top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 30, 2023


Habang nakatakda ang Department of Education (DepEd) na repasuhin ang pagpapatupad ng senior high school (SHS) program, nais naman nating bigyang-diin ang pangangailangan na tutukan ang kahandaan ng mga graduates sa trabaho o kolehiyo.


Nakakabahala dahil kahit isang dekada na ang lumipas simula nang isabatas ang Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o K to 12 Law, bigo ang programa na tuparin ang pangako nitong ihanda ang mga graduates sa trabaho o sa kolehiyo.


Ang mga graduate ng Technical-Vocational-Track (TVL) strand, halimbawa, ay hindi nakatanggap ng certification matapos ang kanilang graduation na magbibigay sana sa kanila ng mas mataas na tsansang makapasok sa trabaho.


Kapansin-pansin na 6.8% lang ang certification rate sa 473,911 TVL graduates para sa School Year 2020-2021. Sa kabilang banda, sa 32,965 na kumuha ng national certification para sa school year na 'yun, 31,993 o 97.1% ang pumasa.


Dahil maituturing na sagabal para sa mga senior high school graduates ang gastos sa pagkuha ng National Certificate (NC) I o II, iminumungkahi ng inyong lingkod na sagutin na lang ng gobyerno ang certification ng mga senior high school graduates.


Bukod pa rito, kailangan ng ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para matiyak ang mas maayos na transition ng mga senior high school graduates.


Ayon sa isang tracer study ng DepEd, kabilang sa mga isyung kinakaharap ng mga senior high school graduates na nagpatuloy sa kolehiyo ang hirap ng mga subjects at hindi pag-credit sa mga ito. Bagama’t nagpapatupad ang ibang pamantasan ng bridging programs, nagiging dagdag na gastos ito para sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya. Isa pa, hindi lahat ng pamantasan at kolehiyo ay nagpapatupad ng bridging program.


Kaya naman para matugunan ang mga hamon na ito sa senior high school program, inihain natin ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022) na layong patatagin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 25, 2023


Kailangang mas bigyang prayoridad ang kalusugang pangkaisipan o mental health ng mga kabataan, lalo na’t nakita natin ang epekto ng pandemya ng COVID-19 sa kanila.


Nakakaalarma na binabalewala lang ng marami ang usaping ito. Kaya naman mariing hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na paigtingin ang mga hakbang para masugpo ang ‘pandemic of mental health.’


Noong 2019, nakatanggap ang National Center for Mental Health (NCMH) ng 3,125 tawag na may kaugnayan sa problema sa mental health, kung saan 712 rito ang may kinalaman sa suicide at 2,413 ang may kinalaman sa iba pang usapin ng mental health.


Sa parehong taon, nakapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 2,810 kaso ng pagpapakamatay.


Noong nagsimula ang COVID-19 pandemic noong 2020, mahigit triple o 11,017 ang bilang ng mga tawag na natanggap ng NCMH. Umakyat ng apat na beses o 2,841 ang mga tawag na may kinalaman sa suicide mula 712 noong 2019. Umabot naman sa 8,176 ang mga tawag na may kinalaman sa iba pang isyu ng mental health, samantalang may naitalang 4,420 na nagpakamatay.


Noong 2021, muling umakyat sa 14,897 ang mga tawag sa NCMH, kung saan 5,167 dito ang may kinalaman sa pagpapakamatay at 9,730 naman ang iba pang mga tawag na may kinalaman sa mental health.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act. Ito ay upang matiyak na may sapat na access ang mga kabataang mag-aaral sa school-based mental health services sa mga ipapatayong Care Center, katuwang ang mga Mental Health Specialists at Associates.


Hindi biro ang mga isyu sa mental health. Ang payo natin sa lahat, palagi nating kumustahin ang mga anak, kapatid, pamangkin, o apo. Ipaabot natin ang angkop na tulong para sa kanilang kondisyon at iparamdam natin na may karamay sila at hindi sila nag-iisa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 16, 2023


Pagdating sa usaping gastusin at pananalapi, mahalaga na edukado rin dito ang mga kabataan para matiyak ang kanilang seguridad at kapakanan sa hinaharap.


Noong nakaraang taon, naghain ang inyong lingkod ng panukalang-batas na Senate Bill No. 479 o Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act, na layong turuan ng financial literacy ang mga mag-aaral sa elementarya, high school, kolehiyo at mga nasa technical-vocational institutions.


Nakakabahala kasi ang resulta ng 2021 Financial Inclusion Survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ipinapakita ng survey na kahit mas maraming Pilipino ang maaaring magkaroon ng financial account at mamuhunan, mas kaunti ang mga Pilipino na may savings at insurance noong 2021. Sa katunayan, ang mga Pilipinong nasa hustong gulang na may savings ay bumaba sa 37% noong 2021 mula 53% noong 2019, habang ‘yung mga nasa hustong gulang na may insurance ay bumaba rin sa 17% noong 2021 mula 23%noong 2019.


Sa pagiging financial literate, makakagawa ang mga mag-aaral ng mabuting desisyon habang bata pa para maging maayos ang kanilang finances hanggang sa hinaharap. Kailangan lang natin silang gabayan.


Lumalabas sa survey ng BSP na ang kakulangan sa financial literacy ang pumipigil sa marami nating kababayan na makapagdesisyon nang maayos para sa kanilang kinabukasan at maprotektahan ang kanilang sarili, dumating man ang sakuna o anumang pangangailangan.


Kaugnay ng BSP survey, naghain ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 569 upang magbalangkas ang Kongreso ng mga patakaran para sa mga repormang tutulong sa mga Pilipino na magkaroon ng tamang kaalaman at desisyon sa paghawak ng pera kabilang ang pag-iimpok, insurance, pamumuhunan, at paghahanda para sa pagreretiro.


Dahil sa limitadong kita, maraming Pilipino ang naaantala o nauubos pa rin ang ipon, at pumapatol sa kung anu-anong klase ng pangungutang na hindi nababayaran tulad ng sari-saring investment scam na malimit na inaalok ng mga kumpanyang hindi regulated ng gobyerno na kadalasang may mataas na interes.


Anuman ang edad, dapat ay financial literate. Samahan ninyo akong isulong ito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page