top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 26, 2023


Social media— araw man o gabi, ito na ang puntahan ng lahat ngayon, lalo na ng mga kabataang Pilipino. Kaya puwede nating pakinabangan ang mga social media platform para maabot ang mga bata para sa pagpapatuloy ng kanilang edukasyon, lalo na sa gitna ng mga krisis tulad ng COVID-19 pandemic.


Napapanahon ito at nagsisilbing malaking tulong para sa mga mag-aaral at guro, lalo na’t sinisikap ngayon ng ating pamahalaan na gawing mas matatag at makabago ang sektor ng edukasyon.


Maraming aral ang mapupulot mula sa naging karanasan natin noong kasagsagan ng pandemya.


Halimbawa na rito ang karanasan sa Lungsod ng Valenzuela na kung tawagin ay “Valenzuela Live” kung saan gumamit sila ng Facebook at YouTube para sa pag-aaral at pagtuturo. Mayroon ding Facebook groups bilang alternative learning management systems para sa “Nanay-Teacher Program.” Bukod dito, nagpamahagi rin ng 23,500 na tablets ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela upang matulungan ang mga nangangailangang mag-aaral sa lungsod.


Siyempre, kung gagamitin ang social media sa kanilang pag-aaral, dapat kaakibat nito ang maayos na imprastruktura sa internet.


Ayon sa 2020 COVID-19 Low Income Household Panel and Economic (HOPE) Survey ng World Bank Philippines, 60 porsyento sa 25 porsyento na pinakamahihirap na households ay walang access sa internet. Lumabas din sa survey na 98 porsyento ng mga mag-aaral sa naturang mga kabahayan ay piniling gumamit ng self-learning modules bilang kanilang pangunahing paraan ng pag-aaral noong kasagsagan ng pandemya.


Ayon sa Digital Report 2022 tungkol sa Pilipinas, lumalabas na may 92.05 milyong social media users sa Pilipinas sa pagsisimula ng 2022, katumbas ang 82.4 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa. Ayon sa datos ng Meta, may 83.85 milyong gumagamit ng Facebook sa bansa sa simula 2022. Sa mga gumagamit ng Facebook, 42 porsyento ang nasa edad na 13-24 at bahagi ng itinuturing na student age group.


Kaya para matuldukan na ang digital divide sa ating bansa, inihain ng inyong lingkod ang mga panukalang-batas tulad ng Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383) at ng One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474).


Kalahati ng ating populasyon na may edad 13 hanggang 24 ay nasa Facebook. Kung nasaan sila, dapat ay nandun din tayo at ang buong sektor ng edukasyon nang sa gayun ay masuportahan natin ang kanilang kinabukasan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 19, 2023


ISANG honest to goodness o tapat na assessment—‘yan ang kailangan para sa ating sektor ng edukasyon ngayon.


Nakatakdang ilabas ng Department of Education (DepEd) ang Basic Education Report (BER) 2023 sa katapusan ng buwan. Dito ibabahagi ng DepEd ang mga update sa isinasagawang review sa K to 12 curriculum.


Importante na masinsinang mapag-usapan ang mga hamong kinahaharap ng basic education at tiyakin ang mga hakbang upang matugunan ang krisis na nararanasan dahil sa matagal na pagkawala ng face-to-face classes dulot ng COVID-19 pandemic.


Ito ang mandato ng bagong tatag na Second Congressional Commission on Education o EDCOM II, na nagsimulang umarangkada ngayong buwan, kung saan ang inyong lingkod ay co-chairperson. Tatalakayin dito ang krisis sa sektor ng edukasyon at gagawa ng mga panukala para sa mga kinakailangang reporma, tulad ng pag-angat sa competitiveness ng mga Pilipino. Sa kabuuan, mandato ng EDCOM II na repasuhin ang performance ng sektor ng edukasyon.


Bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19 ay maraming pagsubok na kinaharap ang ating mga paaralan. Matatandaang nakakuha tayo ng mababang marka sa mga international large-scale assessments pagdating sa basic competencies.


Halimbawa, sa 2018 Programme for International Student Assessment o PISA, Pilipinas ang nakakuha ng pinakamababang marka pagdating sa Reading sa halos walumpung bansang nakilahok. Pilipinas din ang nakakuha ng pangalawang pinakamababang marka pagdating sa Mathematics at Science.


Tinataya rin ng World Bank na pagdating sa learning loss o pag-urong ng kaalaman, maaaring bumaba ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) ng mahigit isa hanggang halos dalawang (1.4 hanggang 1.7) taon. Ang dating 7.5 na taong katumbas ng pag-aaral ay maaaring bumaba sa 5.7 hanggang 6.1 taon na lamang. Ibig sabihin, ang kalidad ng pag-aaral para sa labing-dalawang taon ng basic education ay magiging katumbas na lamang ng 5.7 hanggang 6.1 taon.


Ayon din sa World Bank, pumalo na sa 90.9 porsyento ang learning poverty sa bansa. Ito ang porsyento ng mga batang sampung taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kuwento.


Sa gitna ng mga pagsubok, patuloy nating isusulong ang mga kinakailangang reporma upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa at matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya. 'Yan ang isa sa ating mga tinututukan bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 17, 2023


Wala tayong ibang hangad ngayon kundi ang kaunlaran ng kabataang Pilipino at ng buong bansa.


Isa sa mga paraan para makamit natin ito ay sa pamamagitan ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 na layong magpatupad ng mga catch-up programs na tutugon sa learning loss. Kaya naman kasabay nito, isinusulong din ng inyong lingkod ang mga panukalang batas upang mapaigting ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.


Isa sa mga panukalang ito ang Senate Bill No. 1604 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act. Layon nitong magpatupad ng pambansang learning intervention program upang tugunan ang learning loss. Magiging bahagi ng naturang programa ang mga organisadong tutorial sessions, maayos na intervention plans at learning resources at masusing pagsusuri sa mga mag-aaral.


Saklaw ng ARAL Program ang essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grades 1 hanggang 10, at Science para sa Grades 3 hanggang 10. Binibigyang-prayoridad sa ating panukala ang reading at literacy para sa mga mag-aaral sa Kindergarten. Nakatutok din ang ARAL program sa pagpapatatag ng literacy at numeracy.


Nakalulungkot na bago pa man tumama ang pandemya ay hirap na talaga ang mga mag-aaral sa bansa. Nasundan pa ito ng kawalan ng face-to-face classes dahil sa pandemya, kaya lalong naapektuhan ang performance ng mga mag-aaral.


Tinataya ng World Bank na umabot na sa 91 porsyento ang learning poverty sa Pilipinas. Ang learning poverty ay ang porsyento ng mga batang 10 taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kuwento.


Ang layon din ng PDP 2023-2028 ay palawigin ang access sa Alternative Learning System (ALS) sa pamamagitan ng dagdag na community learning centers sa mga munisipalidad at lungsod. Naaayon ito sa Republic Act No. 11510 o ang Alternative Learning System Act na isinulong natin noong 18th Congress.


Patuloy din nating isinusulong ang pagpapataas ng enrollment sa ALS dahil batay sa datos ng DepEd noong Marso 14, 2022, may 472,869 ALS learners na enrolled noong SY 2021-2022. Ito ay mas mababa ng 38 porsyento kung ihahambing sa naitalang datos bago sumiklab ang pandemya.


Sa ating pamumuno ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating isusulong ang mga programang tutugon sa mga naging pinsala ng pandemya sa sektor ng edukasyon, lalung-lalo na sa mag-aaral na matagal nang hindi nakabalik sa kanilang silid-aralan.


Titiyakin natin ang suporta sa mag-aaral upang makamit nila ang sapat na kaalaman at kakayahan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page