top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 21, 2023



Pagdating sa child trafficking, mas maigting na pagsugpo ang ating pinananawagan, lalo na ang online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC.


Mahalagang matiyak ng pamahalaan ang epektibong pagpapatupad ng mga batas para mahuli ang mga child traffickers, kabilang dito ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 o Republic Act No. 11862 at ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act o Republic Act No. 11930.


Isa ang inyong lingkod sa mga may akda at co-sponsor ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 na pinalalakas ang kakayahan ng mga law enforcers na tugisin ang mga human traffickers online o offline. Sa ilalim ng naturang batas, mananagot ang mga internet intermediaries kabilang ang social media networks at financial intermediaries kung hahayaan nilang magamit ang kanilang mga platforms para sa trafficking.


Isa rin tayo sa mga co-author ng Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act na pinalalakas naman ang kakayahan ng mga law enforcers para sa imbestigasyon ng mga kaso ng OSAEC. Sa ilalim ng batas, may dagdag na responsibilidad sa mga social media platforms, kabilang ang electronic service providers at financial intermediaries na harangin ang mga CSAEM materials at makiisa sa mga law enforcers.


Base sa ulat na pinamagatang Disrupting Harm in the Philippines: Evidence on Online Child Sexual Abuse and Exploitation, 20 porsyento ng mga kabataang edad 12 hanggang 17 taong gulang ang naging biktima ng matinding online sexual abuse and exploitation noong 2021. Kung itutugma ito sa kasalukuyang populasyon, lumalabas na aabot sa 2 milyong bata ang dumanas ng ganitong mga uri ng pang-aabuso. May 950 na kalahok sa naturang pag-aaral.


Sa 2022 Trafficking in Persons Report ng United States State Department, napanatili ng Philippines ang Tier 1 status nito. Nangangahulugan ito na napanatili ng Pilipinas ang mga minimum standards para sa pagsugpo ng child trafficking.


Sa kabila nito, tinukoy ng ulat ang mga nananatiling hamon kabilang ang pangangailangan sa dagdag na personnel at training para sa pag-handle ng digital evidence. Niremokenda rin ng ulat ang dagdag-suporta sa mga programang nagbibigay kalinga sa mga biktima ng trafficking, kabilang ang OSAEC.


Tungkulin nating ipatupad ang mga batas upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kabataan mula sa iba’t ibang anyo ng trafficking. Tungkulin nating tulungan ang mga biktima na makabangon muli at magkaroon ng pag-asa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 16, 2023



Mariing isinusulong ng inyong lingkod ngayon ang isang komprehensibong programang para sa mental health sa mga paaralan upang masiguro natin ang kapakanan ng mga mag-aaral.


Nakakaalarma ang hindi pantay-pantay na pagpapatupad sa paaralan ng mga programa sa mental health. Nangangamba rin tayo sa bilang ng mga nagtatangkang magpakamatay na dulot ng iba’t ibang mental health disorders.


Base sa datos ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2021, 404 mag-aaral ang nagpakamatay, habang 2,147 naman ang nagtangkang magpakamatay. Nakasaad din sa datos mula sa DepEd na 16,557 lamang sa 60,157 na paaralan sa bansa ang mayroong guidance office, samantalang 21,837 lang ang nakapagsagawa ng mental health celebration at awareness program.


Nakakabahala rin na sa kabila ng mahalagang papel ng mga magulang sa pangangalaga ng kanilang mga anak, wala silang pormal na papel sa mental health programs ng DepEd.


Bukod pa rito, nagiging problema rin ang kakulangan ng personnel sa pagpapatupad ng mga mental health program sa mga paaralan. Upang matugunan ang pangangailangan sa isang guidance counselor kada 500 mag-aaral, kinakailangan ang 47,879 na mga registered guidance counselor sa buong bansa. Pero alam niyo ba na sa kasalukuyan, nasa 4,379 lang ang registered guidance counselors? Samantala, 3,286 lang sa kanila ang aktibo.


Ipinaglalaban din natin ang pagtaas ng sahod ng ating mga guidance counselor. Sa ilalim ng ating panukala, aakyat sa Salary Grade (SG) 16 (P39,672) mula SG 11 (P27,000) ang sahod ng Guidance Counselor I, SG 17 (P43,030) mula SG 12 (P29,165) sa Guidance Counselor II, at SG 18 (P46,725) mula SG 13 (P31,320) sa Guidance Counselor III.


Kasama rin sa ating mungkahi ang paglikha ng bagong posisyon kung saan tatawagin itong Guidance Associate na tutulong sa pagpapatupad ng Mental Health and Well-Being Program.


Inihain natin ang Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 379) para magtaguyod ng Mental Health and Well-Being Program. Bibigyan nito ang mga paaralan ng mga mental health services, emotional, developmental, at preventive programs, kasama na ang iba pang mga support services upang matiyak ang social at emotional well-being ng mga mag-aaral at pati na ang mga teaching at non-teaching personnel.


Sa ating obserbasyon, walang pagkakatugma at hindi holistic ang ating programa sa mental health. Kaya naman talagang kailangan natin itong gawing institutionalized at tiyakin na maipapatupad ito nang maayos at tuloy-tuloy.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 14, 2023



Inihain natin ang isang resolusyon na layong repasuhin ang estado ng edukasyon sa BARMM para matugunan ang mababang enrollment, iangat ang performance ng mga mag-aaral at palawigin pa ang access sa dekalidad na edukasyon sa rehiyon.


Sa loob ng maraming taon ng armadong tunggalian at kawalan ng kaayusan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), hindi maitangging lubusang naapektuhan ang kalidad ng edukasyon doon.


Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 455, susuriin ang lagay ng pagpapatupad ng Bangsamoro Education Code (BEC) of 2021 at mga probisyon ng Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (Republic Act No. 11054) na may kinalaman sa edukasyon. Nilagdaan ang BEC of 2021 alinsunod sa mandato ng BARMM organic law sa pagkakaroon ng batas upang patatagin ang Madaris school system.


Kapuna-puna ang mga hamon sa rehiyon, ang historical Net Enrollment Rate (NER), lalo na sa Junior High School (JHS) at Senior High School (SHS). Bagama’t umabot sa 97 porsyento ang NER sa buong bansa, 36 porsyento lamang ng mga kabataang 12 hanggang 15 taong gulang ang enrolled sa JHS, samantalang 10 porsyento naman ng mga kabataang 16 hanggang 17 taong gulang ang enrolled sa SHS.


Ayon sa Annual Poverty Indicators Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), kabilang sa mga pangunahing dahilan ng hindi pagpasok ang gastos sa edukasyon (21 porsyento), accessibility ng mga paaralan (17 porsyento), at kawalan ng personal na interes (16 porsyento).

Kapuna-puna nga rin ang pinakahuling datos ng Cohort Survival sa BARMM dahil sa bawat 100 bata na enrolled sa Grade 1 para sa School Year (SY) 2010-2011, 17 lamang ang nakatapos ng Grade 12 noong SY 2021-2022. Napakababa nito kung ihahambing sa 57 na mag-aaral na nakatapos ng Grade 12 noong SY 2021-2022 kada 100 mag-aaral sa Grade 1 noong SY 2010-2011.


Naaalarma rin tayo sa mga pinakahuling resulta ng pitong National Achievement Tests (NAT) sa rehiyon. Ayon sa mga resulta ng NAT, umabot sa near proficiency ang kakayahan ng mga mag-aaral sa Grade 6 pagdating sa English (52.4 porsyento) at Mathematics (52 porsyento), samantalang low proficiency naman ang naitala pagdating sa Science (46 porsyento).


Mahalaga na masuri natin ang mga hamong kinakaharap ng ating mga kababayan sa BARMM pagdating sa edukasyon. Nais nating tiyakin na pagdating sa dekalidad na edukasyon at mga oportunidad sa magandang kinabukasan, hindi maiiwan ang ating mga kababayan sa rehiyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page