top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 16, 2023



Sa pamamagitan ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II, rerepasuhin na ang mga hamong kinakaharap ng K to 12 curriculum, kabilang na ang pagpapatupad ng Mother-Tongue Based Multilingual Education (MTB-MLE) at ang spiral progression approach.


Mandato ng EDCOM II na gumawa ng National Assessment and Evaluation kabilang ang pagtiyak sa mga bagay na may kinalaman sa patuloy na pagbagsak ng performance ng mga estudyante sa ilang mga subject upang maabot ang mga target na local at international standards.

Kung matatandaan natin ang resulta sa mga large scale international assessment tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), lumalabas na nahuhuli ang mga Pilipinong estudyante kung ihahambing sa mga mag-aaral ng ibang bansa. Lumabas din sa nasabing assessment na hirap ang mga mag-aaral ng bansa na matutunan ang kanilang mga aralin. Sa 2018 PISA, Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading at pangalawang pinakamababang marka sa Science at Mathematics.

Sa kabila ng mga pag-aaral at rebisyon ng Department of Education (DepEd) sa K to 12 curriculum, nakasalalay pa rin sa magiging resulta ng pag-aaral ng EDCOM II ang batayan sa ating paglikha ng mga panukalang-batas para sa sektor ng edukasyon.

Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 9% lamang ng 16,287 paaralang sinurvey ang nakagawa ng apat na aktibidad para sa matagumpay na pagpapatupad ng MTB-MLE. Ang apat na ito ay ang pagsusulat ng mga libro sa wika, panitikan, at kultura; dokumentasyon ng ortograpiya ng wika; dokumentasyon ng balarila; at dokumentasyon ng diksyunaryo ng wika.

Upang masiguro naman ang kaalaman at kakayahan sa pagwawakas ng bawat antas, minandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ng K to 12 Law (Republic Act No. 10533) ang paggamit sa spiral progression approach kung saan nagsisimula ang pagtuturo sa mas simpleng paksa hanggang maging kumplikado habang paakyat sila sa bawat baitang.

Ngunit ayon sa isang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa Visayas State University noong 2020 tungkol sa pagpapatupad ng spiral progression approach, lumalabas na ilan sa mga puna ng guro sa ganitong paraan ng pagtuturo ang paulit-ulit na paksa sa iba’t ibang baitang, limitadong organisasyon ng mga paksa, kakulangan sa lalim sa iba’t ibang paksa ng agham atbp.

Bilang co-chairperson ng EDCOM II at chairman ng Senate Committee on Basic Education, susuriin natin ang mga isyung ito dahil nais nating matiyak na maging mahusay ang ating mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 14, 2023


Magandang balita! Aprubado na sa Senado ang isinusulong ng inyong lingkod na Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act o ang Senate Bill No. 1604. Nasasabik na tayong maisabatas ito sa lalong madaling panahon dahil tutulong itong matugunan ang learning loss na naidulot ng pandemya ng COVID-19.


Nag-umpisa ang ideya ng panukalang ARAL Program noong kasagsagan ng pandemya sa intensyong mapaigting ang learning recovery para sa mga batang apektado ng pandemya. Sa naturang programa, titiyakin na makakatanggap ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pag-aaral, matututunan nila ang essential learning competencies, at makakahabol sila sa kanilang mga aralin.


Saklaw ng panukalang programa ang essential learning competencies sa ilalim ng Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science mula Grade 3 hanggang Grade 10.


Bibigyang prayoridad ng programa ang numeracy at pagbabasa. Para sa mga mag-aaral ng kindergarten, tututukan ng ARAL Program ang mga dagdag-kakayahang magpapatatag ng kanilang numeracy at literacy competencies.


Bibigyang-prayoridad din ng ARAL program ang mag-aaral sa mga pampublikong paaralan na hindi nag-enroll simula School Year 2020-2021 at ang mga hindi nakaabot sa minimum proficiency na kinakailangan sa Language, Mathematics, at Science. Maaari ring maging bahagi ng programa ang mga mag-aaral mula sa mga pribadong paaralan.


Magsisilbing mga tutor sa ilalim ng ARAL Program ang mga guro at para-teachers.


Maaari ring magboluntaryo bilang tutor ang mga kuwalipikadong mag-aaral mula sa senior high school at kolehiyo. Para sa mga mag-aaral sa kolehiyo at senior high school na magsisilbing mga tutor, makakatanggap sila ng mga credits na katumbas ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program.


Ayon sa simulation analysis ng World Bank para sa Pilipinas, bababa mula 7.5 taon hanggang 5.7 o maging hanggang 6.1 taon ang Learning Adjusted Years of Schooling. Ibig sabihin, magiging katumbas na lamang ng 5.7 hanggang 6.1 taon ang kalidad ng 12 taon ng basic education sa Pilipinas sa pagwawakas ng pandemya.


Isang mahalagang hakbang ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ng ating panukalang ARAL Program upang makabangon ang sektor ng edukasyon mula. Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education ay sisiguraduhin nating makakahabol sa kanilang mga aralin ang mga kabataang mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 7, 2023


Sa kabila ng patuloy na hiling ng mga local government units na dagdagan ang suporta para sa pondo sa edukasyon, nakakabahalang mababa ang utilization o paggamit sa Special Education Fund (SEF).


Sa isang pagdinig na tumalakay sa ating panukalang 21st Century School Boards Act o ang Senate Bill No. 155 at iba pang mga kaugnay na panukalang-batas, sinasabi sa ulat ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) ng Department of Finance (DOF) na aabot sa P15 bilyon mula sa SEF ang hindi nagamit. Malaking tanong kung bakit malaking bahagi ng SEF ang hindi nagamit noong 2021.


Ang akala natin ay nasusulit at lubos na nagagamit ang SEF dahil tuwing nakakausap ng inyong lingkod ang mga lokal na pamahalaan, lumalabas na may malaking pangangailangan para sa dagdag na suporta sa edukasyon.


Iniulat ng BLGF sa isang pagdinig sa Senado na umabot lamang ang utilization rate ng SEF noong 2019 sa 66.7 porsyento. Para sa 2020, umabot naman sa 67.9 porsyento ang utilization rate ng SEF, habang 63.8 porsyento noong 2021. Kabilang sa mga dahilan ng mababang utilization rate ang mga isyu sa procurement at mga limitasyon sa maaaring paggamitan ng SEF.


Sa ilalim ng 21st Century School Boards Act, iminumungkahi rito na palawigin ang paggamit ng SEF upang maging saklaw ang sahod ng mga guro at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan, pagpapatakbo ng mga programa para sa Alternative Learning System (ALS), sahod ng mga pre-school teachers, capital outlay para sa pre-schools, maging ang honorarium at allowance para sa serbisyo ng mga guro at non-teaching staff sa labas ng regular na oras ng pagtatrabaho.


Batay sa Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160), nalilikom ang SEF mula sa isang porsyentong tax sa real property. Nakalaan ang SEF sa local school board para sa pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan at pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga school buildings.


Mahalagang maayos na ang suliranin na ito sa lalong madaling panahon. Kaya naman mariin nating hinihimok ang BLGF na tukuyin ang mga bagay kung saan nahihirapan ang mga LGU na gamitin ang SEF upang maging bahagi sila ng panukalang-batas.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page