top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 28, 2023



Habang patuloy ang paghahanda para sa 2023 barangay elections ngayong darating na Oktubre, isinusulong natin ang panukala na lumikha ng pambansang pederasyon para sa Sangguniang Kabataan (SK).


Layon ng Senate Bill No. 1058 na inihain natin noong nakaraang taon na amyendahan ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 (Republic Act No. 10742) upang lumikha ng Nasyonal na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan. Bubuuin ng pambansang pederasyong ito ng mga nahalal na pangulo ng Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan.


Sa ilalim ng Republic Act No. 10742, ang Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan ay binubuo ng mga convenor ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan na maaaring Pambayan o Panglungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan. Ang Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan ay binubuo ng SK chairpersons ng mga barangay sa isang munisipalidad, habang ang Panglungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan ay binubuo ng SK chairpersons ng mga barangay sa lungsod.


Nakasaad din sa ating panukalang-batas na ang nahalal na pangulo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan sa lahat ng antas ay magsisilbing ex-officio member ng Union of Local Authorities of the Philippines. Sa kasalukuyan, ang mga pangulo ng SK federation ay nagsisilbing ex-officio members lamang ng Sangguniang Bayan, Sangguniang Panglungsod, at Sangguniang Panlalawigan.


Nais nating kilalanin ang papel ng SK para paigtingin ang pakikilahok ng mga kabataan sa iba’t ibang antas ng lokal na pamahalaan, lalo na pagdating sa pagbabalangkas ng mga lokal na batas at pagpapatupad ng mga programa at proyekto. Pero sa ilalim ng Republic Act No. 10742, walang pambansang organisasyon ang nabuo para sa SK upang mapatatag ang papel nito sa pamamalakad ng bansa.


Bukod pa rito, isusulong din ng pambansang pederasyon ng SK ang mas epektibong networking at pagbuo ng consensus upang tugunan ang mga isyu sa pamamahala at pagpapatupad ng mga proyekto.


Isinusulong natin ang paglikha ng Nasyonal na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan upang lalo nating mapalakas ang pakikilahok ng ating mga kabataan sa pamamahala sa ating bansa. Kung mapapatatag natin ang ugnayan sa pagitan ng ating mga opisyal sa SK, mas mapapatatag natin ang kanilang kakayahang tugunan ang mga isyung kinakaharap ng ating mga kabataan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 23, 2023



Nakakaalarma at nakakalungkot isipin na kung sino pa ang dapat na binibigyan ng dobleng pag-aaruga dahil sa kanilang murang edad at kahinaan ay sila pa ang nakakaranas ng matinding pagdurusa.


Lumabas sa ulat ng HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines na noong Enero lamang ay nasa 86 na ang bilang ng mga kasong naitala sa hanay ng mga 19 taong gulang pababa. Sa mga kasong ito, 79 ang naitala sa mga kabataang may edad 10 hanggang 19, habang pito naman ang naitala sa mga batang 10 taong gulang.


Sa kabuuan, umabot sa 1,454 ang bilang ng mga bagong kaso ng HIV noong Enero. Sa 1,365 na mga kasong naiulat ay dahil sa pakikipagtalik, 998 o 70% ang mula sa mga lalaking nakipagtalik sa kapwa lalaki, 193 o 13% ang mga lalaking nakipagtalik sa mga babae, at 240 o 17% ang mga lalaking nakipagtalik sa parehong lalaki at babae.


Kaya naman nananawagan tayo sa Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd) na paigtingin pa ang kampanya para mapalawak ang kaalaman ng mga kabataang mag-aaral tungkol sa sakit na ito. Mahalaga na makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan para ikalat nang husto ang impormasyon tungkol sa sakit at kung paano maiiwasan ito.


Pinag-aralan din natin ang mga resulta ng Young Adult and Fertility Sexuality Survey (YAFSS).


Lumalabas na bumaba sa 78 porsyento noong 2021 ang bilang ng mga kabataan na may kaalaman sa HIV at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS). Ito na ang pinakamababang naitala mula 1994, kung saan umabot sa 95 ang porsyento ng mga kabataang may kinalaman sa HIV at AIDS.


Noong 2013 naman ay bumaba sa 85 ang porsyento ng mga kabataang may kaalaman sa HIV at AIDS.


Hudyat ang mga datos na ito na kailangan talagang tutukan ang pagpapalaganap ng wasto at sapat na kamalayan ng kabataan kaugnay sa HIV, lalo na’t maaaring magdulot ito ng pinsala sa kanilang kalusugan at kapakanan.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, magsasagawa tayo ng pagdinig sa mga kaso ng HIV sa mga kabataan, pati na rin sa maagang pagbubuntis.


Noong nakaraang taon, inihain natin ang Proposed Senate Resolution No. 13 upang repasuhin ang pagpapatupad ng Comprehensive Sexuality Education (CSE). Susuriin natin dito kung paano matuturuan ang ating mga kabataan na pangalagaan ang kanilang mga kalusugan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 21, 2023



Tulad ng ibang mga propesyonal, mahalaga ang technical skills ng mga civil engineer.


Pero lumalabas na kulang na kulang ang mga civil engineer sa bansa. Ayon sa estima ng mga eksperto, kailangan ng karagdagang 56,000 civil engineers sa 2026 o halos 14,000 bagong civil engineers taun-taon mula 2023 hanggang 2026. Lumalabas din na humigit-kumulang 2,486 BS Civil Engineering graduates ang umalis sa Pilipinas mula 2018 hanggang 2022.


Kaya kailangan nating dagdagan ang bilang ng mga mag-aaral sa ating human capital pool na handang pag-aralan nang husto ang civil engineering, makapasa sa board exams, at manatili sa ating bansa bilang civil engineers na tutulong sa bansang makapagpatayo ng kinakailangang mga imprastruktura.


Dahil d’yan, hinihikayat natin ang mas maraming mag-aaral na kumuha ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics o STEM strand sa senior high school.


Sa ngayon, kaunti lamang ang mag-aaral ng STEM sa senior high school, at mas kaunti ang pumapasa sa Civil Engineering Board Exam. Para sa School Year 2022-2023, nasa 23% lamang sa 2.8 milyong mga mag-aaral sa senior high school na na-survey ng Department of Education (DepEd) ang naka-enroll sa STEM strand. Lumalabas naman na 41% lamang ang average passing rate sa Civil Engineering Licensure Exam mula 2017 hanggang 2022. Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 170,000 na lisensyadong civil engineers sa bansa.


Malaki ang potensyal ng industriya ng construction sa bansa at sayang naman kung hindi mapunan ang laki ng demand sa workforce.


Tinataya ng private market research firm na GlobalData na umabot sa P3 trilyon ang halaga ng construction industry sa Pilipinas. Inaasahan din na aabot sa pitong porsyento ang annual growth rate ng industriya hanggang 2026, kung saan tinatayang aabot sa P4.20 trilyon ang market size nito.


Para mahikayat ang mas maraming mag-aaral na kumuha ng STEM strand sa senior high school, iminumungkahi ng inyong lingkod na isali ang mga mag-aaral sa senior high school sa mga scholarship programs na una nang inaalok ng Department of Science and Technology – Science Education Institute sa mga college students. Bukod pa rito, kinakailangan ding maging updated ang STEM curriculum para mahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa civil engineering.


Kung susumahin, isa ang industriya sa mga prayoridad ng pamahalaan dahil umabot sa P893.12 bilyon o 16.95% ng P5.27 trilyong national budget ang pondong nakalaan sa Department of Public Works and Highways (DPHW), ang pinakamalaking pondong inilaan para sa pagpapatayo at pagpapanatili ng mga imprastruktura mula 2019.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page