top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 13, 2023

Habang naging matagumpay ang pagbabalik ng face-to-face classes pagkatapos ng tatlong taong pagsailalim sa online o blended learning dulot ng COVID-19 pandemic, patuloy pa rin ang krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon. Kaya naman hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na patuloy na bigyang prayoridad ang pagsulong ng mga repormang tutugon sa krisis sa sektor.


Bagama’t nananatiling may mga pagsubok, nakagagalak na ganap nang naipapatupad ang Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713). Sa Basic Education Report 2023, ibinahagi rin ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio na magsisimula na ang Teacher Education Council o TEC sa pagtupad ng mga mandato nito.


Ang naturang batas na iniakda at isinulong ng inyong lingkod noong 18th Congress ay naglalayong iangat ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng TEC.


Nakasaad din ang mandatong ito sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy tayong makikipag-ugnayan sa administrasyon sa pagtugon sa mga prayoridad nito, kasama na ang pagrepaso sa programa ng K to 12. Kasalukuyang pinamumunuan natin ang pagrepaso ng Senado sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533) sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 5.


Ang inaasahang resulta ng pagrepaso sa K to 12 curriculum ay upang iangat ang performance ng mga mag-aaral. Kung matatandaan natin, hindi naging maganda ang resulta ng mga large-scale assessment tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan ang Pilipinas ang nakakuha ng pinakamababang marka sa Reading at pangalawang pinakamababang marka sa Science at Mathematics sa 79 na bansa.


Dahil nagdulot ng learning loss ang kawalan ng face-to-face classes, mahalaga ang pagpapatupad natin ng epektibong programa para sa learning recovery. Mabuti’t inaprubahan na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang ARAL Program Act (Senate Bill No.1604) — ang inihain nating panukalang batas para maisulong ang learning recovery.


Mahalagang ipagpatuloy ng ating pamahalaan ang pagpapatupad ng mga reporma nang sa gayon ay maipaabot natin sa kabataang Pilipino ang dekalidad na edukasyon.


Kasama ang Senate Committee on Basic Education at ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa pag-abot natin nito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 11, 2023

Isinusulong ng Senate Basic Committee on Education na pinamumunuan ng inyong lingkod ang mas pinaigting na partisipasyon ng mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga programa para sa early childhood care and development (ECCD).


Nais nating bigyang diin dito na sa kabila ng mga benepisyo ng early childhood education program sa edukasyon ng mga kabataan, nakasalalay sa alokasyon ng pondo at political will ng isang LGU ang kalidad ng ECCD services. Dahil sa papel na kasalukuyang ginagampanan ng mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa sa ECCD, naninindigan tayo na dapat magkaroon ng mas mabigat na pananagutan ang mga LGU sa pagpapatatag ng kanilang kakayahan na tuparin ang mandato nila hinggil sa implementasyon ng naturang programa.


Batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), higit isang milyon o 1,260,707 ang mga batang naka-enroll sa mga child development center (CDC) para sa School Year 2021-2022. Mababa ang bilang na ito kung tutuusin. Ayon kasi sa pagtaya ng Philippine Statistics Authority (PSA), ngayong Hulyo ay umaabot na sa 11.1 milyon ang mga batang may edad na 0 hanggang apat, at 4.5 milyon sa kanila na may edad tatlo hanggang apat ay puwedeng maging bahagi ng ECCD System.


Kaya naman mariing hinihimok ng inyong lingkod ang ECCD Council na isumite sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mga panukala nitong reporma para maisaayos ang pamamalakad sa National ECCD System. Dahil kung hindi natin babaguhin ang istruktura at pamamalakad sa sistema, hindi natin maaabot ang universal coverage.


Noong Marso, inihain ng inyong lingkod ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029) na layong tumugon sa mga hamon ng pagpapatupad ng mga programa sa ECCD.


Iminumungkahi ng ating panukala ang pag-amyenda sa Early Years Act (EYA) of 2013 (Republic Act No. 10410) at iminamandato sa ECCD Council na tiyakin ang ugnayan sa pagitan ng K to 12 basic education curriculum at ng ECCD curriculum. Nakasaad din sa naturang panukala ang mas pinalawig na responsibilidad para sa mga LGU, sa pamamagitan ng local school board, sa pagpapatupad ng programa ng ECCD.


Kasama sa magiging responsibilidad ng mga LGU ang pagtiyak na magkakaroon ng sapat na pasilidad at mga resources para sa pagpapatupad ng mga programa sa ECCD.


Magiging mandato rin sa ECCD ang pagtiyak na makakamit ang universal coverage para sa national ECCD System sa pamamagitan ng pagtukoy at pagsuporta sa mga bata, mga magulang, at mga parent substitutes.


Bukod dito ay inaasahan ring maglalagay ang mga LGU ng mga plantilla positions para sa mga child development workers at child development teachers at isulong ang kanilang professional development.


Mahalaga na ating mapaigting ang papel ng mga LGU hinggil sa naturang programa at kasabay nito, dapat din natin silang suportahan sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 6, 2023

Nakakapangamba ang mga sakuna tulad na lang ng patuloy na pag-alburoto ng Bulkang Mayon.


Alam natin na sa panahon ng kalamidad, ginagamit ang mga paaralan bilang evacuation centers.


Noon pa man ay iginigiit na natin ang pagtatayo ng mga evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa nang sa gayon ay hindi maantala ang pagpapatuloy ng edukasyon.


Sa pinakahuling ulat, 18 na paaralan sa elementarya at high school at 290 na silid-aralan ang ginagamit sa buong Albay bilang pansamantalang silungan ng mahigit 20 libong evacuees.


Hanggang sa ngayon ay suspendido pa rin ang mga klase sa anim na munisipalidad sa probinsya.


Kahit nasa 80% na ng mga mag-aaral ang nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral gamit ang mga module, patuloy naman ang iba sa face-to-face classes na isinasagawa ng mga guro sa mga gymnasium o daycare center, pati na rin sa mga corridor o sa ilalim ng mga puno.


Matagal na nating isinusulong ang pagpapatayo ng mga evacuation center sa lahat ng mga lungsod at munisipalidad sa bansa. Sa ilalim ng Evacuation Center Act (Senate Bill No. 940) na inihain ng inyong lingkod, ipapatayo sa bawat siyudad at munisipalidad ang angkop na pasilidad sa mga indibidwal at pamilyang kailangang lumikas dahil sa mga sakuna at kalamidad.


Nakasaad sa ating panukala ang requirement na dapat kayanin ng mga evacuation center ang mga hanging may bilis na 320 kilometers per hour o 200 miles per hour at lindol na may lakas na 7.2 magnitude pataas.


Bukod dito, kailangan ding makipag-ugnayan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga alkalde upang tukuyin ang mga lugar na bibigyang prayoridad sa pagpapatayo ng mga evacuation center.


Para naman sa mga lugar na bibigyang prayoridad pero walang espasyong maaaring patayuan ng evacuation center, maaaring ayusin ng NDRRMC ang mga pasilidad sa paaralan o iba pang istrakturang ginagamit na bilang evacuation centers at gawin ang mga ito na mas matibay.


Sa Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821), minamandato na gamitin lamang ang mga classroom bilang evacuation center kung wala nang ibang pasilidad na maaaring magamit.


Nakakadismaya na ginagamit pa rin ang mga paaralan bilang evacuation center dahil nakakasagabal ito sa pag-aaral ng mga estudyante. Kaya naman para maiwasan na natin ang paggamit sa mga klasrum bilang evacuation center, napapanahon nang maipatayo sa bawat lungsod at munisipalidad ang angkop na pasilidad kung saan maaaring manatili ang mga biktima ng mga kalamidad.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page