top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 22, 2023


Isang karangalang matanggap ng inyong lingkod ang honorary Doctor of Laws mula sa Bulacan State University (BulSU) kamakailan. Nakalulugod ang pagkilalang ito sa mga adbokasiya sa edukasyon na ating isinulong at patuloy na isinusulong, kabilang na rito ang ating pagpasa ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o mas kilala bilang free higher education law.


Upang masiguro na magpapatuloy ang edukasyon para sa mga estudyanteng naka-enroll sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs), patuloy nating itinutulak ang pagkakaroon ng sapat na pondo para sa maayos na pagpapatupad ng nasabing batas.


Noong nagdaang taon, iniulat ng Commission on Higher Education (CHED) na 1.97 milyong mag-aaral mula sa 220 higher education institutions ang hindi na kinailangang magbayad ng tuition and miscellaneous fees mula School Year (SY) 2018-2019 hanggang SY 2021-2022.


Iniulat din ng CHED na sa naturang mga school year, nasa 364,000 ang nakinabang sa Tulong Dunong Program ng pamahalaan at sa Tertiary Education Subsidy (TES) — isang uri ng tulong pinansyal para sa mga pangangailangang pang-edukasyon, kasama na ang mga aklat, transportasyon, board and lodging, allowances para sa mga disability-related expenses, at iba pa.


Malugod rin nating tinanggap nitong nagdaang Pebrero lang ang honorary degree na Doctor of Education, honoris causa, mula sa Philippine Normal University (PNU). Ito naman ay isang pagkilala sa pagtaguyod natin sa mga batas na tulad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), GMRC and Values Education Act (Republic Act No. 11476), at Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act (Republic Act No. 11650).


Kung inyong matatandaan, noong kongresista pa lang tayo ay inihain na ng inyong lingkod ang Free Higher Education Act (House Bill No. 5905). Ito ang unang panukalang batas na nagsulong ng libreng kolehiyo sa mga SUCs. Nang mahalal ang inyong lingkod bilang senador noong 2016, muli nating inihain ang ating panukala na naging ganap na batas noong Agosto 2017.


Taos-puso ang aking pasasalamat sa lahat ng bumubuo ng BulSu para sa pagkilala ng ating mga adbokasiya upang gawing abot-kaya ang edukasyon para sa mga kabataan.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating titiyakin na makatatanggap ang mga kabataang Pilipino ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon upang matiyak ang kanilang magandang kinabukasan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 20, 2023



Ngayong buwan ay ipinagdiriwang natin ang pambansang Information and Communications Technology (ICT) Month. At bilang inyong chairman ng Senate Committee on Basic Education ay patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang digital transformation sa sektor ng edukasyon sa bansa.


Sa ating panukalang batas na Digital Transformation of Basic Education Act (Senate Bill No. 383), makikita natin na nakaayon ito sa Republic Act No. 10929 o Free Internet Access in Public Places Act.


Sa ilalim ng panukala, minamandato ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang paglalagay ng libreng pampublikong WiFi sa lahat ng mga pampublikong paaralan.


Nang tinalakay ang 2023 national budget noong nakaraang taon, nakakadismayang mapag-alaman na halos dalawang porsyento lang pala o 860 sa 47,421 na mga pampublikong paaralan sa bansa ang may free public WiFi batay sa naitalang datos ng Free Public WiFi Dashboard noong Setyembre 2, 2022.


Malaking pinsala rin talaga ang naidulot ng digital divide sa mga nangangailangang mag-aaral habang lumalaban ang lahat sa pandemya ng COVID-19.


Base sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2021, 40 porsyento lamang ng mga low-income households ang may access sa internet. Lumabas din sa naturang survey na 95.5 porsyento ng mga sambahayang ito ang gumagamit ng mga papel na modules at learning materials.


Kaya naman para mapabilis ang pagpapatayo ng pambansang imprastraktura para sa ICT, iminamandato rin ng ating panukalang batas sa National Telecommunications Commission (NTC) na tukuyin ang mga lokasyon para sa pagpapatayo ng mga telecommunications tower sites, kung saan bibigyang prayoridad ang mga lugar na hindi pa konektado sa internet.


Sa ilalim ng naturang panukala ay inaasahan ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na paigtingin ang kakayahan ng mga paaralan pagdating sa ICT at pagpapatupad ng distance learning. Upang gawing moderno ang tradisyunal na pagtuturo at pag-aaral at ihanda ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution, tutulungan ng Department of Science and Technology (DOST) ang DepEd at DICT sa paggamit ng agham, teknolohiya at innovation.


Matapos ang lahat ng mga pinagdaanan natin noong kasagsagan ng pandemya, malinaw na hindi na natin maaari pang ipagpaliban ang modernisasyon at digitalization sa sektor ng edukasyon upang walang mag-aaral ang mapag-iiwanan.


Patuloy nating isusulong ang mga panukalang batas na nagpapalaganap ng paggamit ng teknolohiya sa ating mga paaralan. Kabilang dito ang iba pang inihain nating mga panukalang batas na may kinalaman sa digitalization para sa sektor ng edukasyon tulad ng Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), Public School Database Act (Senate Bill No. 478) at One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474).



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 15, 2023



Para matulungan ang mga nahihirapang mag-aaral na makahabol sa kanilang mga aralin, mariin nating hinihikayat ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng mga epektibong intervention programs.


Mainam na paraan ito upang mahinto na ang mass promotion sa mga silid-aralan o ‘yung pagpasa ng mga mag-aaral sa kanilang mga aralin sa kabila ng kakulangan sa kanilang kakayahan at kaalaman.


Lumabas sa State of Education Report ng advocacy group na Philippine Business for Education (PBEd) na ang pananatili nitong kultura ng mass promotion ay nakakapinsala sa pagkatuto ng ating mga mag-aaral at sa kaunlaran ng bansa.


May mahigit-kumulang na 300 stakeholders, kasama na rito ang mga teachers at school leaders na lumahok sa nasabing pag-aaral, kung saan lumabas ang koneksyon sa pagitan ng performance ng mga mag-aaral, performance-based bonus ng mga guro, at ranking ng mga paaralan sa mga rehiyon.


Hindi kaila na kinakailangan talaga ng masusing assessment sa mga mag-aaral upang matukoy kung anong mga remediation at intervention ang maaaring makatulong sa mga bata lalo na’t nagdulot ng learning loss ang pandemya ng COVID-19.


Sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act o ang Senate Bill No. 1604, isinusulong ng inyong lingkod ang masusing assessment sa kakayahan ng mga mag-aaral bilang bahagi ng learning recovery. Nakasaad sa panukalang batas na bago simulan ang ARAL Program, kailangan munang magsagawa ng assessment para matukoy ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.


Hindi na natin dapat ipagpatuloy ang kultura na para lamang makatapos sila ng pag-aaral ay kailangan na silang ipasa, pero hindi naman sila natututo. Tatalakayin sa ating Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) kung paano wawakasan ang kultura ng mass promotion at maiangat ang performance ng mga kabataan.


Sama-sama nating tutukan at paangatin ang ating sektor ng edukasyon upang masiguro na walang kabataang Pilipino ang mapag-iiwanan.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page