top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 2, 2023


Hindi makatarungan ang polisiya ng pamahalaan pagdating sa pag-hire ng mga K to 12 senior high school graduates. Isang malaking pagkukulang ito ng gobyerno sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya na napilitang tustusan ang dagdag na dalawang taon sa high school.


Lumalabas kasi sa nakaraang pagdinig ng Senado na mismong gobyerno pa ang hindi nagbibigay sa kanila ng oportunidad, samantalang kasama sa pangako ng programang K to 12 ang mabilis na pagbibigay ng trabaho sa ating senior high school graduates.


Lumalabas na para sa mga ahensya ng pamahalaan at government corporations, walang pagkakaibang maituturing sa pagitan ng mga nagtapos ng senior high school at sa mga nakatapos ng sampung taon ng elementary at high school.


Sa madaling salita, ipinapakita ng polisiyang ito na para sa mga senior high school graduate na nais pumasok sa gobyerno, walang dagdag na benepisyo ang dagdag na dalawang taon sa high school.


Halimbawa, isa kang mag-aaral sa senior high school, pero ‘pag nag-apply ka sa gobyerno, kapantay ka lang ng nagtapos sa 10 taon ng basic education. Walang advantage para sa ‘yo, ‘ika nga. Kaya ang iisipin ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang, bakit nga naman sila mag-aaral ng dalawa pang taon kung wala naman itong pinagkaiba sa nagtapos sa ilalim ng dating sistema?


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education ay hinihimok ng inyong lingkod ang Civil Service Commission (CSC) na magsumite ng tiyak na timetable para matugunan ang mga isyung kinakaharap ng pamahalaan pagdating sa pagha-hire ng senior high school graduates. At upang mabigyan ng pagkakataon ang mga senior high school graduates, inaamyendahan na ng CSC ang Omnibus Rules on Appointments and Other HR Actions.


Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2018, hindi ikinokonsidera ang senior high school graduates sa education requirements ng first level positions sa civil service.


Patuloy pa nating iimbestigahan at pag-aaralan ito kasunod ng pagsulong natin sa ating panukalang-batas na Batang Magaling Act. Kung maisasabatas ang Batang Magaling Act, matitiyak ang kahandaan ng ating mga kabataan upang makapasok sila sa trabaho na batay sa kanilang galing at kasanayan. Matitiyak din natin na katuwang natin ang pribadong sektor upang mabigyan ng trabaho ang ating mga senior high school graduates.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 20, 2023


Base sa pag-aaral, suportado ng ating mga kababayan ang panukala na ibalik ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo. ‘Yan ang sentimyento, hindi lamang ng ating mga magulang kundi pati ng mga kabataan.


Maliban sa suportang galing sa iba’t ibang socioeconomic classes, suportado rin ng iba’t ibang age group ang pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo. Kasama rito ang mga estudyanteng nasa edad para pumasok sa kolehiyo.


Sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa noong Marso 15 hanggang 19, lumabas na 78% o halos walo sa 10 Pilipino ang sumusuporta sa pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo. Ayon sa survey, 75% ng mga kalahok ng survey na 18 hanggang 24 taong gulang ang sumasang-ayon sa pagbabalik ng ROTC sa kolehiyo.


Ayon pa rin sa survey, suportado ng nakararaming Pilipino na may iba’t ibang educational background ang panukala, kabilang ang mga nakapag-aral sa high school (74%), nakatapos ng high school (77%), mga nakapag-aral sa kolehiyo (79%), at mga nasa vocational education (83%).


Maliban sa paghahanda sa mga mag-aaral para sa pagtatanggol sa bansa, civil military operations, at law enforcement, layon ng Senate Bill No. 2034 o Reserve Officers’ Training Corps Act na paigtingin ang kakayahan ng mga mag-aaral na magbigay ng serbisyo sa panahon ng mga kalamidad at sakuna, kabilang ang disaster response operations, rescue and relief operations, at early recovery activities. Sa ilalim din ng ating panukalang-batas, kailangang kumuha ang mga undergraduate students ng Mandatory Basic ROTC sa loob ng apat na semester.


Sa mga pabor sa pagbabalik ng ROTC, naniniwala silang tuturuan nito ang mga kabataan ng disiplina at pagiging responsable (71%). Naniniwala rin silang tuturuan ng programa ang mga mag-aaral na ipagtanggol ang bansa (60%).


Hindi lang naman ang mga kabataan ang makikinabang sa ROTC. Malaking tulong din ito para sa buong bansa. Sa ilalim ng isinusulong nating programa, paiigtingin natin ang papel ng mga kabataan bilang mga lider at mga aktibong miyembro ng lipunan, lalo na sa mga panahong haharapin natin ang mga sakuna, kalamidad, at anumang emergency.


Tayo ang isa sa mga may akda at co-sponsor ng ROTC Act. Layon ng panukalang-batas na gawing institutionalized ang mandatory Basic ROTC Program sa Higher Education Institutions (HEIs) at Technical Vocational Institutions (TVIs) sa lahat ng mag-aaral na naka-enroll sa dalawang taong undergraduate degree, diploma, o certificate programs.


Naninindigan tayo na may safeguards ang panukalang-batas. Halimbawa nito ang pagkakaroon ng Grievance Board sa bawat ROTC unit na tatanggap sa mga reklamo at mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng pang-aabuso, karahasan, at korupsyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 18, 2023


Noong nakaraang buwan, naghain ang inyong lingkod ng bagong panukalang-batas na naglalayong mapalakas ang ugnayan sa pagitan ng basic education curriculum at early childhood education (ECEd).


Layong amyendahan ng Senate Bill No. 2029 ang Republic Act (RA) No. 10410 o Early Years Act of 2013 para matugunan ang mga hamong kinakaharap ng ECEd sa bansa.


Para matiyak na taglay ng mga papasok sa Kindergarten ang mga kinakailangang skills at essential learning competencies, isinusulong natin sa ating panukalang-batas ang ugnayan sa pagitan ng Early Childhood Care and Development (ECCD) at K to 12 Basic Education Curriculum.


Sa kasalukuyan, ang RA 10410 ang nagbibigay ng legal framework para sa ECCD, ngunit mayroon pa rin itong mga hamon. Kabilang dito ang hindi pantay-pantay na paghahatid ng ECCD services dahil sa decentralization ng ECCD system. Nakabatay din ito sa political will, financial at budget framework, at mga pondo o resources ng local government units (LGUs) ang kalidad ng ECCD services.


Kailangan nating paigtingin ang papel ng mga LGU at kasabay nito, dapat din natin silang suportahan sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin, lalo na ang mga nangangailangang munisipalidad.


Sa ilalim ng ating panukala, magiging tungkulin ng LGUs na tiyaking may sapat na pasilidad para sa ECCD programs. Kasama rin sa kanilang tungkulin na lumikom ng karagdagang pondo o resources para sa pagpapatupad ng ECCD programs. Mandato rin nila sa ilalim ng batas ang pagpapatayo o pag-convert sa mga kasalukuyang daycare centers na gawing child development centers (CDCs). Nakasaad din sa panukalang-batas na dapat magkaroon ng hindi bababa sa isang national CDC kada siyudad o munisipalidad.


Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), may 65,424 na CDC sa bansa batay sa pinakahuling datos na naitala noong Enero 31, 2023. Mayroon namang 1,260,707 na mga batang naka-enroll sa mga CDC noong School Year 2021-2022, katumbas lamang ng 11 porsyento ng tinatayang populasyon ng mga batang apat na taong gulang pababa.


Nakita naman natin ang mga naging resulta ng pag-aaral kung saan nakitang maganda ang epekto ng early childhood education at development sa performance ng mga mag-aaral. Lumalabas kasi na mas mataas ang marka sa Mathematics at Science ng mga mag-aaral na nakapagsagawa ng mga literacy at numeracy activities kasama ang kanilang mga magulang bago pumasok sa primary school.


Bukod pa rito, epektibong stratehiya ang ECEd para sa lahat upang magsulong ng paglago ng ekonomiya, lalo na’t tinutulungan nito ang mga batang nangangailangan habang nagtuturo ng mga kinakailangang skills para sa workforce ng bansa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page