top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 11, 2023


Matindi ang init ng panahon na nararanasan natin ngayon.


Kamakailan lang, itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kanilang warning status sa El Niño Alert mula El Niño Watch. Sa kanilang ulat, maaaring mangyari ang El Niño sa Hunyo, Hulyo, at Agosto at maaaring magpatuloy hanggang sa unang tatlong buwan ng 2024.


Kaya bilang inyong chairman ng Senate Committee on Basic Education, muling hinihimok ng inyong lingkod ang ating mga punong-guro at mga school head na magpatupad ng blended learning dulot ng napakainit na panahon.


Ang kapakanan at kalagayan ng ating mga estudyante ang pinakaimportanteng responsibilidad ng ating mga school officials. Kung nakikita nila na sobrang init o may bagyo o anumang hindi maganda sa kanilang lugar, puwedeng mag-cancel ng klase ang ating principals.


Iniulat kamakailan ng Department of Education (DepEd) na nagpapatupad na ang ilang mga paaralan ng blended learning sa gitna ng napakainit na panahon, kung saan isinasagawa ang face-to-face classes sa mga oras na may mas maginhawa at komportableng temperatura at sinasabayan din ng pagtuturo gamit ang alternative learning delivery modes.


Sa ilalim ng DepEd Order No. 037 s. 2022, kailangang ipatupad ang modular distance learning, performance tasks, projects, o make-up classes kasunod ng pagkansela o pagsuspinde ng mga klase. ‘Yan ay para matiyak na nagpapatuloy pa rin ang pagkatuto ng mga mag-aaral.


Ipinanukala ko na noon ang pagbabalik ng dating schedule ng summer vacation. Kung matatandaan ninyo, bago ang School Year 2020-2021 noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, ang bakasyon ay Abril hanggang Mayo.


Aminado man tayo na matatagalan pa bago bumalik sa dating schedule ng school calendar, hindi rin kaila ang mga benepisyo sa pagbabalik sa nakagawiang schedule ng bakasyon. Pagkakataon ito para sa ating mga mag-aaral na makasama ang kanilang mga pamilya tuwing tag-init kung saan madalas isinasagawa ang mga family outing.


Bukod dito, isinasagawa rin sa buwan ng Mayo ang eleksyon. Kung maibabalik sa dating schedule ng summer break, magiging mas maayos ang paghahanda para sa eleksyon dahil wala ang mga mag-aaral sa paaralan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 9, 2023


Libreng certification. Ito ang kailangan para mas mabilis na makakuha ng trabaho ang mga senior high school graduates na kumuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) track.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod na sagutin na ng gobyerno ang gastos para sa nasabing dokumento. ‘Dead end’ ang nangyayari ngayon sa mga senior high school graduates na kumuha ng TVL track.


Ang nangyayari kasi, sariling sikap ng ating mga graduates ang paghahanap ng testing center bago makatanggap ng National Certificate (NC) I o NC II na magbibigay sa kanila ng mas mataas na posibilidad na matanggap sa trabaho. Sa madaling salita, dagdag-gastos pa ito para sa mga TVL graduates at kanilang mga pamilya. Sa kasamaang-palad, marami sa hanay nila ang hindi nakakakuha ng trabaho dahil wala silang panggastos para sa nasabing certificate na umaabot sa P1,000.


Noong School Year 2019-2020, mayroong 486,278 graduates ng senior high school ang kumuha ng TVL track, habang 127,796 lamang ang kumuha ng national certification.


Kahit pumalo naman sa 124,970 o 97.8% ang passing rate sa mga kumuha ng national certification, katumbas lamang ng 25.7% ang certification rate sa kabuuan ng mga TVL graduates sa naturang school year.


Noong sumunod na school year, bumagsak din ang certification rate. Sa naitalang 473,911 TVL graduates, 32,965 lamang sa kanila ang kumuha ng national certification kung saan 31,993 o 97.1% ang pumasa. Para naman sa school year na ito, pumalo lang sa 6.8% ang certification rate.


Sa isinagawang pagdinig ng Batang Magaling Act o Senate Bill No. 2022, nais nating bigyang-diin dito na kaya namang sagutin ng pamahalaan ang gastos para mabigyan ng certification ang mga TVL graduates na wala pa nito. Lumabas sa isinagawa nating hearing na humigit-kumulang P358 milyon ang kinakailangan upang mabigyan ng certification ang mga TVL graduates ng SY 2020-2021 na wala pang certification. Kung titingnan natin, maliit na halaga lamang ito kung pagbabasehan ang P710 bilyon na pondo ng Department of Education (DepEd).


Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, mabibigyan natin ng pag-asa ang mga TVL graduates na makahanap agad ng trabaho.


Magagaling at matatalino ang ating mga graduates, ngunit hindi ito sapat kung hindi sila masusuportahan na makakuha agad ng trabaho. Bakit hindi natin ituring na magandang investment ang suhestyon ng inyong lingkod lalo na’t mataas naman ang passing rate?


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 4, 2023


Isa sa mga itinutulak ng inyong lingkod ngayon ay ang panukalang-batas na layong patatagin ang Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Program sa lahat ng mga private at public schools sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa Senate Bill No. 382 o Arabic Language and Islamic Values Education Act na inihain ng inyong lingkod, isinusulong dito ang pagpapatatag, pagrespeto at pagpapanatili sa

pagkakakilanlan, kultura at mga tradisyon ng mga Pilipinong Muslim. Hangad din ng nasabing panukala na siguraduhin ang kontribusyon ng mga Pilipinong Muslim sa mga adhikain ng bansa at kilalanin sila bilang mga katuwang sa pagpapatatag ng bansa.

Magiging saklaw ng ALIVE Program ang probisyon ng mga pasilidad, school furniture, equipment, angkop na textbooks at instructional materials, at technical at financial educational assistance sa mga accredited o recognized private madaris ng Department of Education (DepEd).


Ang madaris ay privately-operated at community-based na mga paaralan na nakatutok sa Arabic literacy at Islamic studies.

Bahagi rin ng ALIVE Program ang training o capacity-building ng mga asaditz, kabilang ang mga trainers, supervisors, at mga administrator. Batay sa tradisyon at kasaysayan, ang mga asatidz ay mga guro sa karamihan ng mga Muslim Filipino communities.

Sa ilalim din ng panukala, maaaring mag-aral ng Arabic Language o Islamic Values Education ang parehong Muslim at non-Muslim na mga mag-aaral.

Kapag naisabatas ang Arabic Language at Islamic Values Education Act, inaasahang makakatanggap ang mga mag-aaral na Muslim ng dekalidad na edukasyon na angkop sa kanilang kultura at paniniwala. Bahagi rin ito ng ating pagkilala sa mahalagang papel ng mga mag-aaral na Muslim sa pag-unlad ng ating bansa.

Bukod pa rito, kabilang sa ating panukala ang mga pampublikong paaralan at mga pribadong madaris sa labas ng BARMM, gayundin ang mga mag-aaral sa Alternative Learning System (ALS).

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating palalaganapin ang adhikaing mapagbuklod-buklod ang bawat isa tungo sa tunay na kaunlaran ng ating Muslim community at ng buong bansa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page