top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 9, 2023


Alam niyo ba na wala pang kalahati sa mga Pilipino ang pabor sa paggamit ng lokal na wika para sa pagtuturo sa mga estudyante?


‘Yan ang naging resulta ng isang survey na ating kinomisyon kamakailan. Sa nasabing survey, tinanong ang 1,200 respondents kung ano’ng wika o mga wika ang dapat gamiting primary language of instruction sa pagtuturo sa mga Grade 1 hanggang Grade 3 students. Ang sabi sa survey, 38 porsyento lamang ang pumili sa lokal na wika na ginagamit sa isang rehiyon o mother tongue, 88 porsyento sa mga kalahok ang pabor sa paggamit ng Filipino, habang 71 porsyento ang pabor sa paggamit ng Ingles.


Hindi bababa sa kalahati ng mga kalahok sa Visayas (50 porsyento) at Mindanao (53 porsyento) ang pabor sa paggamit ng lokal na wika para sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3 habang 18 porsyento lamang ng mga kalahok mula National Capital Region (NCR) at 33 porsyento mula sa Luzon ang pabor sa paggamit ng lokal na wika.


Pagdating naman sa socioeconomic class, hindi rin umabot sa kalahati ng mga respondents mula Class ABC (41 porsyento), D (36 porsyento), at E (48 porsyento) ang pabor sa paggamit ng lokal na wika sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3.


Base sa nakikita natin sa kakayahan ng mga paaralan at sa sentimyento ng ating mga kababayan, kinakailangang pag-aralan kung ano ang mga susunod na hakbang natin sa paggamit ng mother tongue. Kung ipagpapatuloy man natin ang polisiyang ito, kailangan nating tugunan ang mga hamong kinakaharap.


Nang magsagawa ng pagdinig hinggil sa Mother Tongue-Bases Multilingual Education o MTB-MLE noong nakaraang taon, nabanggit na 72,872 lamang sa target na 305,099 educators ang dumaan sa pagsasanay. Kabilang dito ang mga supervisor, school heads, at mga guro mula Kindergarten hanggang Grade 3.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, tuloy-tuloy nating tinututukan ang isyu sa paggamit ng Mother Tongue-Based Multilingual Education o MTB-MLE na mandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law. Kung matatandaan, inihain natin noong nakaraang taon ang Proposed Senate Resolution No. 5 para suriin ang pagpapatupad ng K to 12 Law.


Sa ilalim ng batas, gagamit ng lokal na wika sa pagtuturo at assessment ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3. May mandato rin dito ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng mother language transition program mula Grade 4 hanggang Grade 6. Pagtungtong sa high school, Filipino at English na ang gagamiting wika sa pagtuturo.


Maganda ang layunin ng mother tongue education upang maturuan ang mga bata sa wikang kanilang naiintindihan. Kaya naman sa pagreporma natin sa sistema ng edukasyon, kailangang resolbahin natin ang mga isyu sa wika ng pagtuturo.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 7, 2023



Kakulangan ng mga classroom. ‘Yan ang pangunahing isyu na dapat agad tutukan ng Department of Education (DepEd), batay sa resulta ng isang survey na kinomisyon ng inyong lingkod.


Base sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa noong Setyembre 17 hanggang 21, 2022, 52 porsyento ng mga kalahok ang nagsabing ang kakulangan sa classroom o silid-aralan ang isyung dapat unang tutukan ng DepEd.


Halos anim sa sampung kalahok sa Luzon (56 porsyento) at Mindanao (57 porsyento) ang naniniwalang dapat unahin ng DepEd ang kakulangan sa classroom. Ito rin ang paniwala sa National Capital Region (NCR) at Visayas kung saan parehong 44 porsyento ng mga kalahok ang nagsabing kakulangan sa classroom ang pangunahing isyu na dapat tutukan ng DepEd.


Kakulangan din sa classroom ang dapat iprayoridad ng DepEd, ayon sa mahigit kalahati ng mga kalahok mula sa class A, B, C (52 porsyento) at D (54 porsyento). Halos kalahati naman ng mga kalahok mula sa Class E (49 porsyento) ang sumasang-ayon dito.


Kailangang tiyakin ng ating pamahalaan na mapupunan nito ang kakulangan sa mga classroom.


Lumalabas na kulang ng 167,901 na silid-aralan ang bansa ayon sa 2019 National School Building Inventory (NSBI). Sa pagtalakay sa 2023 national budget, P420 bilyon ang kinakailangan ng bansa para mapunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.


Lumabas din sa isinagawang survey na mahigit 40 porsyento ng mga kalahok ang nagsasabing dapat bigyan ng prayoridad ang kakulangan ng mga aklat at computers (49 porsyento), pati na rin ng mga guro (45 porsyento). Lumalabas naman na 33 porsyento lamang ang naniniwalang dapat munang tutukan ng DepEd ang kalidad ng edukasyon, at 24 porsyento naman ang tumukoy sa kakulangan ng textbooks.


Lumitaw din sa isinagawang survey ang iba pang mga isyu tulad ng drug testing para sa mga mag-aaral, mababang sahod para sa mga guro, wika sa pagtuturo, mga pagkakamali sa textbook, at kakayahan ng mga guro.


Bagama’t prayoridad para sa karamihan ng ating mga kababayan ang sapat na mga classrooms, titiyakin natin na tutugunan din natin ang ibang mga kakulangang kinakaharap natin, lalo na pagdating sa kalidad ng edukasyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 2, 2023


Zero illiteracy. Ito ang gusto nating makamit, lalo na’t maraming mag-aaral sa bansa ang hindi marunong magbasa. Malaki ang magagawa ng mga lokal na pamahalaan para masolusyunan ang suliraning ito.


Nakakadismaya ang mga ulat kaugnay sa mababang literacy rate sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Sa nagdaang education summit sa Baguio City, iniulat na apat lamang sa 10 mag-aaral sa lungsod mula Grade 4 hanggang Grade 7 na may edad na 9 hanggang 12 ang nakakapagbasa at nakakapagsulat ng Ingles. Batay ito sa naging resulta ng mga pre-tests at post-tests na ginawa noong 2021 hanggang 2022. Lumabas din sa mga test na ito na wala pa sa kalahati ng mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang 7 sa lungsod na may edad na 8 hanggang 9 ang marunong bumasa at sumulat sa Filipino.


Sa Cagayan naman, lumabas sa isang survey na naka-post sa website ng probinsya na 12.72 porsyento o 29,529 sa 231,667 na mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang hindi marunong bumasa. Lumabas din sa 2017-2018 Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA) na 49.52 porsyento lamang ang literacy rate sa probinsya.


Isinusulong ng inyong lingkod ang National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473) upang italaga ang mga Local School Boards (LSB) bilang de facto local literacy councils. Hangad ng nasabing panukala na patatagin ang Literacy Coordinating Council (LCC) na patuloy na mamumuno ng mga programa para maging literate ang bawat Pilipino o maging marunong na bumasa at sumulat.


Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa pinatatag na LCC na bumuo ng three-year road map para sugpuin ang illiteracy o kamangmangan sa mga komunidad.


Magiging tungkulin naman ng mga LSB ang pagpapatupad ng lokal na roadmap batay sa three-year roadmap ng council.


Sa gitna ng hindi magandang literacy rate sa Baguio at Cagayan, kinilala ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mahalagang papel ng mga komunidad upang tulungan ang mga batang nahihirapang bumasa at sumulat. Si Cagayan Governor Manuel Mamba naman ay naglabas ng Executive Order No. 1 na nagbibigay-direksyon sa ibang mga alkalde na suportahan ang mga plano ng Department of Education (DepEd) para sa learning recovery.


Sa pagsugpo natin ng illiteracy, mahalaga ang papel ng mga lokal na mga komunidad. Kaya naman palalawigin pa natin ang papel ng ating mga Local School Boards sa pagpapatupad ng mga programa upang masiguro na ang bawat bata ay matutong bumasa at umintindi ng kanilang binabasa.


Bilang Chairman ng Committee on Basic Education sa Senado, ito ang ipinaglalaban at tinututukan ng inyong lingkod.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page