top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 13, 2023



Mahalaga ang papel at pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon at growth and development ng kanilang mga anak. Kaya sa ilalim ng bagong batas na ating iniakda, itatatag ng Republic Act No. 11908 o ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act ang naturang programa para tulungan ang mga magulang at parent-substitutes na paigtingin ang kanilang kaalaman at kakayahan upang mas magampanan nila ang kanilang mga tungkulin pagdating sa edukasyon ng mga bata lalo na sa gitna ng mga hamong dulot ng inobasyon, social media, at pagbabago sa mga values.


Itinatatag ng naturang batas ang Parent Effectiveness Service (PES) Program upang linangin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagtupad ng kanilang tungkulin, pagprotekta sa karapatan ng mga bata, at pagsulong sa positive early childhood development. Layon din nitong tulungan ang mga batang matuto nang husto.


Naging inspirasyon ng batas ang Nanay-Teacher Program ng lungsod ng Valenzuela. Ang programa ay ipinatupad sa tulong ng Synergeia Foundation at nagsimula bilang bahagi ng adbokasiya ng inyong lingkod sa edukasyon noong tayo ay alkalde pa lamang.


Ipatutupad ang PES Program sa bawat lungsod at munisipalidad sa pamamagitan ng kanilang social welfare and development offices at government units. Dito ay bibigyang prayoridad ang mga solo parents at mga parent-substitutes ng mga batang nangangailangan ng tulong, kabilang ang mga children-at-risk, children in conflict with the law, at maging ang mga batang nakaranas ng karahasan.


Kasama naman sa mga module ng programa ang mga paksa tulad ng hamon sa mga magulang, proteksyon ng mga kabataan mula sa pang-aabuso, paglinang sa magandang pag-uugali, kalusugan at nutrisyon, pagpapanatili ng maayos na physical environment, proteksyon ng mga bata sa panahon ng mga sakuna, at pagtaguyod sa kapakanan ng mga batang nagbibinata at nagdadalaga.


Ang mga magulang ang ating unang guro at nananatiling mahalaga ang kanilang tungkulin sa edukasyon ng mga kabataan. Kaya naman bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education ay tutulungan natin sila na maging epektibo sa kanilang ginagampanang papel.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 08, 2023



Nagkaroon ng konsultasyon ang inyong lingkod sa mga guro mula sa Pangasinan, Davao, Cebu at Metro Manila hinggil sa mother tongue.

Aminado tayong malaking hamon ang pagpapatupad ng polisiya sa mother tongue sa gitna ng napakaraming mga wika sa bansa.

Kaya naman hinihimok natin ang Department of Education o DepEd na pakinggan ang mga guro, supervisor, superintendent, at punong-guro sa pagrepaso sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).

Base sa ating obserbasyon, may ilang mga guro na hindi bihasa sa paggamit ng mother tongue ang napipilitang gamitin ito sa pagtuturo. Base rin sa mga ulat ng mga guro, nahihirapan ang kanilang mga Grade 4 students sa pag-aaral ng Math at Science gamit ang Ingles. Sa nagdaang apat na taon, pinag-aralan nila ang Math at Science gamit naman ang mother tongue.

Mahigit sa 200 ang wikang naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Census of Population noong 2020. Sa mga paaralan naman na multilingual ang kanilang setting, maaaring diskriminasyon ang maidulot ng MTB-MLE policy sa kanilang mga estudyante na gumagamit ng wika na hindi pareho sa lokal na wikang ginagamit sa pagtuturo.

Sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), tinukoy dito na ginagamit ng mga paaralan ang mga lokal na wika na maaaring hindi pareho sa ginagamit ng mga mag-aaral sa bahay. Pinuna rin ng nasabing pag-aaral ang kaisipang isa lamang ang unang wika o first language ng mga mag-aaral, kahit na gumagamit ang mga mag-aaral ng maraming unang wika.

Ayon pa sa PIDS, wala pang 10 porsyento sa mga 16,827 na lumahok sa kanilang pag-aaral ang nakapagsagawa ng apat na gawaing kailangan para sa epektibong pagpapatupad ng MTB-MLE. Ang mga ito ay ang pagsusulat ng mga aklat sa wika, panitikan at kultura; dokumentasyon ng ortograpiya ng wika; dokumentasyon ng balarila; at dokumentasyon ng diksyunaryo ng wika.

Ipinatupad na natin ang MTB-MLE mula pa noong 2013, kaya napapanahon na para magsagawa tayo ng pagsusuri kung epektibo nga ito o hindi, at kung paano nito naaapektuhan ang pagkatuto ng ating mga kabataan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 1, 2023


Kasunod ng pagbubukas ng early registration sa mga pampublikong paaralan, muli nating isinusulong ang paglikha ng National Public School Database para sa mas madaling proseso ng enrollment.


Sa ilalim ng ating panukalang-batas na Public School Database Act (Senate Bill No. 478), lilikha ang Department of Education (DepEd) ng National Public School Database na paglalagyan ng impormasyon ng mga mag-aaral. Kabilang dito ang mga school grades, personal na datos, good moral record, improvement tracking, atbp.


Magiging bahagi rin ng National Public School Database ang mga exam score, attendance, at immunization record para sa biographical data ng mga mag-aaral.


Kabilang din dito ang pagproseso ng admission at discharge at paglipat sa ibang mga paaralan. Magkakaroon din ang mga school administrator ng access sa mga datos para magkaroon sila ng napapanahon, akma, at wastong impormasyon na gagabay sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin.


Kasama rin sa minamandato ng panukala ang DepEd na bumuo at magpatupad ng Database Information Program, kung saan sasailalim sa training ang mga education professionals sa paglikha at pagpapatakbo ng National Public School Database, pati na rin sa paggamit ng impormasyong nakasaad dito.


Kapag naisabatas, malaking pakinabang ito, lalo na’t madaling masira ang mga pisikal na dokumento dahil sa kawalan ng maayos na lalagyan, lalo na kung nagkaroon ng pagbaha, sunog, at iba pang mga sakuna. Kaya naman, kung mailalagay natin sa isang database ang mga datos at impormasyon ng mga mag-aaral, matitiyak ng mga guro at mga school head na madaling mahahagilap ang mahahalagang dokumentong ito.


Bukod dito, mas padadaliin din ng national public school database ang pagmonitor sa pag-usad ng mga mag-aaral sa kanilang edukasyon.


Base sa karanasan natin noong kasagsagan ng pandemya, nakita natin ang napakahalagang papel ng teknolohiya, hindi lamang para sa pag-aaral at pagtuturo kundi pati na rin sa pamamalakad ng ating mga eskuwelahan. Kaya naman bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod ang adhikaing ito para sa kapakanan ng mga kabataan at para matulungan ang ating mga guro at school heads.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page