maisasakatuparan na anila ang regular mass testing sa lahat ng mga school personnel; maging ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa mga pasilidad, kagamitan at iba pang logistics na kakailanganin sa ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa mga paaralan.


 
 

ni Zel Fernandez | May 6, 2022



Tatlong araw bago ang eleksiyon sa Mayo 9, ipinabatid ng Commission on Elections (Comelec) na maglalagay ito ng mga special polling precincts para sa mga indigenous peoples o katutubong botante.


Saad ni Commissioner George Garcia, magtatalaga rin umano ang Comelec ng mga tauhan na nakaaalam ng kultura, salita o diyalekto ng mga katutubo sa layuning maging maayos ang kanilang pagboto ngayong halalan 2022.


Batay sa datos, naitala na katumbas umano ng 10% hanggang 20% ng populasyon ng Pilipinas ang mga indigenous peoples o IPs.


Gayundin, mayroon umanong nakalaan na emergency polling precincts sa unang palapag ng mga lugar na pagbobotohan na inilaan para sa mga senior citizens, persons with disability (PWDs) at mga buntis na botante.


 
 

ni Zel Fernandez | May 6, 2022



Martes nang gabi nang mag-trending sa social media ang #KakampINC kasunod ng opisyal na anunsiyo ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC) na suportado nito ang tambalang BongBong Marcos at Sara Duterte ngayong 2022 elections.


Taliwas sa naging pasya ng pinuno ng INC, umalingawngaw sa social media ang panawagang #KakampINC bilang pagpapahayag ng ilang mga miyembro ng INC na ang kanilang suporta ay para sa tambalan nina VP Leni Robredo at vice-president aspirant Kiko Pangilinan.


Bagaman karamihan umano sa mga miyembro ng INC ay sadyang maka-BBM-Sara, sa kabila ng naging pasya ng kanilang lider ay umalma pa rin ang ilan pang kaanib sa kilalang 'bloc voting' ng Iglesia dahil sila ay mga Leni-Kiko supporters.


Bukod sa pagiging trending ng #KakampINC, dalawa pa umanong grupo ang nabuo sa social media tulad ng “Mga titiwalag for Leni” at “2.6 million minus one” bilang pagpapahayag ng pagkadismaya sa desisyon ng INC, na tinatayang mayroon umanong 2.6 milyong kasapi.


Gayundin, maging sa Twitter ay nag-ingay ang ilang aktibong kaanib ng INC at nagpahiwatig na anuman ang mangyari sa kanilang pagiging miyembro ng Iglesia ay pipiliin pa rin anilang ibotong pangulo si Leni at si Kiko bilang bise-presidente ngayong nalalapit na eleksiyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page