top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 3, 2023

Ilang linggo na lang, balik-eskwela na uli ang mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan. Ngunit, handa na nga ba tayo?


Mahalaga na masuri ang kahandaan ng mga paaralan ngayong School Year (SY) 2023-2024 na nakatakdang magsimula sa Agosto 28, 2023. Maliban sa pagwawakas ng public health emergency na dulot ng COVID-19 at ang banta ng El Niño ay umikli ang panahon ng school break buhat nang magbago ang school calendar.


Para sa taong ito, nakatakda ang school break hanggang Agosto 27, 2023 mula Hulyo 8, 2023 o katumbas ng 51 araw lamang. At habang naka-school break ay isinasagawa naman ang National Learning Camp ng Department of Education (DepEd) o remedial classes sa mga public school, maging ang mga private school, hanggang Agosto 26, 2023.


Alalahanin din natin ang mga naging hamon sa pagpapatupad ng distance learning noong isuspinde ang pagpapatupad ng face-to-face classes dahil sa COVID-19 pandemic, lalo na’t mas maraming mga nangangailangang mag-aaral ang apektado ng digital divide. Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2021 sa mga nangangailangang mga sambahayan, 40% lang sa kanila ang may access sa internet at 95.5% ang gumamit ng mga papel na modules.


Upang matukoy ang mga hamon at ang magiging epekto ng parehong face-to-face classes at alternative delivery modes (ADMs), inihain ng inyong lingkod ang Proposed Senate Resolution No. 689. Sa ilalim ng ADM, maaaring magpatuloy ng kanilang edukasyon ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng online o kaya naman ay modular classes.


Nakasaad din sa naturang resolusyon na bibigyan ng konsiderasyon ang mga panawagang ibalik ang summer break mula Abril hanggang Mayo dahil sa nararanasang matinding init ng mga estudyante at guro sa mga panahong ito.


Sa ating patuloy na pagbangon mula sa pandemya at pagbabalik sa normal ng sektor ng edukasyon, dapat mapag-aralang mabuti ang lahat ng mga konsiderasyon upang matiyak ang kahandaan ng ating mga paaralan para sa epektibong paghahatid ng edukasyon.


Dahil humaharap pa rin tayo sa ilang mga pagsubok at pinsalang dulot ng pandemya, mahalagang matukoy natin kung paano natin tutugunan ang mga ito. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, kasama ang inyong lingkod sa pagtupad nito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 1, 2023

Learning recovery. Ito ang isa sa mga pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa sektor ng edukasyon upang matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya sa ating mga mag-aaral.


Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa mga estudyante sa bansa — lalo na sa 28 milyong mag-aaral na bumalik na sa kanilang mga paaralan. Kung ating matatandaan, ibinalik na ang full face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan noong Nobyembre 2022 pagkatapos ng higit dalawang taon ng remote at blended learning dulot ng pandemya ng COVID-19.


Dahil kasi sa kawalan ng face-to-face classes noong kasagsagan ng pandemya ay umurong ang kaalaman ng mga mag-aaral o nagkaroon ng tinatawag nating learning loss. Tinataya ng World Bank na buhat noong Hunyo 2022, umabot na sa halos 91% ang learning poverty sa buong bansa. Ibig sabihin, siyam sa 10 batang Pilipino na nasa edad na 10 ang hindi kayang magbasa o makaunawa ng maikling kuwento.


Tinataya rin ng World Bank na bababa ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) o magiging katumbas na lamang ng anim na taon ang 12 taon ng basic education dahil sa epekto ng pandemya.


Kaya naman umaasa tayo na alinsunod sa education agenda ng pamahalaan ay mapabilis din ang pagsasabatas ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program o ang Senate Bill No. 1604. Noong Marso, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang inihain ng inyong lingkod.


Sa mga hakbang na tulad nito ay mapapabilis natin ang pagbangon ng buong sektor ng edukasyon at matutugunan ang mga epekto sa mga mag-aaral ng pandemya.


Kabilang din sa inilahad ng Pangulo sa nagdaang SONA ang kahalagahan ng pagpapatatag sa abilidad ng mga mag-aaral na makapagbasa at makapagbilang — bagay na nais ding makamit ng ARAL Program.


Sa ilalim din ng panukala ay makatatanggap ang mga mag-aaral ng mga sistematikong tutorial sessions at mga intervention plan. Sa madaling salita, titiyakin na makatatanggap ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pag-aaral, matututunan nila ang mahahalagang learning competencies, at makakahabol sila sa kanilang mga aralin.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, kasama ang inyong lingkod sa layuning maiangat ang sektor ng edukasyon at siguruhing walang kabataang mag-aaral ang mapag-iiwanan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 27, 2023

Nakalulungkot isipin na marami pa rin ang hindi lubos na nakakaunawa sa usapin ng mental health. Akala ng iba ay simpleng tulog o bakasyon lang ang solusyon para matugunan ang depression o anxiety.


Ang mas nakalulungkot ay hindi nakakatanggap ng angkop at propesyonal na tulong ang mga apektado ng mental health crisis, partikular na ang mga kabataang Pilipino.


Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat ng 74% ang mga insidente ng suicide mula 2019 hanggang 2020, habang suicide ang naitalang pang-28 na pinakamataas na sanhi ng kamatayan. Noong 2019, pang-39 lang ang suicide bilang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa.


Sa madaling salita, lumobo ang bilang ng mga namatay sa suicide simula noong sumiklab ang pandemya ng COVID-19.


Mula sa pre-pandemic annual average na 2,752 noong 2017 hanggang 2019, umakyat sa 4,085 ang annual average ng mga namatay sa suicide noong 2020 hanggang 2022.


Noong School Year (SY) 2020-2021 at SY 2021-2022, makikita sa datos ng Department of Education (DepEd) na may 412 na mga mag-aaral ang namatay sa suicide.


Bagama’t tinanggal na ng pamahalaan ang state of public health emergency na dulot ng COVID-19, nakakapangamba naman ang banta ng pagkakaroon ng mental health pandemic, lalo na sa mga mag-aaral. Magsilbi sanang aral ang ating mga naging karanasan sa pandemya pagdating sa pagbibigay prayoridad sa mga mental health services sa buong bansa.


Ito ang dahilan kung bakit naghain ang inyong lingkod ng Proposed Senate Resolution No. 671.


Layon nitong repasuhin ang pagpapatupad ng Mental Health Act (Republic Act No. 11036). Dito, titiyakin ang pagkakaroon ng sapat na mental health services kasabay ng paghahatid ng serbisyo para sa edukasyon, kalusugan, proteksyon, at kapakanan ng ating mga kababayan.


Nauna na nating inihain ang Senate Bill No. 2200 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act upang patatagin ang programang pang-mental health sa mga paaralan — tulad ng emotional, developmental, at preventive programs, kabilang ang iba pang support services upang matiyak ang social at emotional well-being ng mga mag-aaral maging ang teaching at non-teaching personnel.


Sa pagpasa ng batas na ito, mas lalo nating binibigyang-diin ang pagkilala sa ating mga paaralan bilang pangalawang tahanan ng mga mag-aaral, hindi lamang sa paglinang ng kanilang kaalaman at kahusayan, kundi maging sa pangangalaga sa kalusugan ng pag-iisip. Sama-sama nating isulong ito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page