top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 13, 2023


Pagdating sa edukasyon ng ating mga kabataang mag-aaral na may kapansanan o learners with disabilities, dapat matiyak ng pamahalaan na epektibo ang pagpapatupad ng batas sa inclusive education para sa kanilang kapakanan—walang iba kundi ang Republic Act No. 11650 o ang Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.

Lumalabas sa 2022 Country Report on Human Rights Practices ng Pilipinas na inilabas ng United States State Department na hindi epektibong naipapatupad ang batas at nananatili ang maraming mga balakid sa mga mag-aaral na may kapansanan, kabilang ang mga hadlang sa imprastruktura na isa sa mga dahilan kung bakit hirap ang mga may kapansanan na makapag-aral. Bukod dito, pinuna rin ng mga stakeholders at education advocates na kahit mahigit isang taon na mula nang nilagdaan ang batas ay hindi pa lumalabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.

Nakasaad din sa ulat ng US Department of State na walang malinaw na sistema ang pamahalaan para ipalaganap sa mga magulang at mga batang may kapansanan ang kanilang mga karapatan sa edukasyon. Gayundin, wala umanong malinaw na proseso para sa pag-uulat ng diskriminasyon sa edukasyon.

Hindi natin puwedeng ipagsawalang-bahala ang IRR dahil ito ang magtatakda sa mga minimum services at conditions sa mga admission system at polisiya ng mga paaralan, kabilang ang probisyon ng mga assistive devices, mga pasilidad at imprastraktura para sa proseso ng admission, at iba pang mga anyo ng reasonable accommodation.

Para matiyak ang unti-unting pagsasakatuparan sa mga layunin ng RA 11650, nakasaad sa batas na kinakailangan ang pagbuo ng multi-year roadmap na gagabay sa pamahalaan at pribadong sektor. Nakasaad sa batas na dapat ilagay sa multi-year roadmap ang kasalukuyang polisiya, mga practices, mga kakulangan, at mga hamong kinakaharap sa edukasyon ng mga mag-aaral na may kapansanan. Mandato ng roadmap na magbalangkas ng mga detalyadong target at mga inaasahang resulta sa loob ng limang taon.

Sa kabila ng mga hadlang para makamit nang tuluyan ang mga layunin ng batas, may ilang mga hakbang naman na maaari nang gawin ang gobyerno. Nakalaan ang P160 milyon sa ilalim ng capital outlay ng Department of Education (DepEd) para sa pag-convert ng isang Special Education Center kada rehiyon upang maging modelong Inclusive Learning Resource Center o ILRC. Sa pamamagitan ng pondong ito sa ilalim ng 2023 national budget, unti-unti nitong palalawakin ang access sa mga programa para sa inclusive education.

Sa nasabing batas, iminamandato na makapagpatayo ng isang ILRC para sa learners with disabilities sa bawat lungsod at munisipalidad. Inaasahang ipapatupad ng mga ILRC ang mga programa para sa inclusive education at maghahatid ng mga libreng serbisyo para sa mga mag-aaral na may kapansanan. Kasama rito ang language and speech therapy, occupational therapy, physical at physiotherapy, probisyon ng mga kuwalipikadong sign language interpreters, at iba pa.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 11, 2023



Mahalagang masolusyunan ang hindi pagtugma sa pagitan ng mga kasanayan ng K to 12 graduates at ng mga demand ng labor market. Sa ilalim ng inihain nating panukalang-batas na Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022), target nitong lumikha ng National and Local Batang Magaling Councils’ upang mapaigting ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), local government units (LGUs), akademya, at mga katuwang sa industriya.


Sa pamamagitan ng National Council, titiyakin na tugma ang tracks at strands ng K to 12 Basic Education Curriculum sa pangangailangan ng labor market. Bubuuin ang National Council ng DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).


Bubuuin naman sa lebel ng probinsya, lungsod, at munisipalidad ang mga Local Council para masiguradong matatanggap ng mga K to 12 senior high school (SHS) graduates ang edukasyon, pagsasanay, at skills na kinakailangan ng pribadong sektor. Bubuuin ang Local Council ng provincial, city, o municipal local school boards, hindi bababa sa dalawang industry partners, isang kinatawan ng TESDA provincial office, at isang lokal na employee organization.


Para naman sa lebel ng munisipalidad, lungsod, at probinsya, bubuuin ang lokal na Batang Magaling Roadmap upang magbalangkas ng mga hakbang at layunin na mag-aangat sa competitiveness ng mga SHS graduates at ang kanilang kahandaang magtrabaho. Magiging bahagi ng lokal na roadmap ang mga skills na kailangan ng mga lokal na industry partners na itutugma naman sa kaalaman, kakayahan, at pagsasanay ng mga K to 12 SHS graduates.


Bukod pa rito, nakasaad din sa panukalang-batas na ibabatay sa Batang Magaling Roadmap ang mga Work Immersion Program (WIP) para sa mga mag-aaral ng senior high school. Upang maitugma ang WIP sa market demand, magiging mandato ng Council na magsagawa ng mga pag-aaral tungkol sa labor market demand kada tatlong taon.


Makikipag-ugnayan naman ang DepEd sa National at Local Council upang gumawa ng isang centralized nationwide database ng skills information. Magsisilbi itong one-stop shop sa lahat ng mga usaping may kinalaman sa pagkakaroon ng trabaho ng mga K to 12 SHS graduates.


Upang mahikayat naman ang mga industry partners na bigyan ng trabaho ang mga K to 12 graduates, iminumungkahi rin natin na pahintulutang isama bilang dagdag na item ng deduction mula sa kanilang taxable income ang kabuuang halaga ng training expenses para sa skills development ng mga graduates na natanggap sa trabaho.


Hindi biro ang mismatch na nararanasan ng ating K to 12 graduates. Kaya kapag naisabatas na ang Batang Magaling Act, matitiyak na natin ang kahandaan ng ating mga kabataan upang makapasok sila sa trabaho na naaayon sa kanilang galing at kasanayan.


Matitiyak din natin na katuwang natin ang pribadong sektor para mabigyan ng trabaho ang ating mga senior high school graduates, tulad ng layunin ng K to 12 program.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 4, 2023



Pagdating sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon, malaking hakbang ang paglikha ng National Education Council (NEDCO). Mahalaga ito upang mapaigting ang ugnayan ng mga polisiya sa pagitan ng tatlong ahensyang pang-edukasyon.


Sa ilalim ng ating inihaing Senate Bill No. 2017 o National Education Council Act, target nating magkaroon ng sistemang pangmalawakang koordinasyon at ugnayan, mas maayos na pagpaplano, pagmomonitor, pagrepaso, at pamamalakad sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Layon ng ating panukalang-batas na magkaroon ng national education agenda na ibabatay sa mga pambansang planong pangkaunlaran. Nakasaad dito ang strategic vision ng bansa pagdating sa edukasyon, mga layunin, estratehiya upang sa mas maayos na pagpapatupad ng mga programa, at mga rekomendasyon sa usapin ng pondo.


Kabilang sa mga magiging kapangyarihan ng NEDCO ang pagpapatupad ng mga hakbang upang magkaroon ng mataas na marka ang bansa sa mga local at international assessment gaya ng National Achievement Test, Programme for International Student Assessment, Education Index, Education for All Development Index, at iba pang mga sukatan para sa growth at development ng mag-aaral.


Sa ilalim ng panukalang-batas, ang Pangulo ang magiging chairperson ng NEDCO at magiging co-chairpersons naman ang DepEd secretary, CHED chairperson, at TESDA director-general.


Magiging miyembro rin ng NEDCO ang speaker ng Mababang Kapulungan, Pangulo ng Senado, at ilang mga miyembro ng Gabinete.


Bukod dito, nakasaad sa panukalang-batas na magkakaroon ng five-year horizon ang national education agenda na ia-assess ng NEDCO kada taon.


Sa ating muling pagbuhay ng panukalang paglikha sa NEDCO, matatandaan na nirekomenda na noon pang 1991 Congressional Commission on Education (EDCOM) ang paglikha ng isang coordinating body kasunod ng “trifocalization” sektor ng edukasyon – ang DepED, CHED, at TESDA.


Bagama’t naging mas tutok ang tatlong institusyon sa kani-kanilang sariling programa, pinuna naman ng Presidential Commission on Educational Reform (PCER), noong 1998, nagdulot ito ng mga posibleng overlaps, gaps, inconsistencies, at kawalan ng ugnayan sa mga polisiya, plano, at mga programa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page