top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 26, 2023

Panatilihin natin ang mga mag-aaral sa mga paaralan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).


Sa isang pagdinig ng Senado tungkol sa kahandaan ng mga public schools sa pasukan, kapansin-pansin na ang participation rates sa BARMM ay mas mababa pa sa participation rate average sa buong bansa. Kaya naman, ipinapanawagan natin sa BARMM na tugunan ang mga hamong kinakaharap ng rehiyon pagdating sa enrollment ng ating mga kabataan sa lugar.


Noong School Year (SY) 2020-2021, umabot sa 53 porsyento ang participation rate ng rehiyon sa Kindergarten, mas mababa sa 66 porsyento na naitalang average sa buong bansa. Pagdating sa elementary, 69 porsyento ang participation rate sa rehiyon, samantalang 89 porsyento naman ang naitala sa buong bansa. Patuloy naman ang pagbaba ng participation rate sa junior high school na umabot sa 37 porsyento, habang 13 porsyento naman sa senior high school.


Sa buong bansa, umabot sa 81 porsyento ang participation rate sa junior high school at 49 porsyento naman sa senior high school noong SY 2020-2021. Malayo ang mga numero sa nais nating maabot.


Hindi rin dapat palagpasin ang mababang average cohort survival rate sa naturang rehiyon.


Lumalabas kasi na sa kada 100 mag-aaral sa rehiyon na papasok sa Grade 1, 17 lamang ang nagtatapos ng Grade 12. Sa bawat 100 mag-aaral sa buong bansa na papasok ng Grade 1, 51 naman ang nakakatapos ng senior high school.


Nananatili ang ating paninindigan sa pangunahing layunin natin sa BARMM: Isulong ang pagpasok sa paaralan, habang ang pangalawang layunin ay panatilihin silang nag-aaral.


Sa ating naging mga dayalogo sa mga gobernador ng BARMM, napag-alaman natin na maraming kabataan sa rehiyon ang tumitigil sa pag-aaral upang tumulong sa bukid ng kanilang mga pamilya.


Napipilitan silang magtrabaho sa murang edad pa lamang dahil sa kahirapan. Ngunit pagdating ng panahon, makakapinsala ito sa kanilang kapakanan.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nauna nang isinulong ng inyong lingkod ang pinaigting na back-to-school program upang tumaas ang enrollment sa BARMM.


Mungkahi rin natin ang maigting na pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS) sa nasabing rehiyon upang mahasa ang kakayahan ng working population, kabilang ang mga out-of-school children and youth.


Kailangan nating makipagtulungan sa BARMM upang tumaas ang enrollment rate sa kanilang lugar. Mahalaga na matiyak nating hindi mapagkakaitan ng edukasyon ang ating mga kabataan sa rehiyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 21, 2023

Kung mayroon lang sanang sapat na bilang ng mga kawani sa Early Childhood Care and Development (ECCD) Council, epektibo nating maipapatupad ang mga programa nito sa buong bansa.


Sa ilalim ng Republic Act No. 10410 o Early Years Act of 2013, mandato ng ECCD Council ang pagpapatupad sa National ECCD System na sinasaklaw ang mga programa para sa kalusugan, nutrisyon, maagang edukasyon, at social services development ng mga bata na may edad na hanggang apat na taong gulang.


Sa ngayon, meron lamang 15 plantilla positions na napunan sa ECCD Council. Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng inyong lingkod ang paglikha at pagpuno ng mas maraming plantilla positions sa ilalim ng ECCD Council. Malaki ang epekto ng kakulangang ito upang maging epektibo ang papel ng mga local government units (LGUs) at mapaigting ang ugnayan nito sa implementasyon ng ECCD programs.


Iminumungkahi rin natin na gamitin ang iba pang pondo ng ECCD Council para sa paglikha ng plantilla positions.


Kabilang sa mandato ng ECCD Council ang pagbuo ng isang pambansang sistema para sa early identification, screening, at monitoring ng mga batang may edad na hanggang apat na taon.


Inihain din ng inyong lingkod ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act o Senate Bill No. 2029 upang patatagin ang ECCD sa bansa. Layon ng ating panukala na tiyakin ang ugnayan sa pagitan ng basic education curriculum at ECCD curriculum. Isinusulong din ng panukalang batas ang mas malawak na responsibilidad para sa mga LGUs sa pagpapatupad ng mga ECCD programs, kabilang ang probisyon ng dagdag na pondo at mga pasilidad.


Kung magiging sapat ang ating mga kawani, malaya nating mapapakilos ang mga LGUs upang mapatatag ang ECCD sa bansa, maabot natin ang universal coverage, at matiyak ang pagkakaroon ng dekalidad na child development teachers (CDTs) at child development workers (CDWs). Bilang resulta, tiyak na dekalidad din ang matatanggap na kaalaman, kakayahan at kahandaan sa edukasyon ng mga bata habang sila ay nasa murang edad pa lamang.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 19, 2023

Kaunting hakbang na lang, maisasabatas na ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200).


Iminumungkahi sa panukalang batas na gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program upang pangalagaan at itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral sa mga public at private schools. Saklaw din ng panukala ang mga out-of-school children in special cases tulad ng mga mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga kabataang naiipit sa gitna ng mga sakuna, at iba pang mga marginalized sectors.


Sa ilalim ng panukalang batas, may mandato ang Department of Education (DepEd) na magtayo at magpatakbo ng mga Care Center sa mga pampublikong paaralan.


Responsibilidad ng mga Care Center na turuan ang mga mag-aaral pagdating sa prevention, identification, at wastong pagresponde at referral para sa kanilang mga pangangailangan pagdating sa mental health.


Tungkulin ng DepEd na tiyaking may mga Care Center din sa mga pribadong paaralan.


Pagmumulan din ang mga Care Center ng angkop na referral para sa mga intervention at aftercare support mula sa mga ahensya, institusyon, organisasyon at iba pang mga propesyonal. Paiigtingin din nito ang kaalaman at literacy ng mga guro pagdating sa mental health.


Para naman masiguro na may sapat na mga kawani para sa pagpapatakbo ng School-Based Mental Health Program, lilikha ang panukalang batas ng mga bagong plantilla positions na Mental Health Associates I hanggang V, at Mental Health Specialists I hanggang V. Gagawin namang Mental Health Specialists ang mga Guidance Counselor at Psychologists sa DepEd upang maibigay ang angkop at propesyonal na tulong sa mga may mental health concerns.


Noong Hulyo 2022, mayroon lang 1,192 na napunang posisyon sa DepEd para sa guidance counselors at coordinators. Kulang na kulang ang bilang na ito lalo na’t sa School Year 2023-2024, iniulat ng DepEd na mayroong mahigit 26 milyong mag-aaral ang naka-enroll.


Kaabang-abang ang mga susunod na hakbang tungo sa pagsasabatas ng naturang panukala dahil makakatulong ito para sugpuin ang kung tawagin natin ay “pandemya ng mental health” sa bansa.


Bilang lingkod-bayan na nagsusulong ng dekalidad na edukasyon para sa lahat, mahalaga para sa inyong lingkod na matiyak ang wastong aruga sa mga kabataang mag-aaral at guro sa aspetong pisikal, mental, emosyonal, moral, ispiritwal at pakikipagkapwa-tao. Samahan ninyo akong isulong ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page