top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 15, 2023

Pangunahing layunin ng early childhood care and development (ECCD) ang pagbuo ng kaalaman at pagpapaigting ng kakayahan ng mga batang nasa 2 hanggang 4 taong gulang.


Dinisenyo ito upang sila ay maging mas handa sa paaralan habang sila ay nasa murang edad pa lamang.


Malaking pakinabang ang pagsusulong nito sa ating adhikaing masugpo ang krisis sa edukasyon na bumabalot sa bansa kaya walang patid nating tinututukan ang mga updates at solusyon sa mga suliranin kaugnay dito.


Sa kabila kasi ng magandang dulot nito, tila hindi nabibigyan ng pansin ang early childhood education (ECE) dahil lumalabas na siyam na porsyento lamang ng mga batang 2 hanggang 4 na taong gulang ang naka-enroll sa mga national child development centers (NCDCs) at mga child development centers (CDCs) nitong School Year 2022-2023.


Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Early Childhood Care and Development Council (ECCDC), sa kabuuang bilang na 6,835,586 ay 608,614 lamang ang mga batang may edad na 2 hanggang 4 ang naka-enroll sa mga NCDC at CDC.


Batay sa magkahiwalay na datos mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ngayong 2023 at sa Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ng taong 2019, isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit kaunti lang ang naka-enroll sa pre-kindergarten ay ang paniniwala ng mga magulang na masyado pang maaga para sa mga batang may edad 4 hanggang 5 ang mag-aral.


Kung susuriin ang datos ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), ang isang taon sa early childhood education (ECE) ay maiuugnay sa pagtaas ng humigit-kumulang na 6 points sa Math performance ng Grade 5. Umabot sa 286 ang average predicted math score ng mga math learners na pumasok sa ECE, samantalang 282 naman ang marka ng mga hindi pumasok sa ECE.


Lumalabas din sa datos ng SEA-PLM na kung ihahambing sa mga magulang ng mga bata na hindi pumasok sa ECE, iniulat ng mga magulang na may anak na pumasok sa ECE na mas maigting ang kakayahan ng kanilang anak sa pagsusulat at pagbasa, sa pagtukoy sa mga hugis, at sa basic addition.


Ipinapakita pa rin sa resulta ng 2019 SEA-PLM na sa 25% ng mga mag-aaral na nasa kategoryang pinakamahirap, may maliit ngunit positibong pag-angat na 0.4 points sa Grade 5 math score ang pagpasok sa ECE. Para naman sa 25% na pinakamayamang mga mag-aaral na pumasok sa ECE, mas mataas ng 10.71 points ang kanilang marka kung ikukumpara sa mga hindi tumanggap ng ECE. Makikita sa mga datos na ito ang epekto sa kalidad ng performance ng mga mag-aaral, anuman ang kanilang estado.


Pero hindi tayo pUwedeng magpakakampante. Bukod sa pagpapatayo ng mga child development centers, kailangan din nating iangat ang kalidad ng mga programa sa ECCD. Kapag kalidad ang pinag-uusapan, dapat tingnan dito ang curriculum, ang ating mga guro, at ang mga mag-aaral.


Kaugnay nito, dapat tiyakin natin ang maayos na ugnayan sa pagitan ng K to 12 basic education curriculum at ECCD curriculum.


Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029). Sa ilalim ng panukalang batas, palalawakin ang responsibilidad ng mga local government units sa pagpapatupad ng ECCD programs — kabilang dito ang pagkamit ng universal coverage para sa ECCD system at ang paglalaan ng karagdagang pondo at mga resources.


Sa loob ng maraming dekada, marami-rami na ring mga panukala ang naisulong para mapaigting ang sistema ng ECCD. Ngunit, patuloy ang pagharap nito sa iba’t ibang suliranin. Oras na para tuluyan nang maayos ang sistema.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 10, 2023

Ang Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan ng inyong lingkod ay nakatakdang maghain ng panukalang batas na layong palawakin ang tulong pinansyal para sa mga kabataang nag-aaral sa mga pribadong paaralan.


Isusulong natin na maging bahagi na ang mga Kindergarten hanggang Grade 6 sa mga benepisyaryo ng “voucher program” ng gobyerno sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).


Sa kasalukuyan kasi ay mga senior high school lang ang nabibigyan ng tulong ng programa sa pamamagitan ng Senior High School-Voucher Program (SHS-VP). Ito ay isang anyo ng tulong pinansyal para sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa non-DepEd schools at mga pribadong paaralan. Sa ilalim ng programa, nakakatanggap ang mga mag-aaral ng ayuda sa pamamagitan ng mga voucher.


Mayroon ding tinatawag na Educational Service Contracting (ESC) para naman sa mga mag-aaral ng junior high school. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng mas maraming slots ang mga estudyante para makapasok sa certified private junior high schools. Dito ay nakakatanggap ang mga nasabing mag-aaral ng ayudang tinatawag na ESC grants.


Kung palalawakin natin ang voucher program sa K to 6 ng mga pribadong paaralan, makakatulong ito sa patuloy na nararanasang pagsikip sa mga pampublikong paaralan.


Samantala, halos mabibilang lang sa daliri ang mga okupadong upuan sa mga silid-aralan sa mga pribadong paaralan. Kaya kailangan na nating humanap ng mga bagong paraan para tugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral pati na ang mga pinapasukan nilang eskwelahan.


Sa pagpupursige ng panukalang ito, kailangan ding targetin ang mga lugar kung saan maraming public schools para maging mas epektibo ang programa at ang paggamit ng pondo para sa mga subsidiya.


Makakatulong ang naturang programa na makabangon ang mga pribadong paaralan mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Base sa datos, mayroon lamang 3.2 milyong mag-aaral sa mga pribadong paaralan -- o katumbas lamang ng 14 porsyento ng kabuuang enrollment sa basic education -- noong School Year 2020-2021.


Sa naturang panukala, hindi rin natin dapat kalimutan ang pagtiyak ng kalidad ng edukasyon sa mga pribadong paaralan na lalahok sa programa. Mahalaga na mabigyan ang ating mga guro ng insentibo kapalit ng ibibigay nilang mataas na kalidad ng pagtuturo sa ating mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 8, 2023

Ilan lamang ang child development workers (CDWs) at child development teachers (CDTs) sa bansa na siyang katuwang natin para maipalaganap ang early childhood education sa mga bata na may edad zero hanggang 4 taong gulang.


Unang una, wala kasing kasiguruhan ang employment status nila. Lumalabas sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sa 78,893 na bilang ng mga CDWs sa buong bansa, 11% o 8,739 lamang ang may permanenteng posisyon sa kanila.


Sa isang pagdinig sa Senado ukol sa pagpapatatag ng early childhood care and development (ECCD) system sa bansa, lumalabas din sa datos ng DSWD na ang 23,835 sa kanila ay nasa ilalim lamang ng contractual employment o 30%, 22% naman o 17,749 ang mga nasa casual position, habang 20% o 15,890 ang saklaw lamang ng memorandum of agreement. Bukod dito, iniulat din ng DSWD na siyam na porsyento o 7,389 ay mga volunteer habang pitong porsyento o 5,561 naman ang nagtatrabaho sa bisa ng job order.


Bakit nga ba mahalaga ang mga social child development workers at child development teachers?


Ayon sa UNICEF Early Childhood Education Kindergarten to Grade 4 Longitudinal Study noong 2021, mas mataas ang marka sa Literacy (697) pagdating sa Grade 4 ng mga mag-aaral na nakatanggap ng early childhood education kung ihahambing sa mga hindi nakatanggap nito (672).


Mas mataas din ang score sa Mathematics (702) ng mga nakatanggap ng early childhood education kung ihahambing sa mga hindi nakatanggap nito (671).


Sa ilalim ng inihaing panukala ng inyong lingkod na Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029), na layong amyendahan ang Early Years Act of 2013 (Republic Act No. 10410), iminumungkahi rito ang mas malawak na responsibilidad para sa mga local government units (LGUs) pagdating sa pagpapatupad ng mga programa ng ECCD.


Kasama rito ang paglikha ng plantilla position para sa mga Child Development Teachers at Child Development Workers, pati na rin ang pagsulong ng kanilang professional development.


Kung nais nating isulong ang professionalization at paigtingin ang ECCD, kailangan nating ayusin at tiyakin ang kanilang tenure sa trabaho.


At dahil nakasaad sa panukalang batas na ibibigay sa mga LGUs ang responsibilidad at pamamahala ng tenure ng mga child development workers, bibigyan sila ng awtoridad na mamili kung sino ang itatalaga nila sa mga plantilla positions.


Iminumungkahi rin ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act ang responsibilidad ng mga LGU na magbigay ng sapat na pasilidad at mga resources para sa pagpapatupad ng ECCD programs. Layon din ng panukalang batas na makamit ang universal coverage para sa national ECCD system.


Sa naturang panukalang batas, sisiguraduhin na tugma ang K to 12 basic education curriculum sa ECCD curriculum — bagay na imamandato sa ECCD Council. Sa ilalim ng ECCD curriculum, dapat matiyak na matutugunan ang mga pangangailangang pang kalusugan, nutrisyon, at kalinisan ng mga bata.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, layon ng inyong lingkod na isulong ang mga adhikaing magpapaangat ng kalidad ng ECCD system at tiyakin ang mas matatag na trabaho para sa mga child development teachers and workers.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page