top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 14, 2023

Ang mga batang “stunted” o ‘yung mga mabagal lumaki dahil sa malnutrisyon ay nanganganib na magkaroon ng nutrition-related chronic diseases.


Mataas din ang tsansa na ang mga batang ito ay magpakita ng mas mababang performance sa kanilang pag-aaral na maaaring makaapekto sa kanilang productivity sa trabaho pagdating ng panahon.


Isa sa ating isinusulong ang pagpapatupad ng isang universal meal program upang masugpo ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan pagdating sa nutrisyon — kabilang na ang stunting at undernutrition.


Tulad sa ibang bansa, dapat magkaroon din tayo ng ganitong programa para matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang bawat mag-aaral. Bagama’t kakailanganin nito ng malaking pondo, hindi tayo titigil na gumawa ng paraan para maisakatuparan ito.


Base sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute’s (DOST-FNRI) para sa taong 2021, humigit-kumulang 2.7 milyon o 20% ng mga batang lima hanggang 10 taong gulang ay stunted, humigit-kumulang 2.8 milyon o 21% ang underweight, at isang milyon o pitong porsyento naman ang wasted o magaan para sa kanilang timbang.


Sa ilalim ng pondo ng school-based feeding program (SBFP) para sa kasalukuyang school year, paaabutin na ng 220 days o buong school year ang pagpapatupad ng programa.


Noong mga nagdaang taon kasi ay 120 days lamang ang saklaw ng programa. Ang dating P5 bilyong pondo ng SBFP, ngayon ay umakyat sa P11 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2024, katumbas ng 105% na pag-akyat sa pondo ng programa.


Samantala, balak ng Department of Education (DepEd) na maabot ang 1.6 milyong benepisyaryo mula Kindergarten hanggang Grade 6 para sa susunod na taon. Target din ng DepEd na palawigin ang bilang ng araw ng pagpapatupad ng Milk Feeding Program Component ng SBFP sa 47 hanggang 55.


Base sa pag-aanalisa ng departamento, pare-pareho ang nagiging benepisyaryo ng programa kada taon. Bumabalik daw kasi ang mga bata sa dating estado ng kanilang nutrisyon. Lumalabas na kulang ang 120 na araw na pagtanggap nila ng school meals.


Iniulat din na bumabalik sa pagiging malnourished ang mga mag-aaral na ito pagkagaling nila mula sa bakasyon ng dalawang buwan.


Nakakalungkot dahil maraming bata ang walang sigla dahil sa kakulangan sa masustansyang pagkain. Ang kanilang pisikal na kahinaan ay nagdudulot ng kawalan ng interes sa pag-aaral, hindi pagpasok sa eskwela, pagiging masakitin, kawalan ng ganang makipaglaro sa iba, at marami pang iba.


Hindi matututo ang batang gutom. Kaya naman, dapat tugunan ang mga isyung ito sa murang edad pa lamang. Kailangan natin itong aksyunan upang hindi lalong mapinsala ang kanilang pisikal na kalusugan at estado ng kaisipan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 11, 2023

Kailangang palawakin natin ang kapasidad ng State Colleges and Universities o SUCs upang mas maraming mga kuwalipikadong mag-aaral ang makinabang sa libreng kolehiyo o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931), na mas kilala sa tawag na “free higher education,” upang mabigyan ang mga kabataan ng mas magandang kinabukasan.


Kung titingnan natin ang datos, tumaas ang bilang ng mga mag-aaral sa basic education na nagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo dahil sa batas. Bago ito naging batas, umabot lamang sa 54% ang progression rate sa high school papuntang kolehiyo para sa Academic Year (AY) 2013-2014, habang 62% naman ang naitala para sa AY 2014-2015.


Ngunit buhat noong nagkaroon ng libreng kolehiyo, pumalo sa 81% ang progression rate ng high school tungo sa kolehiyo mula 2018 hanggang 2022.


Gayunman, may mga mag-aaral na hindi natutuloy mag-enroll kahit nakapasa na sila sa admission exam dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan, mga pasilidad, laboratoryo, at mga guro na kinakailangan ng mga mag-aaral. Ito ay base sa naging konsultasyon natin sa mga pangulo ng mga SUCs. Sa madaling salita, may mga kabataan pa rin ang hindi nakikinabang sa libreng matrikula sa kolehiyo na ating ipinanukala kahit kuwalipikado naman sila. Dapat magkaroon ang gobyerno ng estratehiya at plano para tugunan ang mga kakulangang ito.


Sa kabila ng inilalaang pondo para sa libreng kolehiyo nitong mga nagdaang taon, kapansin-pansing hindi pa rin naging sapat ang pagtaas ng capital outlay para sa mga SUCs. Kaya naman sa gitna ng mga panawagang bisitahin at repasuhin ang nasabing batas, mariing isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapalawak sa kapasidad ng mga SUCs.


Para sa 2024, humigit-kumulang 51.1 bilyong piso ang kinakailangan para sa pagpapatupad ng free higher education law.


Samantala, hindi na rin kailangang magsagawa ng national screening test upang suriin kung sino ang dapat makatanggap ng libreng kolehiyo dahil mayroon namang sariling admission exam ang mga SUCs at Local Universities and Colleges o LUCs.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin na sa pamamagitan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), patuloy ang ating pagsisikap na patatagin ang basic education sa bansa upang tumaas ang tsansa ng mga bata na makapasok at makatapos ng kolehiyo.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 7, 2023

Sagana tayo sa mga kabataang punumpuno ng potensyal. Pero aanhin naman nila ang potensyal kung hindi naman nila ito magagamit sa trabaho pagkatapos nilang mag-aral?


Lumalabas na bigong matupad ng K to 12 program ang pangakong ihanda para sa trabaho ang ating mga senior high school graduates.


Apat sa 10 Pilipino ang kuntento sa senior high school base sa pinakahuling pagsisiyasat ng Pulse Asia. Sa resulta ng survey na kinomisyon ng tanggapan ng inyong lingkod noong Hunyo 19 hanggang 23, 2023, 41% lang sa 1,200 na mga lumahok sa survey sa buong bansa ang nagsabing kuntento sila sa senior high school. Mas mataas nang bahagya ang mga hindi kuntento na pumalo sa 42%, at 16% naman ang hindi tiyak kung kuntento sila o hindi.


Mas marami sa National Capital Region ang hindi kuntento sa senior high school o 53% samantalang 31% lamang ang kuntento sa programa. Sa Luzon, 43 % ang kuntento at 35% ang hindi kuntento sa senior high school. Sa Visayas, parehong 42% ang kuntento at hindi kuntento sa programa. Sa Mindanao naman, halos kalahati o 49% ng mga kalahok ang hindi kuntento sa senior high school, habang 42% naman ang kuntento.


Base sa ating pag-aanalisa, mas maraming hindi kuntento sa senior high school dahil hindi nila nakikita ang benepisyo ng programang ito. Para sa kanila, dagdag na gastos lang ang dulot ng karagdagang dalawang taon sa high school.


Ito rin kasi ang lumabas sa pag-aaral ng 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) kung saan 20% lamang ng mga graduates ng senior high school ang pumapasok sa labor force, samantalang 70% ang nagpapatuloy na lang ng kolehiyo. Ang resulta rin sa nasabing pag-aaral ng PIDS na pagdating sa basic pay, lumalabas na halos walang pinagkaiba ang mga senior high school graduates kung ihahambing sa mga nakakumpleto ng dalawang taon sa kolehiyo at Grade 10 students.


Sa hangaring matuldukan ang mismatch sa pagitan ng skills ng mga graduates ng senior high school at ang mga pangangailangan ng labor market, inihain ng inyong lingkod ang Batang Magaling Act o ang Senate Bill No. 2022. Hangad ng panukalang batas na patatagin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), local government units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya.


Ang Batang Magaling Act ay isang pangako sa ating mga kabataan at isang pag-asa tungo sa maunlad na kinabukasan. Mahalagang matupad ang adhikaing ito, kaya naman ito ang ating titiyakin sa ilalim ng aking pamumuno ng Senate Committee on Basic Education.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page